SA wakas, inamin ng Department of Agriculture(DA) na inutil ang ahensiya na ma- stabilize ang presyo ng bigas, kasabay ng pahayag na ang kagyat na hamon sa ahensiya ay kung paano matitiyak na may sapat na reserbang suplay o buffer stock para sa susunod na mga buwan.
Nauna rito ay may pagtatangka ang DA na magtakda ng suggested retail price o SRP dahil sa fluctuating price ng bigas. Sumayaw ang presyo nito mula sa P44 to P50 to P60 hanggang umabot ng P70 kada kilo.
Ayon sa pahayag, sinabi ni Undersecretary Roger Navarro na mataas pa rin kasi ang local production costs. At ang hamon aniya ay ang pagtitiyak ng suplay, kesehodang tumaas lalo ang presyo nito.
Sa kaugnay na press statement, sinabi ni Usec. Navarro na mas mainam maipirmi ang sapat na suplay ng bigas sa presyong P56 kada kilo (ordinary, regular per DA data; presyo sa supermarket is as high as P70 to P75 per kilo) kesa tangkain na ibaba ito sa P42 subalit magkakaubusan ng suplay.
Ikinumpara ng Usec ang Pinas sa mga bansa sa Asya gaya ng Vietnam, na nasa P48 kada kilo habang ang Thailand ay nasa P52. Hindi aniya nalalayo ang presyo ng bigas ng naturang mga bansa sa presyo ng bigas dito sa Pilipinas.
Pinuna ng Samahan ng Nagkakaisang Konsyumers o SUKI Network ang pahayag na ito ng Usec.
Walang puso, walang simpatiya sa nararanasang hikahos ng mga konsyumer ang tingin nila sa pahayag na ito.
Maituturing na pagwawalang-bahala sa batayang karapatan ng mamimili ang tingin naman ni Dennis Jimenez, spokesperson ng ARISE Partylist- Luzon sa ganitong pahayag ng ahensiya. Tungkulin aniya ng gobyerno na tiyakin ang sapat na suplay ng bigas kaalinsabay ng pagtitiyak din sa subsidyo para sa lokal na magsasaka, ang pag-aamyenda sa rice tarrification law na naging daan para mamatay ang local production at paboran ng pamahalaan ang importasyon.
Gasgas na gasgas ang linyahan ng Usec na tila naging linya na rin dati pa ng mga ahensiyang may kinalaman sa tubig at kuryente. Pagwawalang-bahala ito o pagtalikod sa responsibilidad. Sa kuryente, halimbawa, narinig na natin noon ang deklarasyon ng mga power players gaya ng Meralco na mas mabuting mataas ang singil sa kuryente, kesa walang kuryente.
What flawed logic!
Ginagawa nilang justifiable ang di makatuwirang singil, ang overcharges at tinatakot ang publiko ng brownout para hindi kumibo kahit di na nararapat ang mataas na singil sa kuryente gayong kung tutuusin ay tiba tiba na sila sa tubo at kaya namang magtapyas sa presyo.
Hindi tama na bigyan ng ganitong opsyon ang publiko. Hindi maaring papiliin ang konsyumers ng sapat na suplay at kalimutan ang affordability o kakayanang bilhin ito.Kaya naman kasing ibigay sa konsyumers ang parehong kahilingan: sapat na suplay at murang presyo. Nag aaplay ito sa pagkain, kuryente at maging sa tubig.
Sa datos, higit sa 19 milyong pamilyang Pinoy ang walang ipon, pito hanggang 10 porsyento ang maituturing na underemployed o may trabaho pero di makasapat ang kinikita at one-fifth ng populasyon ang nakalugmok sa kahirapan at sumasala sa dapat ay tatlong beses na kain kada araw.
Dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng bilihin kahit naitala pang bumagal ang implasyon, ang mga indikasyon at insidente ng kahirapan ay dapat pa ring manguna sa agenda dahil hindi kinakaya ng mamimili ang presyo ng mga bilihin na grabe na ang itinaas.
Hindi katanggap-tanggap na isubo ang mataas na presyo kapalit ng pagtitiyak sa suplay dahil aanhin ang sapat na suplay kung di na kayang bilhin ang naturang produkto? Hindi maaaring gawing rason na ang mataas na presyo ay dikta ng pandaigdigang pamilihan. Kaya naman pasiglahin ang local na produksyon at hindi need dumipende sa imports kung masinop sa rekurso ang gobyerno.
Dehado lagi ang konsyumers. As such, government officials should be careful not to add salt to our wounds.