MAY price cap na sa presyo ng bigas. Ipinako sa P41 per kilo ang regular milled rice at P45 naman sa well-milled rice.
Solb ka na ba dito? Hapi at nabawasan ang halos P60 kada kilong presyo ng bigas nitong nakaraang mga araw?
Nawindang ang lahat sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, not to mention na nagtaasan na rin lahat ng presyo ng mga batayang pangangailangan sa araw-araw. Ang nakitang solusyon ni PBBM: rice cap.
May mga natuwa at sumuporta dito. Marami rin ang nakukulangan.
Para sa marami, ang Executive Order 39 o Imposition of Mandated Price Ceilings on Rice sa buong bansa batay sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ay pansamantala o band-aid type na solusyon sa problema sa presyo ng bigas.
Ang EO 39, ayon sa National Movement For Food Sovereignty (NMFS) at Integrated Rural Development Foundation (IRDF) ay desperadong diskarte ng gobyerno upang isantabi ang hindi na mapigilang krisis sa bigas na aabot na halos sa P60 kada kilo dahil ang presyo sa pandaigdigang pamilihan ay nasa $700/kada tonelada.
“This is what we have been warning since the Duterte administration passed the Rice Tarrification Law (RTL), despite massive protest from the farming sector,” paalala ni Arze Glipo, executive director ng IRDF.
Dahil sa RTL, tinanggal sa sangay ng gobyerno ang tungkuling gawing istabilisado ang presyuhan sa bigas. Ginawang taga-imbak na lamang ng suplay ng bigas ang National Food Authority (NFA) na may kapasidad na aabot lamang sa 15 days buffer stocks. Ginawang prayoridad ng RTL na matinding inisponsoran mismo ng gobyerno. ang malalaking negosyo ng importers kung kaya naman ngayon ay ang masang kinabibilangan ng ordinaryong manggagawa, magsasaka at konsyumers na may kakarampot na sahod ang sumasalo sa mapait na epekto ng bigong polisiyang ito ng gobyerno.
Ang nararapat- may price cap man o wala- ay dapat ibigay sa mga magsasaka at konsyumers sa pangkalahatan ang long-overdue na suporta sa local farmers sa pamamagitan ng resonableng presyuhan sa palay. Dapat ang minimum palay price ay nasa P25 kada kilo. May panahon kasi na sumubsob sa P12 ang presyo ng palay habang ang presyo ng bigas ay pumapalo na noon sa P40 plus.
Ngayon sa price ceiling na iniaalok sa ilalim ng EO 39, kung ang presyo ng bigas ay ipapako sa P41 at P45, sa P25 na palay price ay may kaunti lamang na kikitain ang magsasaka sa gitna ng nagtataasan ding presyo ng pataba at iba pang production needs sa sakahan. Hindi na dapat bumaba pa sa minimum na P25 kada kilo ang palay price.
Nakikitang ngayon ang tamang panahon para mag subsidize ang pamahalaan sa ilalim ng National Rice Program nito at ipakalat ang rolling stores sa mga komunidad. Hindi mareresolba ng EO 39 ang problema sa presyo ng bigas hanggat hindi ito pisikal na kumikilos upang dalhin sa mga pamilihan ang murang bigas. Imbes na nagsasagawa ng raids sa mga warehouses ng traders, binibili dapat ng gobyerno mula sa hoarders sa murang halaga ang mga nakumpiskang bigas, halimbawa mula P40 kada kilo at ibenta ito sa mas mataas na halaga o P45 kada kilo. Sa ganyang paraan, mas kapaki-pakinabang sa mamamayan. After all, wala pa namang napo-prosecute sa kabila ng pagkahuli sa hoarders.
At dahil ugat ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ang anti-farmer provisions ng RTL, dapat umaksyon ng mabilis ang Kongreso na irebyu at amyendahan ang naturang batas, mag-allocate ng emergency funds para sa pagbili o procurement ng palay sa halagang P25/kilo minimum at para sa NFA na makabili ng at least sampung porsyento ng total palay production sa paparating na tag-ani at makipagkontrata ang ahensya sa private rice millers na ipahiram ang kanilang dryers upang maisaayos ang anihan. Sa ngayon kasi, dilapidated at di na mapakinabangan ang maraming warehouses ng NFA dahil sa pagpapabaya at di paga-allot ng badyet para dito.
Tiyakin din dapat na ang buffer stock sa bigas ay umabot sa 60 araw kaysa sa 15 araw lamang na itinalaga.
May sablay din sa ora-oradang pagpapatupad ng EO 39 na hindi muna isinasangguni sa stakeholders gaya ng local government units, DTI, NGOs. Kailangan ang masusing pag-aaral sa mga hakbang na singhalaga o katumbas ng survival ng bawat mamamayan sa bansa.