ILANG oras pa lamang ang nakakaraan, tatlong bansa sa hilagang Europa ang nag-anunsiyo na mahigpit na nag-utos na tanggalin sa pamilihan ang ilang inumin, kabilang ang iconic Coca-Cola products dahil umano sa mataas na level ng chemical na chlorate.
Ang chlorate ay ginagamit sa disinfection ng tubig katulad ng chlorine dioxide. Ang mga apektadong product ay pangunahing produkto ng Ghent, Belgium.
Ang ilan sa mga produktong pina pa-recall ay Coca-Cola, Sprite, Fanta, Minute Maid, Fuze Tea, Nalu, Royal Bliss, and Tropico.
Marami na akong narinig na kuwento tungkol sa gamit ng chlorine: katunayan, sinasabing maging sa asukal ay ginagamit din ito upang ang mga natural at organikong matamis na medyo brownish ang kulay ay nagiging crystalline white.
Siyempre, ang general presumption natin ay may certain amount na ginagamit para sa kaligtasan ng end-user.
Just the same, pass ako sa white sugar. Kahit medyo mas mahal, muscovado sugar o coconut sugar ang gamit ko. Hopefully, hindi ito dumaan sa mas komersyalisadong proseso!
Lahat na lang yata gustong idaan sa pagpapaputi. Mula pagkain hanggang kutis! Okay naman ito kung makalinis ng toxins sa katawan. Pero kung magiging sanhi ito ng peligro, kailangang siyasatin at maging maingat.
Naisip ko tuloy, maraming dapat “i- sanitize” sa mga sangay ng gobyerno na makakatulong sa pagkalahatang kagalingan ng mamamayan, pero siguro unahing “paputiin” ang konsensya ng mga tagagawa ng batas upang magkaroon ng makabuluhang mga polisya laban sa mga food manufacturer na inuuna ang tubo kesa sa kapakanan ng kapwa (Sigh).
Sa recall ng soda drinks ng Coca-Cola, agad naman rumesponde ang Coca-Cola: “very low” o napakababa umano ang peligro ng naturang kemikal at suportado ito ng independent expert analysis. At kaya lamang nito pina-parecall ang naturang mga produkto ay bilang pagsunod sa utos ng regulatory agencies sa naturang mga bansa.
Very low? Bakit marami ang naalarma? May mga galawan sa industriya na kailangang apulain ang apoy bago pa itong magliyab ng todo. Marahil, ay upang di na rin kailangang pumunta sa kalye ang mga konsyumer para magprotesta sa nakaka-alarmang banta sa publikong kalusugan.
May dapat bang ikabahala ang local consumers?
Bagamat ang apektado ay northern Europe countries, di natin maiwasang mabahala. Remember, maraming produkto sa ating mga pamilihan ay imported.
Sa mga nakaraang ulat, tinitiyak ng Coca-Cola ang mahigpit nitong polisiya kontra peligro sa mga produkto nito. At bilang patunay, sa kabila ng napakaraming paninira sa socmed tungkol sa produkto, namamayagpag pa rin ang cola drinks hanggang ngayon.
Namamayagpag subalit hindi ito dahil sa 100 porsiyentong ligtas ito, kung hindi sa addiction na rin talaga ng maraming Pinoy sa naturang mga soda drinks na pino-prodyus ng Coca-Cola.
Profit vs Health Risks
Sa natural na sistema ng pagnenegosyo sa bansa, hindi kasalanan ang maghangad ng tubo. Sapat na tubo upang makapagpasuweldo ng mga kawani at magpatuloy ang operasyon ng kompanya. Ang pahahangad ng tubo, kung labis, ay potensyal na rason kung bakit maraming kompanya ang inuuna ang pagtitipid o cost-cutting measures. Ang resulta: masamang epekto sa kalidad o kaligtasan ng produktong pino-prodyus.
Idagdag pa ang mga agresibong taktika sa pagbebenta ng naturang mga produkto, mga istratehiya ng promosyon na madalas ay malayo sa katotohanan. Sinong dapat sisihin? Ang kompanya? Ang advertising company? Ang regulation agency? Ang mismong konsyumer na madaling maniwala sa pakulo?
Kahit may sariling regulasyon ang mga manufacturing companies gaya ng Coca Cola, nararapat pa ring maglagay ng mataas na istandard for product safety at nutritional content ng mga produkto.
Sa bahagi ng konsyumer, dapat pag-aralan ang healthy choices at potensyal na peligro ng mga produkto. Laging magbasa ng label. Kung kaya ding mas simple at natural na produkto, kaysa mga dumaan sa proseso ang siya na lamang bilhin.
Bilang dagdag, mahalaga ang non-profit initiatives at boses ng mga oranisasyong nagbabantay sa kaligtasan ng mga konsyumer.
Pinakamahalaga ang corporate social responsibility ng mga kompanya. Dapat isama lagi ito sa kanilang mga business practices.