Darryl Yap puring-puri si Juliana Parizcova sa pagtulong sa inang tindera ng pares

BUONG-pusong ipinagmalaki ng direktor na si Darryl Yap ang kaibigan na komedyanten na si Juliana Parizcova Segovia.

“Mahal kita at ipinagmamalaki kita,” ang sambit ni Yap sa kanyang Facebook post ukol sa kaibigang si Juliana na walang kaabog-abog sa pagtulong sa ina sa pagtitinda ng pares sa Pasay City.

Ayon kay Daryl, mapagmahal na anak si Juliana dahil inuuna nito ang ina kesa sa sarili.

“May sariling sasakyan, may sariling condo, may sariling munting negosyo pero konting patak ng ulan, uuwi ng Pasay para palitan ang makulit na Nanay na ayaw sumilong dahil ayaw mawalan ng benta,” ayon sa direktor.

“Iba yung sanay sa hirap, hindi takot sa trabaho…ang tanging kinatatakutan ay maghirap ang mga mahal sa buhay,” dagdag niya bilang papuri kay Juliana.

Kwento ni Daryl, pinakuhanan niya ng litrato si Juliana sa driver nito dahil “pinili nyang wag magshoot ng content at kumita—masigurado lang nyang di maulanan ang nanay niya.”

Pasado naman, dagdag niya, ang pares ng ina ni Juliana.

“Natikman ko rin ang binenta nilang pares, sobrang lambot—dapat lang! Sa isang gaya nyang walang ngipin, DAPAT LANG!” biro nito.

Pero seryoso naman ang direktor nang sabihin niya na, “mas malambot pa rin ang puso mo laban sa lahat ng karneng pinagpupuyatan nyong ibenta.”