NAKITA ko na naman at matindi ang aking panlulumo.
Mainam kayang magtayo na lamang ng sementeryo para sa kamatis, carrots, repolyo at iba pang gulay na nabubulok na dahil hindi mailuwas at maibenta? Inililibing na lamang muli sa lupa, simbolismo ng unti-unting kamatayan ng kabuhayan ng mga magsasaka sa Norte at maging sa Timog Katagalugan.
Paulit-ulit ang ganitong eksena. May sitwasyon pang napilitang ibenta ng isang magsasaka sa norte sa halagang P3 kada kilo ang cauliflower niyang nasa isang libong tonelada. Naiulat ito ng aking FB group na Rural Rising.
A clear case of disaster capitalism! Pinagkakakitaan ang miserableng sitwasyon, sinasamantala ang pandemya at kahinaan ng kapwa. Ang kalabasa, na nabibili ng P40 kada hiwa sa mga supermarket o halos 280 per kilo ay inaangkat lamang sa P2 pesos per kilo mula sa mga magsasaka. Opo, dalawang piso!
A case of overproduction? Nope. Ang issue ay foreign disruption. Binabaha tayo ng imported na mga gulay. Kaya binabarat ng traders ang mga local na magsasaka. Paluging presyo. Presyong pamigay. Anong klaseng inhustisya ito?
Ilang taon na nating ipinanawagan ang pagpapalakas ng local na produksyon- mula palay (bigas), presyo ng livestock at mga gulay. Maraming position paper at press releases din ang pinagpuyatan upang maiparating sa ating mga mambabatas ang ating tindig laban sa importasyon. Nag-alok tayo ng mga rekomendasyon mula sa best practices ng mga eksperto upang gawing reference nila sa paggawa ng batas na sasagip sa hikahos na sitwasyon ng magsasaka.
Hinikayat natin ang Department of Agrarian Reform at Department of Agriculture at iba pang ahensiya ng gobyerno na ibigay ang kagyat na suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan, halimbawa, ng pagtataas ng farmgate prices, cash grant, low-rate loans, support services including farm-to-market roads at technology transfer.
Bawat kalihim ng mga ahensiya ay nangangako ng mas magandang programa para sa mga magsasaka, subalit sa mga tagumpay na naipatupad, mas higit ang pagsasamantala.
Sa suma total, mas humigpit ang pagkakagapos sa tanikala ng kahirapan ng mga magsasaka lalo na at ibinukas na sa mga dayuhan ang importasyon at maging foreign investments.
Di kataka-taka na sa pinakahuling datos, umakyat sa 32%(2.771 million metric tons) ang rice importation, pangalawa sa pinakamataas na import volume sa kasaysayan ng bansa.
Saan pupulutin ngayon ang ating displaced local farmers kung mas maraming imported rice sa pamilihan? Sa bukirin pa lang, nakadapa na ang presyo ng palay. Bandang Nobyembre noong nakaraang taon ay umabot sa P7 kada kilo ang farmgate price ng palay. Ang rule of the thumb ay kapag P7 ang presyo ng palay, ang regular milled rice ay dapat ibenta sa halagang P14 pesos o doble sa farmgate price. Mayroon bang presyo ng bigas na P14? Siyempre wala. Nasa 36 to 45, habang ang well-milled rice ay nasa 55 to 70 kada kilo ang bentahan.
Noong panahon na autonomous ang National Food Authority at wala pa sa control ng Department of Agriculture, matindi ang batikos dito dahil sa alegasyon ng anomalya sa importasyon at pagbili sa local farmers. Sa dami ng palpak ng NFA, gaya ng paboritismo sa preferred farmer cooperatives, at nabulok na mga bigas sa mga bodega nito, nagkaroon ng malawakang reporma.
Ano na ang nangyari?
Hindi naman tumigil ang rice smuggling. Kung dati ay discreet ang galawan ng mga traders, ngayon ay tila may basbas pa mismo ang pamahalaan. Bakit ko nasabi? Dahil mas malayang nagkakapag-import ngayon ng walang gaanong alingasngas. Polisiya ng DA ang importasyon, kung kaya naman tayo ay second largest importer ng bigas. Pinababa din ang buwis ng mga imported na produkto, at masyadong naging “friendly” ang gobyerno sa foreign business.
Nasisisi ang mga magsasaka kapag mahina ang produksyon. Nakakakuha ng dahilan ang gobyerno para mag-import. Subalit kahit kaunti na lamang ang kanilang ani kung hindi pa ito maibenta sa tamang presyo, may motivation pa ba upang magsaka o magtanim?
Isinisisi ng mga traders na kaya ganun kaliit ang kaya nilang i-alok na presyo sa mga magsasaka dahil sa kanilang tax obligations at iba pang overhead expenses gaya ng transportasyon. Pinababa na ang tax sa kanila, sila pa ang may ganang magreklamo. Gaslighting ba ini? Pa-victim ang peg.
Sa ratio, 90/10. Nubenta porsyentong ganansiya para sa mga negosyante/traders at sampung posyento lamang para sa mga totoong lumikha ng produkto. At sasabihin pa nilang tumutulong sila sa magsasaka sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kanilang produkto; imbes na mabulok o ilibing na lamang muli sa lupa.
The height of kasakiman sa tubo! Enough of selfish ends!
Anong mga istratehiya para masolusyunan ang spike sa presyo ng bilihin, masuportahan ang magsasaka at gumaan ang pinapasan ng konsyumer?
Sa pagbabalik-tanaw, naalala ko ang ilang government programs na nakatulong kahit papaano sa mga konsyumers gaya ng Rolling Stores, Kadiwa Stores, Food Terminals. Yung “mula taniman ay diretso sa hapag-kainan” ang konsepto. Mas murang presyo na tinangkilik ng publiko dahil mura ang presyo, produktong local at mas ligtas sa chemical preservatives na sangkap sa mga imported products.
Kailangan ding itaas ang level ng subsidy para sa local farmers, at buwisan ng mas mataas ang mga produkton imported.
Ang highlight siyempre, malinis na pamamalakad. Walang korapsyon.
Kaya anumang programa ay nakasalalay pa rin sa integridad ng ahensiya ng gobyerno namamahala dito.
Ang mga kapalpakan sa seguridad ng pagkain at istabilidad ng food prices ay palagiang nakaugat sa makataong polisiya. Gawin ng mga ahensiya ang kanilang papel upang iangat ang food security ng bansa.
Sa kabila ng kapaguran at kaapihan, ang mga magsasaka ay lagi lamang nandiyan. Mga bayaning di natin napapahalagaan. (At bumalik sa alaala ang mukha ng magsasaka na umiyak sa madla habang iniinterbyu sa rali sa Mendiola.)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]