SAMU’T saring opinyon ang lumabas nitong mga nakaraang araw hinggil sa nag-viral na video ng isang drag queen na gumanap bilang si Hesukristo. Makikita rin sa video na kinakanta niya ang rock version ng “Ama Namin”, na tinuturing na sagrado ng mga Katoliko.
Isa nga bang paglapastangan sa imahe ni Hesukristo ang ginawa ng drag queen na si Pura Luka Vega?
Mali nga ba ang ginawa niya?
Tama ba na gayahin ng mga drag queen kung sino ang gusto nilang gayahin?
Mali ba na limitahan ang mga drag queen sa gusto nilang gayahing imahe?
Tama ba na kasuhan si Vega? May nilabag nga ba si Vega na batas?
May probisyon sa Revised Penal Code na itinuturing na krimen ang “offending religious feeling.” Ito ay nakasaad sa Article 133.
Ayon kay Atty. Chel Diokno, “may dalawang elementong dapat patunayan: una, ang inirereklamong akto ay ginawa sa lugar ng pagsamba o sa pagdiriwang ng seremonyang panrelihiyon.”
“Pangalawa ang ginawa ay ‘notoriously offensive’ sa mga mananampalataya. Ibig sabihin, kinutya ang isang religious dogma, nilibak ang seremonyang panrelihiuon o nilaro o sinira ang isang object of veneration.”
Malinaw sa batas na kung hindi sa loob ng lugar ng pagsamba o sa gitna ng religious ceremony ang ginawa ang offensive act, hindi maituturing na krimen ang nangyari.
Sa Article 201 naman, sinabi ni Diokno na “kailangan patunayan ang ‘obscenity’ o kalaswaan ng ginawa, at isa sa gabay ay kung ito ay talagang walang artistic o political value.”
Matatandaan natin na may mga taong nakasuhan at nakulong kaugnay ng batas na nabanggit.
Naalala niyo ba si Carlos Celdran? Siya yung nagdala ng placard na may nakasulat na Damaso sa loob ng simbahan habang may nagaganap na misa sa Manila Cathedral noong 2010?
Kinasuhan siya ng mga lay Catholic sa paglabag ng Article 133 ng Revised Penal Code laban sa “offending religious feeling.” Nasentensiyahan si Celdran at nakulong.
Isang pari naman ang nakulong din dahil na-offend niya ang religious feelings ni dating Commission on Elections chief na si Harriet Demetriou nang sabihin ni Father Winston Cabading na hindi totoo ang naganap na aparisyon ng Our Lady, Mary, Mediatrix of all Grace, sa Lipa, Batangas noong November 12, 1948.
Si Demetriou ay devotee ng Our Lady, Mary, Mediatrix of all Graces.
Isa namang Senior High School ng Ateneo de Manila ang nirekomendang “encommunicate” dahil sa paglabag sa Canon Law nang gumawa ito ng isang “food review” kaugnay ng ostiya na kanyang ibinulsa at iniuwi. Ang ostiyang kanyang iniuwi ay galing sa misa at nabendisyonan na, at maling ito ay iuwi.
Hindi naman maganda ang naging reaksyon ng netizens nang gawing national costume ni Joy Dacoron sa isang beauty contest ang imahe ng Sto. Nino.
May nilabag nga ba si Vega na batas?
Sa aking pananaw ay wala.
Marahil ay nakalimutan ni Vega na dapat ay isinaalang-alang niya ang “appropriateness of the action” o ang angkop o wastong asal o galaw.
Kung ako ang tatanungin, wala akong karapatang husgahan si Vega kung tama o mali ang ginawa niya. Subali’t para sa akin, maraming imahe ang pwedeng gayahin na walang masasaktang relihiyon, pananampalataya, o paniniwala.
Respeto, yan ang dapat laging isa-isip. Doon lang sana sa tama.