“PAGBUTIHAN mo.”
‘Yan ang hamon ni Sen. Grace Poe sa kanyang anak na si Brian Poe Llamanzares na tumatakbo bilang partylist representative sa 2025 elections.
Si Brian ang unang nominee para sa FPJ (Fernando Poe Jr.) Panday Bayanihan partylist.
Naniniwala si Sen. Poe na kayang-kayang gampanan ni Brian ang hamon ng pagiging isang kinatawan.
Subalit, gaya ng bilin sa kanya ng kanyang inang si Susan Roces, sinabi ni Poe kay Brian na “pagbutihan mo at huwag mo kaming papahiyain.”
Ibig sabihin nito ay dapat higitan pa ni Brian ang bilin na ito ng kanyang lola at ng kanyang ina.
Dapat ay galingan ni Brian.
Dahil nire-represent ni Brian ang legasiya ng kanyang lolo na si FPJ, tama lang na ipakita niya na magagampanan niya ang pagiging isang mabuting representative.
Mas malaki na ngayon ang kanyang responsibilidad at mas malawak na ang kanyang masasakupan.
Nais ipagpatuloy ni Brian ang mga programang maiiwan ng kanyang ina na matatapos na ang termino bilang senador.
Naniniwala si Brian na ito na ang tamang panahon para sumabak sa politika.
Parang pelikula ni FPJ na Simulan mo, Tatapusin ko. Sinimulan ni Grace Poe ang mga programang makakatulong sa masa, tatapusin ni Brian bilang isang kinatawan para guminhawa ang buhay ng mga nasa laylayan.
Handa na rin si Brian sa kanyang tatahaking yugto bilang partylist representative dahil, ayon kay Grace, masipag at hard working si Brian. At “alam niya na isang pribilehiyo ang magkaroon ng legasiya ni FPJ.”