NABAWASAN ang oras ko kamakailan sa social media dahil mas kinain na ito ng personal na pagsisikap na mas dapat ko nang tuunan ng pansin ang sarili.
Pagsilip ko muli dito kahapon ay tumambad sa akin ang countdown to Christmas.
Ambilis ng panahon!
Bagamat hindi naaalis ang nakaugat na kakaibang pakiramdam kaugnay ng araw na ito – ang feeling of excitement tuwing sasapit ang Pasko – this time, may halong pangamba.
Ang pangamba ay nakatutok sa tuloy-tuloy na pagbagsak na halaga ng piso (peso devaluation) na dahilan kung bakit wala pa ring “full recovery” ang lahat sa nakaraang pandemya.
Niratrat ang konsyumers ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin na pinatindi ng lumaganap na kawalan ng empleyo at mapagkukunan ng kita.
Hindi magsisinungaling ang mga datos.
Umakyat mula Enero 2022 hanggang August 2022 ang presyo ng mga pagkain. Ayon sa Department of Agriculture (DA), ilan sa malimit bilhin na mga pagkain na tumaas ang presyo kada kilo: bangus P160 naging P180; manok mula P160 naging P190; itlog mula P6 naging P8 kada piraso; carrots mula P80 naging P120; Baguio beans mula P80 naging P100; kalabasa mula P40 naging P50; pechay mula P60 naging P70; labuyo mula P100 to P450; asukal mula P46 naging P75.
Ang mga presyong iyan ay batay sa DA. Ibig sabihin, hindi iyan ang aktuwal na presyo sa pamilihan. Doble o triple ang presyo niyan dahil hindi lahat ng pamilihan ay namomonitor ng kagawaran. Dito pumapasok ang pangangailangan sa price control. At bagamat may Price Act (Republic Act 7581) at suggested retail price ang Department of Trade and Industry (DTI), gaya ng maraming batas ay kulang ito sa maayos na implementasyon.
Tumaas din ang utility bills. Ang average rate hike ng Meralco ay nasa P9.87 kada kilowatt, ayon naman sa press statement ng SUKI Network o Samahan at Ugnayan Ng Nagkakaisang Mga Konsyumer. Ang singil sa tubig sa kabilang banda, ay apat o limang beses itinaas simula nang ito ay isapribado.
Ang singil sa koneksyon sa Internet sa Pinas ang isa sa pinakamataas sa buong mundo. Ito ay sa kabila ng katotohanang napakabagal ng koneksyon dito. Inilagay sa P2,253 hanggang P2,999 ang average na buwanang singil sa Pinas. Mas mataas ang singil na ito sa United Kingdom (Php2,101); at Japan (Php 2,061).
Tumaas ang pamasahe sa pampublikong mga sasakyan, na nagresulta naman sa matumal na pagtangkilik ng mga pasahero na hindi na madalas lumalabas dahil nawalan ng regular na hanapbuhay.
Limitado pa rin ang paghahatid ng kalidad na serbisyong pampubliko (social services). Sa dami ng kontrobersiya sa anomalya partikular sa usapin ng kalusugan, tila walang pag-asang mapabuti ang serbisyong panlipunan na ito. Taumbayan ang nasa losing end.
Nagpapatuloy ang housing backlogs. Nasa 70 milyong katao ang nakatira sa substandard housing sa buong bansa.
Ayon sa Philippine Statistics Office (PSA), ang inflation rate nitong Hulyo 2022 ay nasa 6.4%, pinakamataas ito mula noong Oktubre 2018, noong sinimulang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Sa tantiya ng PSA, hindi matatapos ang pagtaas na ito sa gitna ng patuloy na “unrest” sa pandaigdigang pamilihan, habang wala pa ring istabilidad sa presyo ng gasolina.
Kahit ang medium income earner ay nahihirapan sa ngayon na itawid ang buwanang mga gastusin dahil sa magkaugnay na dahilan ng inflation at unemployment.
Batay sa data bank ng Ibon Foundation, apat sa 10 trabaho ay informal o tinatawag na nasa underground economy na may limitadong kita habang mayorya ay mababa at pansamantalang pagkakakitaan, o sa lengguwaheng kalye, “raket raket.”
Ang bilang ng mahihirap ay umakyat mula 16.7% naging 18.1% o kabuuang 20 milyong Pilipino.
Dagdag pa ng Ibon data bank, pito sa 10 pamilya o 18.8 milyong pamilya ang walang ipon nitong ikalawang quarter ng 2022. (Anak ka ng Diyos kung isa ka sa mapalad na may savings account ngayong panahon ng ekstra-ordinaryong kagipitan.)
Sa kabuuang 18 milyong mahihirap na pamilya, nasa 4.3 million lamang ang kayang ayudahan ng gobyerno sa ilalim ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Sa record ng Registry System for Basic Sectors, mayroong nakalista na 5.5 milyong magsasaka, mangingisda at manggagawa sa bukirin, subalit nasa 1.56 milyon lamang ang target na makatatanggap ng fuel subsidies.
Ang kakulangan ng sustenidong pagkakakitaan ay lalo pang lumalawak ngayong wala pang malinaw na trajectory ang gobyerno sa kung paano nito dadalhin sa full recovery ang nakalugmok na ekonomiya.
Kamot-ulo ang maraming political analysts sa kung ano talaga ang ekonomikong programa ng kasalukuyang administrasyon at kung saan patungo ang bansang ito na patuloy na nanghihina bunsod ng napakaraming structural problems.
Sa harap ng mga hamon na ito, nasa kamay pa rin ng gobyerno ang tamang tugon upang pahinain o tuluyang i-abandona ang implasyon na siyang ugat ng lahat ng nararanasang pagtaas ng presyo ng bilihin, produkto at serbisyo. Isang dapat bisitahin ang solusyon ng price control. Kailangan ang kamay na bakal ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) upang imonitor at parusahan ang mga nagsasamantala.
Pero ang pinakaultimong solusyon pa rin ay ang pagtatakwil sa ideya ng import dependence. Ito kasi ang umuubos sa ating dollar reserves. Lahat halos ng ating pangangailangan bilang bansa ay nakasalalay sa importasyon.
Hindi natin kailangang mag-import kung ang mga programa ng gobyerno ay nakatuon tungo sa industriyalisasyon ng ating bansa. Sa promosyon ng lokal na produksiyon. Sa self-reliance at tiwala sa sariling kasipagan, talento at kakayanan ng Pilipino.
At hindi sa sobrang dependence at pagtangkilik sa banyagang produkto.
Hindi ito madali, as in H.I.N.D.I. M.A.D.A.L.I.
Pero possible.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]