Galunggong at ang gunggong na DA

TAON 1985. Naging isang malaking campaign issue ang galunggong nang tumaas ang presyo nito sa merkado. Bagamat hindi ito ang dahilan ng pagbagsak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos naging basehan ito nang pagtaas o pagbaba ng performance ratings ng mga sumunod na pangulo ng bansa.

Katulad ng bigas, ang galunggong, bukod sa manok at baboy ang itinuturing nating mga pangunahing bilihin at ang pagtaas ng presyo nito ay maituturing na socially and politically sensitive issues at mas lalo pang nagiging isang malaking isyu pag dating ng halalan.

Mula sa halagang P6 kada kilo noong 1985, ang presyo ng galunggong ay umabante sa halagang P20 kada kilo noong panunungkulan ni Gng. Aquino. Umabot sa P100 kada kilo ang presyo ng galunggong noong kapanahunan ng panunungkulan ni Noynoy Aquino.

At dahil wala talagang konkretong plano ang pamahalaan lalo na ang Department of Agriculture (DA) at ang ahensya nitong Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) pumalo na sa P240 hanggang P280 ang kilo ng local na galunggong sa mga palengke habang mas mababa sa P20 ang imported.

Nito lamang linggong ito inihayag ng DA na magi-import sila ng 60,000 metric toneladang pelagic fish, mayorya dito ang galunggong (round scad) upang matugunan ang kakapusan ng suplay na siya namang nagiging mitsa ng pagtaas ng presyo.

Ang planong importasyon ay nagbunsod ng reaksyon kina Senador Manny Pacquiao at Panfilo Lacson, pawang mga presidential aspirant, maging ang cause-oriented group na Pamalakaya na parehong nagsabing tanda ito ng pag-amin ni DA Secretary William Dar na wala silang kakayahan na palakasin ang fisheries at aquatic sector at ma-manage nang maayos ang ating yamang dagat.

“This is unbelievable. Saan ka naman nakakita ng bansang napapaligiran ng mga dagat pero nag-iimport ng mga produktong galing sa dagat?” ayon pa kay Pacquiao.

“Sobrang kawawa na nga ang ating mga magsasaka dahil sa pagpasok ng napakaraming imported at smuggled na mga bigas at gulay, tapos ngayon naman ang mga mangingisda naman natin ang gustong parusahan,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Pacquiao at Lacson na dapat ay prayoridad ng DA na protektahan ang interes ng mga mangingisda at magsasaka ngunit wala itong ginawa para mapaunlad ang fishing industry sa bansa.

Isang tumbalik kung ating iisipin na ang ating bansa na siyang isa sa may pinakamalaking dalampasigan ay nangungulelat pag dating sa sektor ng pangisda. “Dapat tayo ang nag-eexport ng mga isda lalung-lalong na yang mga isdang gaya ng galunggong at makerel dahil marami niyan sa Pilipinas. Paano nangyari na tayo ngayon ang nag-iimport samantalang napakaraming Pilipino ang mangingisda?” dagdag pa ni Pacquiao.

Nakakalungkot talagang isipin na sa lawak ng ating karagatan walang konkretong plano ang gobyerno kung paano palakasin ang sektor na ito na karamihan ay kinabibilangan ng maliit na mangingisda. Maging ang Laguna Lake na may malaking potensyal na maka produce ng mas malaking bilang ng isda ay nakararanas ng pagbulusok bunga ng siltation, monopolyo ng mga pulitiko at polusyon.

Mapapababa ba ng importasyon ang presyo ng galunggong? Ang sagot ay hindi. Ito ay kung tatanungin mo ang ilang food security advocacy group.

Maapektuhan ba ng importasyon ang lokal na mangingisda? Ang sagot ay tumataginting na oo. Ang maliliit na mangingisda kasi ay napipilitang magtaas ng presyo sa kanilang mga huli bunsod na rin ng tumataas na halaga ng krudo na kanilang ginagamit sa pangingisda. Katulad ng mga magsasaka ng palay, sila rin ay nagiging biktima ng pambabarat ng mga dealer o middlemen.

Ang isang potensyal na mangyari ay pwedeng mag stabilize ang presyo ng galunggong dahil sa importasyon ngunit hindi ito garantiya na hindi ito muling tataas kapag naubos na ang suplay.

Noong Agosto kasi ay pinayagan ni Dar na mag-import tayo ng 60,000 tonelada ng isda kasama na ang galunggong, mackerel at bonito gayong 30,000 tonelada lamang ang kulang.

Sa loob ng ilang buwan ang kakulangan ng suplay ng bigas at isda ang nagbunsod ng mataas na inflation sa gitna ng mga lockdown dulot ng COVID-19 pandemic. Sa madaling salita masasabi nating gunggong ang liderato ng DA na pinamumunuan ni Dar.

Ngayon ako naniniwala na kaya siya ipinasok diyan sa DA ay dala na rin ng lobby ng mga korporasyon na siya ring kinabibilangan ni Dar. Si Dar kasi ay dating CEO ng isang malaking agri-industrial sector.

Ito rin ang bintang ng Pamalakaya sa kanyang liderato na nagsusulong ng liberalisasyon. “This liberalization scheme [will never address] the country’s crisis in fisheries production. Rather, it is burden to local fisherfolks whose fishery products are being outcompeted by imported fish,” ayon sa statement ng Pamalakaya.

Sa isang statement, binarahan din ni Lacson si Dar na nagsabing ang kanyang desisyon ay papatay sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda. “Import pa more! After killing our farmers by importing vegetables and fruits, it is the turn of our fishermen to die,” saad ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Nagtataka lang ako kung bakit sa kabila ng kanyang mababang performance ay naririyan pa rin si Dar sa DA. Kayo, mga ka-Publiko ano sa tingin ninyo?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]