Floating nukes sa South China Sea delikado

IMAGININ natin ito: Lumindol ng Magnitude 9 sa seabed malapit sa Manila Trench…

Sinundan ito ng higante, rumaragasang tsunami na humambalos sa mga isla sa South China Sea.   

Pinalubog nito ang mga barkong naglalayag sa South China Sea. Hindi rin pinaligtas ng tsunami ang nakalutang na nuclear power plants ng China sa mga islang sinakop nito.  

Sa lakas ng hampas, nawalan ng kuryente ang floating power plant. 

Worse, na-damage ang nuclear reactor core. Dahil sa power loss, nag-shutdown ang cooling system sa floating nuclear plants. Dahil huminto ang cooling system, nag-overheat ang planta at sumingaw ang hydrogen at radioactive materials.   

Dahil sobrang highly flammable ang Hydrogen, konting hangin lang, agad itong naglagablab at sumabog ang buong nuclear power plant.   

Ang radioactive materials naman ay kumalat sa South China Sea at alam nyo ang kasunod na scenario:  Pinatay nito ang marine life at ecosystem sa South China Sea at West Philippine Sea.   

Ang scenario na ito ay hindi malayong mangyari kung matutuloy ang balak ng China na mag-deploy ng sea-borne “mini-nukes” sa mga islang meron silang military installations.    

Ang ocean nuke plants bukod sa ibang gamit, ay inaasahang tuloy-tuloy na power supply ng kanilang military bases sa South China Sea.   

Ang scenario ng Magnitude 9 na lindol, tsunami at nuclear accident ay totoong nangyari sa Japan Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant noong March 11, 2011.   

Ang nuclear accident ay tinaguriang Great East Japan Earthquake and Tsunami.   

Nitong May 2, ibinalita ng Washington Post na nagbabala ang US Indo-Pacific Command Chief, Admiral John Aquilino sa matinding peligro kakambal ng plano ng China na mag-deploy ng floating nuclear power plants.    

Noong 2014 at 2015, nagsagawa ng malalaking  konstruksyon ang China sa pitong island facilities na may kakayahang mag-operasyong militar: Subi Reef, Mischief Reef, Johnson South Reed, Hughes Reef, Gaven Reef, Fiery Cross Reef at Cuarteron Reef.  

Karamihan o lahat ng ito ay kini-claim din ng Pilipinas, Vietnam, Taiwan, Malaysia, Brunei, Indonesia.   

Noong 2015 nang nangako si China President Xi Jinping na hindi nila tatayuan ng military bases ang mga isla pero kasinungalingan lang pala.   

Katunayan, nag-istasyon ang China ng anti-ship at anti-aircraft batteries sa tatlong malalaking isla- Subi, Mischief at Fiery Cross Reefs – mga islang pasok sa 200-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.  

Nagtayo rin ang China ng runway kung saan ilang aircraft na ang lumanding at dumaong na rin ng warships sa mga ginawa nilang pier.    

Nitong January 26, 2024, inilabas ng Natural Hazards and Earth System Sciences (NHESS)  ang kanilang pag-aaral sa potensyal na lindol at tsunami sa South China Sea.   

Ayon sa NHESS, ang South China Sea at nakapaikot na coastal regions,  ay peligroso sa mga lindol at tsunamis mula sa Manila Trench.  

Ang Manila Trench ay nasa junction o salubungan ng Philippine Sea Plate at Sunda Plate.  Ang Philippine Sea Plate ay nasa bandang east ng Pilipinas at nasa ilalim nito ang Eurasian Plate na nasa bandang west.     

Sakop naman ng Sunda Plate ang South China Sea. Andaman Sea, southern parts ng Vietnam at Thailand kasama ang Malaysia, Borneo, Sumatra, Java, bahagi ng Celebes sa Indonesia at western Philippines islands ng Palawan at Sulu.   

Bagaman huling naiulat ang mga higanteng alon o tsunamis  taong 1076, malinaw ang pangambang maulit ito, ayon sa NHESS.   

Sa kanilang pag-aaral, mula taong 1560, walang naitalang lindol sa Manila Trench na mas malakas sa Magnitude 7.6. 

Ibig sabihin, hindi pa na-correct ang pressure sa area dahil hindi pa muling gumalaw ang plates  at ito ay maaaring naipon kaya kino-consider na potential source ito ng tsunamis na maapektuhan ang buong South China Sea.    

Pagsusuri ng NHESS, “A great earthquake under the seabed may trigger a destructive tsunami to the coastal area.”    

Ayon kay Aquilino, ang balak ng China na gamitin ang floating nuclear reactor ay may potensyal na epekto sa lahat ng bansa sa rehiyon.   

“Chinese state media has stated publicly Beijing’s intent to use them to strengthen its military control of the South China Sea, further exerting their unlawful territorial claims. China’s claim of sovereignty of the entire South China Sea has no basis in international law and is destabilizing the entire region,” ayon pa kay Aquilino.  

Sa ngayon, Russia pa lang ang may floating nuclear power plant na sinimulang gamitin noong 2019 – ang Akademik Lomonosov. Pero ang balak ng China na ocean nuclear power plant ay 2010 pa sinimulang idisenyo.   

Sa report ng Washington Post, tatlong klase ng floating nuclear power reactors ang inaprubahan ng National Development and Reform Commission na kasalukuyan pang dinidevelop.    

Dagdag pa ng report, inaasahang magsisimula ngayong 2024 ang construction ng isang floating power plant ay inaasahang magsisimula ngayong taon ayon daw sa report ng  International Atomic Energy Agency (IAEA).   

Pero take note, may disclaimer ang source na ito ng Washington Post: Hindi ito official International Atomic Energy Agency (IAEA) publication at ang materyal ay hindi dumaan sa anumang pagsusuri ng IAEA, bagaman maingat na tiniyak ang accuracy ng information sa publication.   

Sa report ng Washington Post, kinuha nito ang panig ng South China Sea experts.   

Duda si Gregory Poling, nagma-manage ng Asia Maritime Transparency Initiative sa Center for Strategic and International Studies.    

Sabi nya, matagal na raw nilang nabalitaan ang floating nuclear power plant ng China pero wala naman hanggang ngayon.   

Paniwala ni Poling, less feasible o mas hindi magagawa ang floating reactors kesa solar wind at diesel fuel.   

Ayon naman kay Edwin Lyman, physicist at director ng nuclear power safety ng Union of Concerned Scientists, sa lupa, ang nuclear reactor at ang panggatong ay protektado sa loob ng five-feet-thick ng makapal na konkreto at bakal.   

Ang reactor na dinisenyong lumutang sa dagat ay hindi kasing tatag at tibay ng reactors sa lupa.    

Babala ni Lyman, “You can’t have the kind of large. leak proof, thick reinforced-concrete containment that is typical for many land-based plants.” Kapag ang reactor ay maranasan ang nangyari sa Fukushima na may molten nuclear fuel na nilulusaw ang containment shell, “that stuff is going to end up in the ocean.”    

Tulad ng ibang bansang may lakas nukleyar, nakaranas ang China ng ilang nuclear accident sa nagdaang taon. Ang fuel rods ng Taishan Nuclear Power Plant ay na-damage kaya ito ay shinut down ng isang taon.   

Sa kabilang banda, huwag nating kalimutan na meron namang nuclear-powered submarines ang US. Maaaring may dala itong nuclear weapons at pwede ring wala.    

Mas mabilis ang takbo ng submarine kapag nuclear ang panggatong nito at mas nakapag-papatrol ito ng maraming linggo nang nakalubog.   

Dalawang US nuclear submarines na ang lumubog – ang USS Thresher noong 1963, una sa kasaysayan at worst disaster sa submarine history kung saan lahat ng 129 crew ay nasawi, at USS Scorpion noon namang 1968 na namatay ang lahat ng 99 crew. 

Bagaman hindi lang US ang may nuclear submarine (meron din ang Russia, UK, France, India, at China), mistulang hina-hype ng US ang Chinese ocean nuclear reactors sa panahon na tumitindi ang tensyon sa West Philippine Sea para lalo pang magkagulo.      

Patol naman agad ang gobyerno ng Pilipinas na sana lang ay pinag-aralang mabuti ang impormasyon at mga implikasyon nito bago nag-statement.    

Bagong nuclear technology ang small modular reactors tulad ng sea-borne “mini-nukes” at Russia pa lang ang meron nito.  Mas maraming peligro ang maidudulot nito kumpara sa land-based nuclear reactors.    

Matatandaang binuksan na ulit ni Marcos Jr ang bansa sa paggamit ng nuclear power plants at inutos ang masusing pananaliksik tungkol dito.  

Tinututulan ng Pilipinas ang Chinese floating nuclear power plant pero isinusulong ang pagkakaron ng nuclear power plant sa bansa.    

Both ways, parehong delikado ang radioactive fuels nito tulad na lang ng enriched uranium at reprocessed plutonium na pwedeng makagawa ng nuclear warheads.    

Ito’y kahit pa ipinagbabawal ng ating constitution ang nuclear weapons sa bansa.   

We can never tell.