Crime does (not) pay

NAG-umpisa nang “bumigay” ang testigo.

Maliliit at basic na detalye noong una, hanggang maging detalyado lahat, pati numero ng tseke ng Landbank at deskripsyon ng vault kung saan inilagay ang P125 milyon na confidential funds.

She kept mentioning “head of the agency” tuwing tinatanong kung sino ang nag-utos sa kanya na magwithdraw ng kuwestionableng halaga na dumadaan ngayon sa pandinig sa Kongreso.

“Head of the agency” is no other than the embattled Vice President Sara Duterte who went ballistic the past days and who threatened to kill no other than the country’s head of state, President Ferdinand Marcos Jr.

Later, sinabi ng VP na siya  ay under threat, bagamat pinabulaanan ito ng intel ng Philippine National Police (PNP).

Matapos aminin ni special disbursing officer Gina Acosta ng Office of the Vice President (OVP) na nanginginig siya sa mga tanong  ni Congresswoman Jinky Luistro na siya ang mananagot sakaling magsinungaling siya at hindi maituro kung sino ang accountable, at paano nagastos  sa P125 milyon  na naubos sa loob lamang ng pitong araw ng opisina ng Bise Presidente Sara Duterte, under  Landbank check number 0000244027, encashed and disbursed same day, sunod-sunod na ang rebelasyon na kahit sino ay matutulala at mapapamura.

Apat na malalaking duffel bagat tatlong  4-feet vault.

Cold cash.

Taxpayer’s money.

P125 milyon.

Pinambayad para ituro at itumba  ang mga kritiko at kinikilalang mga aktibista. Payment of reward is P10 million. Purchase of information- na ang ibig sabihin ay bayad sa mga trolls na mag-a-identify kung sino ang mga kontra sa gobyerno.

Mga Makapili sa makabagong panahon.

Tanong ni Luistro kay Acosta:  Magkapareho ba ang Object of Expenditure  sa  Accomplishment Report?

Parehas lang, sagot ni Acosta.

“What?” malutong na tanong uli ni Luistro sa testigo.

“Kaka-encashed pa lamang , may accomnplishment report na agad kayo? How can this be possible?”

Indeed, hindi kailangang maging policymaker upang maintindihan ng kahit ordinaryong Juan na ang kaawa-awa nating bansa ay  lantarang pinagsasamantalahan ng mga kurap na public officials-mula pinakamataas na ranggo at hanggang simpleng kleriko.

Wala akong ilusyon na mapaparusahan lahat ng maysala. Katunayan, maaring ang salaping nakulimbat ang siya ring pinambabayad ngayon upang pagtakpan ang krimen. Ito ang makinarya para maglunsad ng mini people power at magbayad ng mga taong kunyari ay mga supporters, subalit nandun lamang para sa maliit na halagang makukuha at maipambabili ng pantawid-gutom.

Ngunit may pag-usad.

Ngayon ay humaharap sa dalawang impeachment cases ang VP. Never mind kung sinabi mismo ng Pangulo na ‘unimportant” siya at hindi napapanahon ang impeachment.

Inevitable na palagan ang korupsyon. Ilang dekada na ng korupsyon ang umubos sa kaban ng bayan. Ang isyu ng korupsyon ang naglagay sa kahihiyan sa buong mundo sa Pilipinas matapos pangalanan si Ferdinand Marcos Sr at Gloria Arroyo bilang pinaka-korap na  mga lider.

Hindi pwedeng tanggapin bilang bahagi ng kultura sa public service ang korapsyon. Hindi rason na lahat ng nakaupo ay may tendency na mangurap. Subalit ang ganyang mentalidad ay laganap.

Nakakalungkot.

May mga nakakaligtas sa persecution. Sa katunayan, ang masalimuot na 2017 drug seizure kung saan may P64 milyong halaga ng shabu ang naipuslit sa Customs ay isang halimbawa na hindi lahat ng maysala ay napipiit. Habang  ang inosenteng negosyante ang naipit, ang mga totoong salarin ay nagpapakasasa pa rin sa kinulimbat na maruming pera.

Ang ikinalulugod lamang ng aking puso ay nagpapatuloy ang pagdinig, ang pag-iimbestiga. Kaya kapit lang sa mga fall guys. Ang mga magnanakaw at sinungaling, balang araw ay may kalalagyan din. Hihina at malalantad din ang kayabangan at pagmamataas nila habang papalapit ang paghuhukom sa kanila, dahil sila mismo ang pipiyok at magkakanulo sa isa’t isa kapag nagkaipitan.

May pag-usad. May naumpisahan nang paglilitis. Hindi pa ito ang magsasalba sa sambayanang Pilipino. Subalit kapag nagpatuloy ang ganitong trajectory, tulad ng bala ng baril, matapos ang ilang mintis, masasapol din.