KUNG titingnan mabuti, masasabing dominado pa rin ng mga lalaki ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso kung ihahambing ang bilang ng mga babae sa kasalukuyang komposisyon nitong 24 na miyembro.
At ang nakalulungkot, ngayong 19th Congress, bukod sa pinamumunuan ng isang lalaki ang Senado, pito lang ang babaeng senador kumpara sa 17 na “machong” legislator na namamayagpag sa ngayon.
Masasabing hindi patas, kung pagbabatayan ang numero ng mga senador, dahil iba pa rin kung higit na nakararami o hindi nalalayo ang bilang ng mga babae kung ihahambing sa mga lalaking mambabatas.
Sabi nga, higit na maisusulong ang interes o kapakanan ng mga kababaihan kung mismong sa loob ng Senado ay magkakaroon ng puwersa ang mga babaeng senador at maisakatuparan ang mga panukalang batas para sa kanilang mga kabaro.
Ang pitong babaeng senador na lumalaban para sa interes ng mga kababaihan ay sina Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, Loren Legarda, Imee Marcos, Pia Cayetano at Risa Hontiveros.
Sa darating na 2025 midterm elections, hindi na maaaring kumandidato bilang senador sina Grace, Cynthia at Nancy dahil sa pawang last termer ang mga ito, at umaasang ang papalit sa kanilang tatlo ay mga babaeng kandidato.
Nitong nakaraang 2022 elections, dalawang babae lamang ang nakalusot sa senatorial race at ito ay sina Risa at Pia, at hindi naman pinalad si dating Senator Leila de Lima na nag-landing sa ika-23 pwesto.
Noong 2019 eleksiyon, umabot sa limang babaeng kandidatong senador ang nakalusot at ito ay sina Cynthia, Grace, Pia, Imee at Nancy, pero mapapansin na kalimitan o mayorya ng nakakapasok sa ‘Magic 12’ ay pawang mga kalalakihan.
Talaga bang dominado ng mga lalaki ang politika sa Pilipinas? Mapapansin kasing kahit sa lokal at maging sa national elections lalo na sa Senado, pawang mga kalalakihan ang tumatakbo at nananalo, at mabibilang lang sa daliri ang mga babaeng kumakandidato at nakalulusot.
Ganito na ba ang politika sa atin? Nasaan ang mga magigiting na babaeng lumalaban para sa kanilang interes? Ayaw kong maniwala, pero mukhang kinapos at naubusan na ng mga babaeng maggagaling sa Pilipinas. Bow!