WALANG ibang dapat na sisihin sa pagkakasibak ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri sa kanyang puwesto bilang pangulo ng Senado kundi ang kanyang sarili lamang.
Malinaw ang sinabi ni Migz… “I have always supported your independence, which is probably why I face my demise today. I failed to follow instructions from the powers that be, as simple as that.”
O, di ba? Inamin na mismo ni Migz ang kanyang pagkakamali at dapat lang patalsikin dahil sa hindi lang matigas ang ulo kundi lumalabas na direktang sinopla niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hindi sumunod si Migz sa pinag-utos ng mga nasa “kapangyarihan” kaya dapat lang at makatuwiran na isagawa ang kudeta at kunin ang liderato ng Senado kapalit ni Senator Chiz Escudero.
Kung tutuusin, napakalaki ng kasalanan ni Migz dahil sa hinayaan lang niyang magtuloy-tuloy ang Senate hearing sa “PDEA leaks” kahit alam naman niyang si Bongbong ang iniuugnay nito sa usapin na ipinagbabawal na gamot.
Hindi rin dapat sinasabi ni Migz ang salitang “independence” sa Senado dahil sa simula’t sapul silip at abot ng mga senador ang impluwensiya at kapangyarihan ng isang pangulo sa mga galawan sa lehislatura.
At hindi man aminin ni Bongbong na kamay niya ang gumalaw para masibak si Migz, hindi maipagkakaila na tanging basbas lang ng pangulo ang makapaglulunsad ng isang kudeta sa Senado.
Hay naku, nasaan na nga ba ang IQ sa pulitika ni Migz?
Sa ginawang pagkunsinti ni Migz sa “PDEA leaks” hearing ni Senator Bato dela Rosa, halatang higit na pinapaboran ng senador ang kampo ni dating Pangulong Digong Duterte kaysa kay Bongbong.
Apat na sunod-sunod na hearing at wala man lamang ginawang kongkretong aksyon si Migz para tuluyang pigilin si Bato sa pagdinig ng “PDEA leaks” na nagresulta ng matinding pagkakabulabog sa administrasyon ni Bongbong.
Lumalabas tuloy na “naiwan sa ere” si Migz at mukhang napabayaan ng kanyang mga poilitical advisers at media group sa panahong kailangang-kailangan niya ng tulong at gabay dahil sa komplikado at magulong pulitika sa Senado.
Bawi na lang si Migz, at kung nasibak man siya sa kanyang puwesto, dapat sibakin din niya ang kanyang mga political advisers at media group na walang pakinabang at naghihintay lang ng suweldo. Layas! Resign!