Divorce sa Pinas dapat nang pahintulutan

PANAHON na para maisabatas and diborsyo.

Panahon na para mabigyan ng laya ang mag-asawa na matagal nang walang pakialam sa isa’t isa.

Hindi masama ang diborsyo. Ang masama ay ang manatiling magkasama sa iisang bubong ang mag-asawa ngunit wala nang pag-ibig at puro na lang pasakit – pisikal man o emosyonal – ang nananaig.

Sa diborsyo, makakamtan ng mag-asawa ang kani-kanilang peace of mind nang walang balakid. Malaya silang makakapasok sa bago o itinatagong relasyon na walang iniintinding nilabag na batas.

Batid ko na sagrado ang kasal, lalo na kung sa simbahan ginanap ang kasalan. 

May iba na magbibigay pa ng Bible verse hinggil sa bakit hindi pwedeng paghiwalayin ang dalawang pinag-sama ng Maykapal.

Ngunit nakasaad din sa Konstitusyon na hindi ipinagbabawal ang absolute divorce. Wala pang batas na nagsasabing bawal ang absolute divorce.

Bagama’t may Declaration of Nullity at Annulment Law na tayo, kailangan pa rin natin ang batas hinggil sa diborsyo.

Pag-usapan natin ang merito kung may diborsyo sa Pilipinas.

Ang asawang agrabiyado ay magkakaroon ng pagkakataon na makalaya sa kanyang asawang mapanakit – pisikal man o emosyonal. Hindi na kailangang pag-usapan pa kung babae o lalaki ang nananakit dahil parehong may kapasidad na manakit.

Malayang makakapag-asawang muli kung legal ang hiwalayan. Hindi na kailangang itago pa makasalanang relasyon sa iba.

Mas masakit sa mga anak na makita o marinig ang kanilang magulang na madalas mag-away. 

Bagama’t  alam natin na malaki ang epekto sa mental health ng mga bata kung maghihiwalay ang kanilang magulang, ngunit ang isipin natin dito ay ang solusyon sa problemang mag-asawa.

Sa mga mambabatas na tutol sa diborsyo, lawakan niyo ang inyong pananaw. 

Huwag maging sarado ang isip at huwag gamitin ang simbahan. 

Ang dapat ay gamitin ang inyong common sense kung bakit dapat ipasa at maging ganap na batas ang Absolute Divorce Bill.

Katoliko rin naman ako, pero mas nananaig sa akin ang katahimikan ng pag-iisip. Mahirap kaya matulog sa gabi na may matinding iniintindi ang mag-asawang di na nagkakasundo.

Ayaw ko ring mapa-aga ang “til death do us part” na parte ng marriage vow, dahil nagiging pisikal na at may pagbabanta na dahil sa tindi ng away.

Maling-mali na tiisin ang sakit ng damdamin, sakit ng katawan, at mental torture.

Laging tandaan na ang bawat batas na ipinapasa ay para protektahan ang biktima. Huwag po sana ito ipagkait ng mga mambabatas. 

Sabi nga, lahat tayo ay may karapatang magkaroon ng second chance sa pag-ibig.

Kung ang mag-asawa ay iritang-irita na sa isa’t-isa, umay na umay na sa isa’t-isa, at hindi na mahal ang isa’t-isa, hindi ba’t dapat na silang mag-diborsyo?