MADALAS nagiging balakid ang kakapusan ng pera upang makapagregalo at makapagpasaya sa Pasko.
Ang masaklap na katotohanan ay nakabatay talaga tayo sa expectation ng iba na pag sinabing regalo, dapat bongga: may presyo, branded, high-end.
Kaya yung iba, imbes na mag regalo, dedma na lang. Baka kasi mapintasan. Baka instead na i-appreciate ang konting nakayanan, libakin o laitin pa.
Totoong sa paglipas ng panahon, komersiyalisado na lahat, maging values marahil ng tao ay leaning towards commercialization at instant gratification.
Narinig ko ang tsismisan ng mga Marites sa lugar namin habang bumibili kaninang umaga na apat na oras daw silang pinapila ng isang politiko at kinunan ng ID at larawan, bago bigyan ng “isang supot ng spaghetti na walang sauce.”
Kung totoo man, nakakalungkot. Nakakalungkot hindi sa halaga ng naibigay kung hindi sa pagbibilad sa init ng araw at pagsasayang ng apat na oras na pila para sa spaghetti na walang sauce.
Sumasalamin sa kung paano pahalagahan ng nagbibigay ang binibigyan. Lagi kong sinasabi sa sitwasyon na may kalamidad at pumipila ang mga tao sa ayuda: “Do not make them lesser than who they already are.”
Huwag kawawain ang mga kawawa na.
Pero ibang sitwasyon ang ayuda sa gift-giving sa Pasko. Dahil anumang halaga ng ipinapamudmod sa mga recipients ay hindi dapat pintasan. Pinaghirapan na i-source out, tipunin, hakutin at irepack yan ng mga volunteers na nagbuhos ng panahon, pera at pagod para matupad ang munting social ritual tuwing sasapit ang Pasko.
Wala dapat feeling of entitlement sa mga ganitong sitwasyon.
Anumang natanggap ay biyayang kaloob ng mga mabubuting-puso na nagmagandang-loob. After all, napagyayaman ang anumang maliit na blessings sa pamamagitan ng marubdob na pagpapakita ng malasakit, genuine na simpatiya o pakikipagkapwa.
Ngayong taon, 12,000 packs ng regalo na naglalaman ng basic necessities gaya ng kape, asukal, bigas, de lata at noodles ang naipamigay ng CharityPhilippines.Org sa ilang mahihirap na komunidad.
Nitong Martes, Dis. 17, 2024, sa huling araw ng ginanap na series of gift-giving, nakarating sa aming lugar sa Montalban, sa sitio Daang Tubo ang grupo nina Myra, Marge, Nancy upang mag distribute ng 200 na packs ng regalo.
Ayon sa isang volunteer ng foundation, nakulangan sila dahil marahil sa pagtantiya kung kaya ilang items gaya ng kape at asukal ang hindi na naisama sa mga napamigay.
Just the same, maraming recipients ang natuwa sa regalong pantawid-gutom. Karamihan sa recipients ay mga kasambahay, street sweeper, househelpers, construction workers,senior citizens at unemployed na umaasa sa sahod na di sumasapat.
Galing sa isang negosyante ang mga regalo, bahagi ng corporate social responsibility ng kanyang kompanya.
Ipinagkatiwala ang distribusyon sa CharityPhilippines. Org.
Personal akong nakipamahagi sa ginanap na gift-giving, at ako, sa personal kong punto de bista, the best thing about gift-giving is that in the process of giving aid to others,
I have actually helped myself become a useful and significant human being.
Laging top tier ang “meaning” o “essence” o kabuluhan sa pagreregalo. Meaningless ang buhay kung walang esensiya, kahit gaano pa kadami ang pera.