ILANG tulog na lang at magbubukas na ang isa sa mga pinakamalaking kaganapan sa mundo ngayong taon – ang Expo 2020 Dubai.
Namumukod-tangi ang edisyong ito ng World Expo, na unang itinanghal sa London noong 1851, sapagkat ito’y gaganapin sa gitna na pandemya, kaharap ang mga balakid tulad ng mga travel restrictions at mga lockdowns sa iba’t ibang mga bansa.
Gayumpaman, naipakita na ng Dubai na kaya nitong ilunsad ang pangmalakasang event na ito na tatakbo mula sa darating na Oct. 1 hanggang Marso 31, 2022.
Ayon sa pamahalaan ng United Arab Emirates, aabot na sa 19 milyon katao ang nabakunahan laban sa COVID-19 nitong Setyembre mula nang sinimulan ito ilang buwan na ang nakakaraan. Katumbas ng bilang na ito ay 80 porsiyento ng populasyon ng bansa, ayon sa mga otoridad.
Sa kabilang banda, umabot na sa 2.85 milyon turista ang bumisita sa Dubai mula nang muli itong magbukas noong Hulyo nang nagdaang taon hanggang Hunyo nitong kasalukuyan, ayon pa rin sa pamahalaan.
Gayumpaman, di naging kampante ang pamahalaan at patuloy na isinusulong ang agresibong kampanyang bakunahan.
Samantala, 192 na mga bansa ang lalahok sa Expo 2020 Dubai – bawat isa ang may sariling pabilyon. Aabot naman sa mahigit 20 milyon katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang inaasahang daragsa sa Expo site.
Kaya nga naman naglabas na ng direktiba ang UAE hinggil sa mga patakarang magsisiguro na ang mga papasok na mga bisita sa bansa sa panahon ng Expo 2020 Dubai ay di magdudulot ng problemang pangkalusugan.
Una, ang mga edad 18 pataas ay kailangang magpakita ng pruweba na sila’y nabakunahan na sa kanilang bansa, di-kaya’y isang negative RT-PCR test result sa loob ng nagdaang 72 oras.
Yaong mga wala pang bakuna ay kailangang mag-RTPCR test sa naitalagang testing center malapit lamang sa pagdarausan ng Expo 2020 Dubai bago sila makapasok.
May pabilyon ang Pilipinas sa Expo 2020 Dubai kaya nga, aming inaasahang daragsa rin ang mga kababayan natin kasama ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa Pilipinas bilang bahagi ng tradisyong reunion ngayong Kapaskuhan.
Itinatampok sa mga world expo ang pinakabagong teknolohiya sa iba’t ibang larangan.
Kumbaga, yung pinaka-state-of-the-art, futuristic, ika nga, wala pa sa department store; kaya nga naman dinadayo ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]