Dahil sa hotdog, anak ni Lucio Tan na-Tulfo

BUMIDA” ang anak ni business tycoon Lucio Tan sa programa ni Raffy Tulfo makaraan siyang ireklamo ng kanyang katulong na pinagbantaan niya umano ang buhay dahil lamang sa hotdog.


Ayon sa katulong na si Rocelle Siay, na nakunan ng video ang pangyayari, nagsimula lamang ang lahat nang ipagluto niya ng hotdog ang kaibigang babae ni Timmy Tan.


Makikita sa video, na ipinalabas sa “Idol in Action,” na pinagagalitan at pinalalayas ni Tan ang katulong.


“Kunin mo gamit niya!” ani Timmy.


“India, barilin mo ito! Kunin mo gamit niya! Ngayon na!” utos naman niya sa kanyang bodyguard.


Kuwento ni Siay, bago ang insidente ay inutusan siya ni Tan na hatiran ng mga tira-tirang pagkain ang kanyang girlfriend na nakatira sa ikalawang palapag ng kanyang mansyon tuwing alas-7:30 ng gabi.


“Para daw maubos na. Sayang lang daw yung pagkain. Mabuti na lang daw po ‘yung tira-tira,” ani Siay.


“‘Yung tira-tira, mga pagkain ‘yun noong ka-dinner niya ‘yung ibang babae niya. Ipapaakyat sa taas,” dagdag niya.


Noong araw na iyon ay sinabihan umano si Siay ng babae na ayaw niyang kumain ng karne kaya ang ginawa ng katulong ay nagluto ito ng hotdog at scrambled eggs.
Nang malaman ang kanyang ginawa ay pinagmumura umano siya ng kanyang amo.


“Nagalit yung boss ko, tinawagan ako sa service phone. Minura niya po ako. Nagmumura siya, nagso-sorry ako,” ani Siay.