DUE process. Accountability. Human rights.
Mga salitang madalas nating marinig lalo na kung may krimen. Madalas din itong sinasambit ng mga kamag-anak ng biktima ng krimen at ng mga kamag-anak ng gumawa ng krimen.
Noong kasagsagan ng madugong war on drugs ng dating pangulong Rodrigo Duterte, ito ang mga sinasambit ng mga kamag-anak ng mga walang pakundangang pinatay ng mga miyembro ng umano’y death squad.
Mga katagang ipinagsigawan ng mga biktima ng extrajudicial killing (EJK) ngunit piniling hindi dinggin ng nakaraang administrasyon.
Dahil hindi pinakinggan, sa ibang paraan humingi ng katarungan ang mga kamag-anak na biktima ng EJK.
Idinulog nila sa International Criminal Court ang anila ay pagsasawalang-bahala ng administrasyon ng Duterte sa kanilang hiling na imbestigahan ang mga pumatay.
Nag imbestiga ang ICC. May nakitang pagkakasala si Duterte. At ngayon, nakakulong ang dating presidente sa The Hague sa Netherlands sa salang crimes against humanity.
Isa itong mabigat na paratang.
Kahit ano pa ang sabihin ng mga supporter ng nakakulong na dating pangulo, ipagpilitan man nilang hindi na tayo miyembro ng ICC, ang katotohanan ay parte tayo ng ICC ng walong taon bago niya naisip na kumalas.
Sa walong taon na ‘yan, tatlong taon diyan ay panahon ng kanyang pamumuno. Sa unang tatlong taon din na yan ang kasagsagan ng walang habas na pagpatay sa mga umano’y drug pusher at user.
Mga maliliit na tao. Pipitsugin kumpara sa mga malalaking drug lords na pinangakong papatayin o ipapapatay raw ni Duterte.
Ni isang malaking drug lord ay walang nahuli, walang nahatulan, walang nakulong, o walang napatay.
Ngayon, ang sigaw ng mga sumusuporta kay Duterte ay nalabag daw ang kanyang human rights, walang due process nung hinuli at dinala sa The Hague, at wala raw accountability.
May nalalaman pa silang kidnapping daw ang nangyari.
Hala, may kinidnap ba na kasama ang kaibigan niyang abogado at security escorts? May kinidnap ba na may litrato pa habang nakaupo sa eroplano? Ano yun, proof of life?
Patawa itong mga supporter ni Duterte, pati mga kamag-anak niya.
Buhay na buhay nga si Duterte, hindi na-tokhang.
Alagang-alaga sa The Hague at laging may doctor na tumitingin sa kanya kung kailangan dahil mahalaga na malusog siyang haharap sa korte.
Maayos ang kulungan.
Binasahan ng kanyang karapatan, hindi gaya ng mga pinatay na kahit nagmamakaawa na ay binaril pa rin kahit walang maipakitang kaso.
May warrant of arrest kaya legal ang pag-aresto, hindi gaya ng mga biktima ng EJK na basta na lang pinatay.
May pagkakataong ipagtanggol ang sarili, may mga abogado siya para depensahan siya.
Pagkakataong ipinagkait sa mga libu-libong biktima ng EJK.
Sino ngayon ang pinagkaitan ng due process, accountability, at human rights?
Hindi si Duterte yun.