Ito ang kabalintunaan ng edukasyon; kasabay ng pagsisimula ng pagkakaroon ng kamalayan ang tao ay nagsisimulan rin suriin ang lipunan kung saan siya ay nag-aaral—James Baldwin.
May kasabihan ang matatanda na galit tayo sa mga bagay na hindi natin naiintindihan…at ang galit na ito ay nauuwi madalas sa di pagkakaunawaan at kaguluhan.
Nabanggit ko ito dahil na rin sa mga nakikita at nararanasan ko sa mga nangyayari sa ating lipunang ginagalawan. Bagamat malaya tayo sa ibang aspeto ng ating pamumuhay, okay lang sa pananaw ng ilan sa atin ang mga nababalitang pagkitil ng buhay dala ng drug war.
Gusto ko na sanang sabihin sa kanila na may halong pangongonsensya, “okay ka lang? Okay lang sa iyo ang mga patayan?”
Ganito rin ang naging tanong ko sa aking mga kababata nang muli kaming magkita dahil sa kanila ko rin nalaman na ang ilan sa hinihinalang drug pusher sa lugar na aking kinalakhan (mahigit 30 taon na akong hindi nakatira doon) ay “itinumba”. Dagdag pa niya; okay lang naman yun kasi siga-siga yun sa amin.
Bagamat lumaki ako sa isang depressed community na halos parang normal na lang ang mga transaksyon ng droga mismong sa kalsada, may paniniwala ako na sa isang maayos na lipunan kailangan silang litisin nang naayon sa batas…’yun ay kung maayos nga ang ating lipunan.
Paano yan kung mismong ang mga nagpapatupad ng batas ang pasimuno o kasapakat ng halos lahat ng krimen—droga, prostitusyon, illegal na sugal, protection racket atbp.
Naging manhid na ba tayo o sadyang wala lang talagang pakialam sa mga nangyayari sa ating paligid? O may kinalaman ito sa sadyang paglala ng ating educational system?
Sa isang mahirap na bansa katulad ng Pilipinas, ang maayos na edukasyon lamang ang tangi nating pasaporte sa personal nating pag-unlad at ang kontribusyon natin sa lipunan.
Nasabi ko ito dahil hanggang sa ngayon ay hindi na halos nagbago ang sistema sa mga pampublikong paaralan, kung saan ang mga bata ay tinuturuan pa ring magkabisa ng mga aralin at magsulat nang paulit-ulit.
Isipin mo nga naman na ang subject na Filipino ay tinanggal pa. Kabaligtaran ito sa mga itinuturo sa mga mauunlad na bansa na ang mga bata ay tinuturuan kung paano solusyunan ang mga problema at ano ang epekto ng mga ito sa araw-araw nating pamumuhay.
Dala na rin ng kahirapan kung bakit karamihan sa kanila ay hindi na nagtutuloy sa pag-aaral.
Sa pagkakaalam ko, ang kabuuan ng nalalaman ng isang estudyante ay nakapaloob sa kurikulum na inilalatag ng ating mga policy maker sa edukasyon. Kapag palpak ang kurikulum (lesson, asignatura at materyales), eh, di alam na natin ang suma total ng kanilang nalalalaman.
Ano nga ba ang matututunan mo kung ang nilalaman ng kurikulum nang ituturo sa iyo ay magsulat lamang ng mga kataga o letra buong maghapon?
O di kaya ay magkabisa ng mga pahina sa libro? Ultimong ang librong ginagamit sa pagtuturo mismo ay kwestyonable ang nilalaman.
Kung ako kasi ang tatanungin malaki ang kaibahan ng natutunan ng bata kung isasama mo sa kurikulum ang pagtuturo ng tamang pag-aanalisa ng mga pangyayari o kaganapan at critical thinking na madadala nila hanggang sa kolehiyo at sa pang-araw araw na pamumuhay. Isipin mo na lang na ang bawat bata ay maalam sa siyensya o math, o maging sa world view/view of life (weltanschauung).
Magandang ituro na rin dapat ang mga makabagong graphics at teaching method na available sa Internet na alam kong makakatulong nang malaki sa pag-unlad ng mga estudyante. Sagot din ito sa kakulangan ng mga libro na ibinabahagi sa kanila.
Ayon pa sa African-American novelist na si James Baldwin sigurado siya na ang kamangmangan, kapag naging kakampi ang poder at kapangyarihan, ay ang pinaka mabangis na kalaban ng hustisya.
At ang pinakamasaklap sa lahat ay maiboto mo ito sa kapangyarihan.