DAPAT ba na panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pakikipagkasunduan niya sa gobyerno ng Tsina?
May nilabag ba siyang batas?
Tama ba ang ginawa niyang gentleman’s agreement sa Tsina na hindi dapat magdala ng construction materials sa BRP Sierra Madre at tanging pagkain at maiinom lamang ang dalhin para sa ating mga sundalo?
Samu’t sari ang opinyong lumalabas hinggil sa balitang gentleman’s agreement sa pagitan ni Duterte at ni China President Xi Jingpin.
May nagsasabing tama lang ito, ngunit mas marami ang nagsasabing mali ito.
Ang sa aking pananaw, maling-mali ito.
Bakit? Dahil malinaw na pinaburan ni Duterte ang panig ng Tsina kesa sa mga sundalong Pilipino.
Alam naman natin na kailangang-kailangan ng BRP Sierra Madre ang mga construction materials para maayos man lang ang ilang bahagi ng barko na nabubulok na at kinakalawang.
At kahit pa may kasunduan si Duterte at Xi, patuloy pa rin na hinaharang ng China Coast Guard ang mga nagdadala ng supply sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal dahil inaakala nila na bukod sa pagkain at maiinom, may dalang construction materials ang supply boat.
Ang Ayungin Shoal ay parte ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas ngunit pilit na kinakamkam ng gobyerno ng Tsina.
Labis-labis ang ginagawang pangbu-bully ng Chinese coast guard sa ating mga tropa. Feeling nila na kanila na talaga ang lugar, gayong sila itong nanghimasok sa teritoryo natin.
Pinipilit din ng gobyerno ng Tsinan a kailangang tuparin ng ating gobyerno ang kasunduan nila kau Duterte.
Kaso nga, walang nakakaalam ano ang nilalaman ng kasunduang iyun.
Walang kasulatan. Walang pinirmahang dokumento. Ilegal nga ba ang kasunduan?
Hindi pwedeng i-honor ng kasalukuyang administrasyon ang sinasabi ng Tsina hinggil sa kasunduan noong panahon ni Duterte.
Maging mga kasabwat ni Duterte ay magkaka-iba ang sinasabi.
Dapat nga bang managot si Duterte?
Ang dapat ay sagutin niya ang tanong kung ano ang napagkasunduan nila ni Xi. Dahil hindi magiging agresibo ang Chinese coast guard tuwing may resupply mission dahil alam nila na may pinanghahawakan sila.
Dahil siya ang pangulo nang mga panahong iyon, pinanghawakan ng Tsina ang kanilang kasunduan.
Ngunit iba na ang administrasyon. Iba na rin ang foreign policy niya. Iba na rin ang pananaw niya sa kung ano ang nararapat sa West Philippine Sea.
Tinawag na nga itong secret agreement ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ngayon, maaayos kaya ng Marcos administration ang iniwang gulo ng dating pangulong Duterte?
Sana nga.
Dahil buhay ng ating mga sundalo na naka-destino sa BRP Sierra Madre ang nakasalalay. Mga sundalong handang ialay ang buhay nila para sa bayan.