Covid-19: May pag-asa ba ang Pinas na makaahon?

Bagamat isang positibong balita ang pagpayag ng Inter-Agency Task Force for the Management Emerging Infectious Diseases (IATF for short) sa mga kabataan na lumabas at pumasyal sa mga parke at open spaces, hindi pa rin maalis ang agam-agam ng karamihan sa atin sa pagkalat ng Delta Variant ng Covid-19 lalo’t napabalitang kumalat na rin ito sa ilang bansa sa Asya kabilang na ang kapitbahay nating Indonesia.

Kahapon lang kasi ay isinama ang Indonesia sa mga bansang idineklara ng IATF na kasama sa temporary travel ban. Ang dagdag na dagok na ito ay malaking hamon sa ating gobyerno, lalo na sa ating mga economic manager, dahil malamang na mangahulugan ito ng paghaba ng lockdown.

Inaasahan kasi natin na ang pagluwag sa mga health protocol ay magiging mitsa upang muling buksan paunti-unti ang ekonomiya dahil sa loob ng anim na magkakasunod na sangkapat (quarter) ay umabot sa -16.5 porsiyento ang economic growth mula pa noong 2020.
Tanging ang Business Process Outsourcing (BPO) sector lamang internet at telecoms at iba pang parte ng service sector ang nanaig samantalang ang agrikultura, tourism, manufacturing ay bumaba.

Bagama’t tuluy-tuloy ang infrastructure, bahagya rin itong bumagal gawa ng mga restriction at lockdown.

Malaki kasi ang papel ng infrastructure dahil ito ang magiging backbone ng recovery natin lalo’t malapit nang matapos ang ilan sa mga big ticket projects katulad ng MRT7, CLLEx na binuksan na ngayong July 15, Cebu-Cordova Link Expressway at iba pa. Ang iba kasi katulad ng Skyway Stage 3 at MRT 2 Extension ay nabuksan na.

Ayon kasi sa mga eksperto pag pinagsama mo ang mga investment sa infra program ng mga administrasyon nila Arroyo, Aquino III at Duterte ay may kaakibat itong tinatawag nating “economic internal rates of return.”

Sa ngayon kasi ay pansamantalang nabaling ang atensyon ng gobyerno sa pag pondo sa pagbili ng vaccine, mga ayuda (socioeconomic response) kaya’t ang pagpuhunan sa iba pang proyekto ng Department of Public Works at Department of Transportation and Railways ay nabaling sa pandemic response.
Malaking kawalan kasi sa ekonomiya, kabuhayan, trabaho, suweldo—maging sa ating mga naipon ang mga Covid-19 lockdown kaya’t malaking bagay na kailangan nang buksan ang ating ekonomiya kasabay ng tuluy-tuloy na pagbabakuna sa populasyon sa NCR Plus.

Kaya’t ang tanong ng karamihan ay kung magkakatotoo ba ang pangako ng ating mga economic manager na makakabawi na tayo ngayong 3rd at 4th quarter?

Maaring oo at maaring hindi dahil ngayon pa lang ay lumobo na sa P11 trilyon ang ating pambansang utang at ibinaba ng Fitch Ratings ang ating rating mula stable sa negative.

Subalit napanatili natin ang BBB Ratings, ayon pa sa Fitch. Subalit ang aking panalangin ay maging masaya sana ang darating na kapaskuhan na alam kong ninanais din ng karamihan sa atin.
Ano ang ibig sabihin ng mga ratings na ito? Ayon sa Fitch ang pagbaba sa negative ay gawa ng pandemya subalit ang kakayahan nating makabayad sa ating mga pinagkakautangan.

Ayon sa NEDA ang pagluwag ng quarantine restrictions at ang paglaan ng P1.02 trilyon ngayong taon sa infrastructure at ang karagdagang P1.25 trilyon sa susunod na taon (2022) ay malaking bagay upang sumigla muli ang ating ekonomiya na siya ring nagbunsod ng mahigit na 4 milyong nagugutom.

Kaya’t isang malaking hamon sa adminsitrasyon ni Duterte at sa susunod na administrasyon ang pag sustain sa ating growth rate, pagpapatuloy ng mga flagship program na may mataas na benepisyo sa ekonomiya.

Kasabay ng mga ito ang pagtataguyod ng ating manufacturing sector, pagpapalakas ng ating turismo, ang pagsasaayos ng ating agrikultura, pagpapalawig sa telecoms, mayos na kundisyon n gating manggagawa at dagdag na infra para makonekta ng husto ang bansa.
***

Postscript sa Pacquiao

Masinsinan ang kwentuhan namin ng isa kong kaibigan (hindi ko na babanggitin ang pangalan) tungkol sa isyu ni Senador Manny Pacquiao at sa kanyang katayuan sa PDP-Laban at napipintong pagsabak sa boksing ngayong Agosto laban kay Errol Spence Jr., sa US.

Ang pagpapalitan ng mga haka-haka tungkol sa senador na pumang-apat lamang sa survey ng Pulse Asia bilang pangunahing kandidato sa pagka-pangulo sa darating na 2022 elections, ay nauwi sa mga senaryo.

Una, ipapanalo ni Pacman ang laban upang tumaas ang kanyang ratings. Tataas ang kanyang political stock at malaki ang posibilidad na makontrol niya ang administration party at magkakaroon ng purgahan sa partido.

Kapag tumabla, magiging tabla rin ang pakikitungo sa kanya ng mga botante at liliit ang kanyang bargaining power sa partido kung saan siya ang tagapangulo.
Ikalawa, kapag siya ay natalo liliit ang kanyang political stock at malamang na siya pa ang mapatalsik sa PDP-Laban. Kung mananalo siya sa eleksyon sa 2022 ay ibang usapan na iyon. Yan lang po at ipagbigay alam sa pitak na ito ang inyong mga saloobin.