ISANG araw, may tatlong asong nagkita-kita sa isang parke: isang German Shepherd, isang American Golden Retriever, at isang Asong Pinoy.
Gaya ng lahat ng hambog na nilalang, agad nilang ipinagyabang ang kanilang husay sa pagmanipula ng mga tao.
Unang nagsalita ang German Shepherd na si Frauke—matikas ang tindig, makintab ang balahibo, at puno ng kumpyansa.
“Ah, kaming mga Aleman ang pinakamatalino!” sigaw ni Frauke habang ipinagmamalaki ang kanyang tigasing asta.
“Kami ang ginagamit sa mga operasyon ng pulis at militar—sinanay kami para suminghot ng panganib at protektahan ang mga tao!” tahol niya.
“Sa Alemanya, kami’y kilala sa disiplina. Pero dito sa Pilipinas, iginagalang kami. Sa totoo lang, kami ang
nagtuturo sa mga sundalo at pulis ninyo.”
“Sige nga, pakitaan mo kami ng iyong galing,” hamon ng dalawa.
“Natatanaw n’yo ba ‘yung lalaki sa banda roon? Isang kapitan yan sa militar. Panoorin ninyo ang gagawin ko,” sabi nito.
Humarap si Frauke sa sundalo at tumahol, “Sitz!”
Agad na umupo ang sundalo sa bangko.
“Platz!” Humiga ang sundalo.
“Bleib!” Nanatiling nakatulala ang sundalo, parang robot na naubusan ng baterya.
Halos hindi makapaniwala ang asong Amerikano at ang askal na parang sunud-sunuran ang sundalo sa bawat utos ng asong Aleman.
Pagmamalaki ni Frauke: “Ang mga sundalong Pilipino ay takot sa aming mga Aleman. Nanginginig sila pag kami’y nakikita, at agad nilang sinusunod ang aming utos. Ang tawag namin diyan, Leistungsfähigkeit—o Disiplina.”
Pero, siyempre, hindi magpapatalo ang Amerikanong aso.
Kumawag-kawag ang buntot ni Max, ang Golden Retriever, na parang hindi man lang bumilib sa paandar ng asong Aleman.
“Eh ano ngayon? Sa Amerika, hindi lang namin sinasanay ang mga tao— iniimpluwensyahan din namin sila para kami’y mas lalong makilala!” patudsada nito.
“Natatanaw niyo ba ‘yung babae sa banda roon? Sikat na artista ‘yan. Panoorin ninyo ang gagawin ko,” pagmamalaki ni Max.
Tumakbo si Max papunta sa dalagang may hawak na kamera.
Kinindatan nito ang dalaga, ikiniling ang ulo, umungol nang kaunti, pumikit ng bahagya, at nagpakawala ng napakatamis na ngiti—isang “charm offensive” na hindi kayang labanan ng kahit sinong tao.
“OMG, OMG—ANG KYUT KYUT MO!!!” sigaw ng dalaga habang nagse-selfie kasama si Max. Ilang segundo pa, sumasayaw na silang dalawa sa harap ng kamera.
Wala pang ilang minuto, viral na ang bidyo ni Max sa Internet.
“’Nakita n’yo?” nakangiting sabi ni Max. “Kusang-loob silang nagpapadikta sa akin. Hindi ko kailangang sumigaw ng kung anu-anong utos para sundin ako ng tao. Eh di ngayon, sikat na ako!”
Napangiwi si Frauke: “Pagmamanipula ang tawag d‘yan. Hindi ‘yan counted!”
Napahalakhak si Max: “Hahaha! Sa Amerika, hindi pagmamanipula ang tawag dyan. Ang tawag diyan ay charm—karisma.”
Biglang napailing ang gusgusing Aspin na si Bruno, tila hindi bilib sa mga ipinagyayabang ng dalawa niyang banyagang kaibigan.
Kumamot muna siya nang mabilis sa tenga, pinitik ang isang garapata, saka ngumisi: “Mga kaibigan, magaling kayo sa pagmanipula ng tao—pero sa Pilipinas, sanay na kami sa pananakot at pang-uuto ng mga dayuhan. Hindi na ‘yan bago. ‘Yung paandar n’yo? ‘Di counted ‘yan. Dito sa Pilipinas, ang tunay na alas ay para-paraang galawang- kalye—ang tawag namin d’yan ay ‘diskarte’.”
Nagkatinginan sina Frauke at Max.
“Ah ganun?” hamon ni Max. “Sige nga, ipakita mo ‘yang sinasabi mong diskarte.”
“Natatanaw niyo ba ‘yung matandang lalaki sa banda roon? Tindero ng barbeque at hotdog yan. Panoorin ninyo kung paano ko siya mapapasunod,” wika ni Bruno.
Nag-inat si Bruno, tumunganga sandali, saka dahan-dahang lumapit sa tindero.
Pero imbes na magpakitang-gilas, umupo lang siya sa harap ng kariton, kumampay ang buntot na parang bentilador, at tumitig sa matanda gamit ang pinakakaawa-awang mukha sa kasaysayan ng mga aso—parang may lungkot ng sanlibong nagdaang buhay sa kanyang mga mata.
“Awww, kawawa ka naman…” buntong-hininga ng tindero. “Gutom na gutom ka na siguro… Sige na nga, eto na.”
Pinagpag ng matanda ang mainit-init na hotdog at inihagis kay Bruno. Hindi pa nakuntento—sinundan pa ito ng ilang piraso ng barbeque at isang plato ng mainit na kanin.
Walang kahirap-hirap na kinain ni Bruno ang libre niyang pagkain, sabay balik sa dalawa: “Ayan, mga Kaibigan, ganyan ka-simple ang galawang-kalye. ‘Yan ang diskarte.”
Napailing si Max. “Kaibigang Bruno, niloko mo lang ‘yung tao. Scam yung ginagawa mo. Iskarte—scam na may kasamang arte!”
Nag-inat si Bruno, dumighay, at humiga sa ilalim ng mesa. Napangiti na lang ito sa tawag na “iskarte”.
At doon, nagsalita ang Prinsipe ng Kalsada…
“Mga Kaibigan, lahat tayo ay matatawag na mga iskamer. Ang kaibahan lang ninyo eh ang inyong lahi at balahibong banyaga. Pero sa mundong ito, kahit gaano pa kayo katalino o kakarismatiko, ang pinakamahalaga ay ‘diskarte’—diskarte ang tanging puhunan ng mga kagaya ko para mabuhay at makipagsapalaran sa mundo.”
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Hindi lang naman puro talino o talento ang laban. Minsan, diskarte lang ang kailangan.