NINAIS ng weather bureau na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na hindi pindutin ang alarm button sa nakikita nitong matinding epekto ng tagtuyot. Naisulat ko ito sa nakaraan kong mga kolum.
Understandable, sapagkat iniiwasan nitong magkumahog ang publiko at mauwi sa malawakang hoarding o illegal na paghahakot ng mga tao sa mga apektadong produkto.
Ngunit hindi maaring itago ang tunay na sitwasyon nang matagalan dahil nararamdaman ang epekto nito. Dinaranas na natin ang mga pangunahing senyales ng El Niño o malawakang tagtuyot. Hindi na simpleng tag-araw na mainit ang panahon; sumasagitsit ito na tila apoy sa lupa. Umaabot sa halos 50 temperatura ang heat index na tumatagas sa kaibuturan ng ating mga balat. Hindi na kaya ang walang aircon sa kabahayan; hindi sumasapat ang kahit papalit-palit na electric fan.
Dumaranas din ng rotating brownouts ang ilang lugar habang nagkakaroon ng mga water interruptions. Makikita rin ang epekto ng tagtuyot sa mga mga palayan at ilog.
Kung mas kakaunti ang pagbagsak ng ulan, ganun din ang mangyayari sa produksiyon ng mga pagkain na umaasa sa tubig-ulan. Sa datos ng Bureau of Agricultural Statistics, nasa 24 to 30 percent ang volume ng pagbaba ng produksyon kapag may El Niño phenomenon. Apektado rito ang food, corn at vegetable crops.
Inaasahan ang pagdapa ng agrikultura at pagbaba ng ani ngayong taon dahil sa El Niño. Paniniyak ng National Economic and Development Authority(NEDA) Chief Arsenio Balicasan, ngayon pa lamang ay nagpaplano na sila at naglalagay ng kaukulang mga adjustment upang mapababa ang negatibong epekto ng tagtuyot. Isinasaayos din ang kaukulang suporta para sa mga pinaka-apektado at lantad sa peligro. Aktibo ang ahensiya ng gobyerno na nagsasagawa ng monitoring sa sitwasyon upang mabilis umano ang implementasyon sa takdang panahon. Aminado siyang nasa “downward trajectory” ang sitwasyon sa kasalukuyan at kailangang maagapan.
Ayon pa sa NEDA Chief, ang layuning maibsan ang epekto ng implasyon at El Niño ay bahagi ng panlipunag proteksyon ng gobyerno upang mapigil ang pagkalugmok ng mga tao sa balon ng kahirapan. “A dangerous combination” of the El Niño phenomenon and inflation is threatening to push more people to poverty” aniya, sa isang publikong pagpupulong, kasabay ng paniniguro na nagtatrabaho ang gobyerno upang bigyang-proteksyon ang mga pinaka-bulnerableng sektor sa lipunan mula sa impact ng mahabang tagtuyot at kaakibat na pagtaas na presyo ng mga produkto.
Nagtalaga na ang pamahalaan ng mga ahensiya para itatag ang “El Niño team” upang masawata ang inaasahang malupit na epekto ng El Nino.
Matapos naman ang sunod-sunod na pagtaas, inaasahang bababa ng halos anim na piso kada kilo ang presyo ng bigas sa darating na Agosto dahil sa mas mababang gastos sa pagsasaka, ayon sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG). Bumababa na rin umano ang presyo ng abono na mula P2,500 kada sako ay P1,200 na lamang. Kakayanin raw bumaba sa P30 kada kilo ang presyo ng bigas, dahil dito, sapat umano ang bigas hanggang Marso 2024.
Samantalang giit naman ng Federation of Free Farmers (FFF) na may nagbabadyang krisis sa bigas sa panahon ng kasalatan na ipinalagay sa Setyembre.
Hindi umano kinakailangang mag-angkat uli ng bigas at mas dapat ay pumunta ang National Food Authority mismo sa mga magsasaka upang sila ang bumili sa mga palay, ngunit sa mas mataas na halaga upang matulungan ang mga lokal na magsasaka.
Subalit sa normal na pagkiling at sa polisiya ng importasyon, possible kaya na unahin nga nila ang pagpapabuti sa local production?
Sa usapin naman ng kuryente at tubig, mararamdaman sa panahon ng El Niño kung gaano ka-inutil ang mga pribadong ahensiya sa harap ng pambansang krisis at kalamidad. Imbes na panahon ito para magpakita sila ng awa sa konsyumers at ipatupad ang corporate social responsinbility (CSR), mas madalas ay ito ang panahon nila para lalong mapagsamantalahan ang konsyumers sa pamamagitan ng spike sa bills habang nanatiling substandard sa pagpapadaloy ng serbisyo.
Kailangan ang matinong mandato ng gobyerno upang tiyakin na huwag nang dumagdag sa pagpapahirap ang mga ahensiya ng pananim, kuryente at tubig sa panahon ng El Niño at implasyon.