PARANG machine gun na niraratrat ngayon ang mga ahensya ng gobyerno sa paggastos nila ng pondo ng bayan noong isang taon, panahon ng pandemic.
Madalas ang mga pasabog.
Pero ang bazooka nakatutok sa Department of Health dahil sa laki ng P67,323,186,570.57 para sa COVID-19 response na maraming kulang, butas at katiwalian.
Talagang pinagpira-piraso ang mga laman nina Duque at among si Duterte. Walang itinira para sa mga buwitre.
At may gana pang magdrama na winarak daw ng Commission on Audit ang dangal nila sa DOH, lol!
Ano bang dangal ang pinagsasabi-sabi mo? Noon pa warak at kayo ang nagwarak sa mga katiwalian at pandarambong sa pera ng bayan at iniligtas ka ni Duterte.
Speaking of transparency and accountability. Again, hindi nga maireport ni Duterte ang kanyang Statement of Assets and Liabilities and Net Worth o SALN.
Ang kapal ng mukha ni Duterte na kastiguhin ang COA na tulad ng Commission on Human Rights, ay isang independent body na kahit Presidente ay hindi magagalaw yan.
Wag kang magbobo-bobohan sa due process at due diligence na ginagawa ng state auditors.
Hindi biro ang pagbusisi at prosesong dinaraanan sa pagsusuri ng COA sa paggastos ng gobyerno sa pera ng bayan. (Nasa ibaba ang illustration ng workflow).
International standard yan: gamit ng COA ang International Organization of Supreme Audit Institutions (INTOSAI) Supreme Audit Institution (SAI) Performance Measurement Framework (PMF).
Makatutulong na bago tayo magwala, lagyan natin ng rason ang emosyon at bigyan ng direksyon ang galit saka kumilos ng tama at makatarungan nang malutas ang corruption sa gobyerno.
Base sa resulta ng pagsusuri sa paggastos sa pera ng bayan, naglalabas ang COA ng audit opinions.
Pasadahan natin ang apat na klase ng audit opinions.
1. Unqualified opinion o malinis ang financial report ng isang ahensya ng gobyerno, walang bahid.
2. Qualified opinion naman kapag hindi umaayon ang financial records sa GAAP o Generally Accepted Accounting Principles.
3. Disclaimer opinion kapag kulang-kulang ang report o supporting documents at hindi makapagbigay ng malinaw na pagbasa ang COA.
4. Ang paborito ko — Adverse Opinion, hahaha!
Kapag ang suma ng audit report ay adverse, ibig sabihin – may gross misstatement, sadyang mali-mali ang financial records at posibleng may fraud o panlolokong ginawa o may hokus-pokus. Adverse opinion kapag hindi sinunod ang GAAP.
Adverse opinion ang ibinigay ng COA sa DOH financial records: Ibig sabihin batbat ng mga kwestyunableng transaksyon.
Ang paliwanag ng COA: “Non-compliance (with) pertinent laws, rules, and regulations.”
Ang depensa ni Duque:
May pandemic at kasalukuyang tinutugunan ang mga pagkukulang.
Sagot ko:
Hindi excuse ang pandemic at matatapos na ang termino mo, dapat na-memorize mo na yan, duh.
Mentras pandemic mas lalo ngang dapat maging maingat at masinop sa paggastos sa pera ng bayan bakit?
Krisis ang mga panahon o oportunidad para magsamantala, o magnakaw ang mga corrupt
at mandarambong sa gobyerno.
Kasama sa mga kwestyunableng pondo ang P42.41 bilyon na inilipat sa partner implementing agencies nang walang kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) dahilan kaya naantala ang delivery ng medical equipment.
Naglaan ng P11.89 bilyon na hindi pa nababayaran para sa pagpapalakas ng DOH bilang institusyon sa paglaban sa COVID at healthcare system.
Sabit din ang DOH sa proseso nang pamimili tulad ng kakulangan sa documentation ng P5.04 bilyon contracts nito.
Sabi ng COA, dahil dyan, hindi nakapamili ang gobyerno ng pinakamurang presyo kaya may pagdududa sa pagbayad ng mga transakyon.
Namigay din ang DOH ng P275.9 milyon na cash allowances, gift certificates at grocery items na hindi umaayon sa proseso ng batas at kung may basehan sa batas, tinimbang ka nguni’t kulang-kulang!
Marami ring palpak ang DOH sa pangangasiwa ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na umabot sa P734.5 milyon.
Ang epekto nito? Hindi nabigyan ng medical relief sa medical facilities na kailangan na kailangan sa panahon ng COVID health emergency.
Sampol lang yan sa paggastos ng DOH.
Suma tutal, may dahilan para manggigil ang madlang pipol.
Take note, DOH pa lang yan.
Hindi pa kasama ang mga nadiskubre ng COA sa kwestyunableng paglustay o hindi paggamit ng pondo ng bayan sa Office of the President (P9.35B sa donations, P4.58B sa confidential at intelligence operations at iba pa), DepEd (P8B distance learning funds, DICT (unspent P5.78B), at drivers’ assistance ng LTFRB (1% lang ng P5.58B ang ginamit).
Siguro maliit lang na halaga ito kumpara sa bilyones, pero nakaka-high blood na gumastos ang OWWA ng P1M para bumili ng mga pasador o napkin sa hardware as in HARDWARE mga Ka-Publiko.
Pinuntahan ng COA sa Malibay, Pasay City ang address pero hindi makita.
Bumili rin ng mga tubig at cupcakes sa isang caterer. Caterer? Ambobo naman gumawa ng milagro, bistadong-bistado.
Isang virus talaga ang hindi magamot sa Pilipinas, at ito ang ipinangakong susugpuin ni Duterte nung nangangampanya siya pero ayun pala ay pinakamalaking panloloko niya sa bayan:
Ito ang corruption virus na nananalaytay na sa halos lahat ng ahensya at branches ng gobyerno at saklaw ang lahat ng administrasyong nagdaan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]