Duterte, walang immunity

SA ILALIM ng Rome Statute of the International Criminal Court, di opisyal, kundi personal at pansarili ang pananagutan ni Duterte bilang umano’y pasimuno, promotor, tagapag-utos, at tagasulsol ng sistematiko at malawakang pamamaslang ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan sa ngalan ng di-makataong “digmaang kontra-droga”.

Simula ito nang magkabisa sa ating bayan ang Rome Statute noong 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019.

Di lamang mula nang maupo si Duterte bilang presidente, kundi maging noong nanunungkulan pa lamang siya bilang vice mayor at kinalauna’y mayor ng Davao.

Si Duterte at iba pang pinaka-responsable sa targeted killings ng libo-libong katao ang bukod-tanging puntirya ng napipintong ICC investigation.

Tutupadin ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan ang atas ng Rome Statute na panagutin ang pinaka-responsable sa crimes against humanity na umano’y ipinag-utos at itinaguyod bilang state policy ni Duterte laban sa sambayanan.

Itinuturing itong pinakamabangis na krimeng labag sa batas internasyonal.

Di ito panghihimasok o pakikialam sa internal affairs ng bansa.

Personal na responsibilidad at pananagutang pangkriminal ni Duterte ang pagsasagawa umano ng crimes against humanity na kinabibilangan ng murder, torture, at other inhumane acts.

Personal na pananagutin ng ICC si Duterte sa naturang karumal-dumal na krimeng itinatakwil ng mga sibilisadong bansa. Sa kasalukuyan, 123 bansa ang sumang-ayon, nagpatibay, at nagratipika ng Rome Statute.

Winawasak at inilalagay sa peligro ng crimes against humanity at mga ganitong uri ng karahasan ang kaayusang pandaigdig.

Pinakikirot nito ang konsyensya ng sangkatauhan.

Sabihin mang pangulo siya ng Pilipinas, walang immunity si Duterte.

Ito ang isinasaad ng artikulo 27 ng Rome Statute:

“Irrelevance of official capacity”

1. This Statute shall apply equally to all persons without any distinction based on official capacity. In particular, official capacity as a Head of State or Government, a member of a Government or parliament, an elected representative or a government official shall in no case exempt a person from criminal responsibility under
this Statute, nor shall it, in and of itself, constitute a ground for reduction of sentence.

2. Immunities or special procedural rules which may attach to the official capacity of a person, whether under national or international law, shall not bar the Court from exercising its jurisdiction over such a person.”

Binibigyang-buhay ng Rome Statute ang prinsipyong jus cogens ng customary international law.

Sa ilalim nito, di maaaring labagin ng sinumang state o non state actor ang karapatan ng bawat taong maging ligtas at malaya mula sa crimes against humanity, genocide, war crimes, at crime of aggression. Ito ang apat na “core crimes” at maseselang krimeng ipinagbabawal ng artikulo 5 ng Rome Statute.

Samakatuwid, dahil state party ang Pilipinas sa Rome Statute mula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019, tatamaan at tatablan si Duterte ng imbestigasyon, pagsasakdal, paglilitis, at pagpaparusa ng ICC.

Fair game siya.

Di siya sasantuhin ng ICC kaugnay ng kanyang personal na pananagutan at responsibilidad bilang umano’y salarin.

Mapa-presidente, vice mayor, o mayor man si Duterte, sa ilalim ng Rome Statute, mananagot at mananagot siya bilang umano’y kaaway ng sangkatauhan.

Angkin ng ICC ang hurisdiksyon, awtoridad, at kapangyarihang imbistigahan at ipagsakdal si Duterte.

Dahil personal ang kanyang responsibilidad at pananagutan sa umano’y pag-uutos, pagpapasimuno, pag-uudyok, panunulsol, at pangungunsinti sa naturang kahindik-hindik na krimen, di siya maaaring magkubli sa likuran ng kanyang opisyal na posisyon bilang pangulo.

Lehitimo ang mga galaw ng ICC kaugnay ng napipintong imbestigasyon at pagpapadakip kay Duterte.

May paglalagyan siya rito.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]