NAG-sound na ng alarm si Albay Rep. Edcel Lagman:
Kaduda-duda ang paglobo ng P2.2 billion Comelec budget sa P14 billion o dagdag na P12 billion para sa “conduct and supervision of elections, referenda, recall votes, people’s initiative and plebiscites” ngayong 2024.
Hinala ni Lagman, isiningit ito sa bicameral deliberations para gamitin sa pagpapagulong ng charter change o cha-cha.
Sa mga nagdaan kong column, nagpaalala ako na bantayan ang bicam dahil notorious yan sa tinatawag na congressional insertions kung saan nagsisingit o nagdadagdag ng allocation sa iba-ibang items sa national budget.
Pinaalala ko yan gawa nung pagbawi sa P650 million Confidential and Intelligence Funds (CIS) ni Sara Duterte sa Office of the Vice President o OVP, at Department of Education o DepEd.
Ayun pala, Marcos camp ang magsisingit para sa kanilang Cha-Cha agenda at bilyon-bilyon piso pa.
Kung nakapagsingit o dagdag para sa Comelec, maaaring may congressional insertions din sa ibang line items na makikinabang ang Marcos camp.
Base kasi sa Official Gazette, sa nagdaang limang taon, ang budget para sa elections at plebiscites ay hindi lumalayo sa P2 billion:
P1.9 billion nung 2019 at 2020; P2.1 billion, 2021; P2.2 billion nung 2022 at 2023.
Ibig sabihin, naitatawid ang election at plebiscites sa ganyang halaga, kaya bakit nga naman biglang ginawang P14 billion ang final budget nang dumaan na sa bicameral?
Tapos, ibinulgar din ni Lagman na namimili ng pirma sa Bicol para sa isinusulong na charter change ng gobyerno
Ayon kay Lagman, may pulong sa isang hotel sa Albay kelan lang na isinusulong ang charter change sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Ito yung sistema na pinapayagan ng batas na mga tao ang magtutulak ng proposed bills para baguhin ang constitution.
Base sa impormasyong nakuha ni Lagman, bawat isang botante ay binabayaran ng P100 kapalit ng kanilang pirma sa petition ng People’s Initiative.
Ayon kay ACT Party-list Representative France Castro, nakatanggap din sila ng reports ng signature-buying sa Quezon City, Gerona, Tarlac; San Mateo, Rizal
Kaya pinaiimbestigahan yan ng Makabayan Bloc sa kamara.
Syempre dineny yan ni Comelec Chairman George Garcia sa isang interview January 11, pero sabay sabing pwede rin namang gamitin yan sa Cha Cha:
“We have to admit that it can be used for that (People’s Initiative) since the item is for recall, initiatives, referendum and other elections,” dagdag pa ni Garcia.
Paiimbestigahan din daw ng Comelec ang signature-buying na pag totoo at may resibo, mawawalan ng saysay ang isinusulong na People’s Initiative.
Throwback lang, nitong 2023, ipinasa ng kamara ang resolusyon at panukala na nagpapatawag ng Constitutional convention para baguhin ang constitution.
Kaya ngayon, full-blast na ang kampanya.
Naglabas pa ng ad simula nung January 10 na EDSA Pwera – sinisisi sa 1987 Constitution ang mga problema ng bansa kaya kailangan baguhin.
As if on cue. nitong isang araw, itong si Congressman Sandro Marcos, nanawagan sa partymates na mag-field sila ng malakas na 12-senate slate sa mid-polls 2025 para mahawakan nila ang buong legislature sa mga patakaran na gusto ipatupad ng tatay na si Marcos Jr.
So ano ang mangyayari.
Ayon sa pasimuno ng People’ Initiative for Reform, Modernization and Action o PIRMA na si Noel Oñate, kailangan makalikom sila ng kabuuang 12% o eight million signatures para sila magtagumpay.
Merong mahigit 67 million registered voters sa Pilipinas.
Si Ońate ay kilalang bilyonaryo may-ari ng Abundance Providers and Investments Corp na dating Pacific Plans.
Nagsimula siya sa Metropolitan Bank and Trust Company, naging director ng Philippine National Oil Co., Citra Metro Manila Tollways at Summit Realty.
Dati rin siyang nagmay-ari ng Air Asia Zest na dating Asian Spirit.
Nung March 2020, isang linggo matapos siyang mag-birthday, nagpa-super party bash para sa kanya ang bestie nyang mag-asawa na sina socialite Lucille Jacinto Carlos at businessman Nick Locsin.
And guess sino ang guests nila?
Bukod sa ibang kapuwa bilyonaryo at diplomats, nandun sina Philippine Ambassador to the United States, Babe Romualdez, na second cousin nina Marcos Jr.
Nandun din si Greggy Araneta na asawa ni Irene, kapatid ni Bongbong.
Nauna riyan, October 2017, nagpa-send off party si Oñate para kay Ambassador Babe Romualdez.
Ganun lang naman siya ka-close sa mga Romualdez, Araneta at syempre Marcoses..
Hindi nakapagtataka na nagpo-promotor siya ng People’s Initiative para sa Cha Cha.
Connect the dots na lang tayo.
Kaya pag natuloy ang Cha Cha, nakakatakot isipin ang mga babaguhin, idadagdag o tatanggalin na constitutional provisions na may kinalaman sa alaala o may kaugnayan sa nagdaang Marcos dictatorial rule at amo nitong United States government.
Pwedeng buwagin ang Presidential Commission for Good Government para hindi mabawi ang multi-bilyon pang mga nakaw na yaman, magkaron ng pagbabago sa estate taxes para malusutan o mabawasan ang malaki nilang bayarin sa estate taxes; at pagbawi sa pagbawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa sa Pilipinas o baguhin ang hatian sa pagmamay-ari ng mga korporasyon.
Pwede ring payagan na muli ang nuclear weapons at foreign military bases na ipinagbabawal ng 1987 Constitution.
Sa tinatakbo ng mga pangyayari ngayon sa bansa – Cha Cha, signature-buying, lumobong budget ng Comelec, balak na ibalik ang pagtatayo ng nuclear power plants, hindi pa nababayarang estate taxes, hindi pa nakukumpletong pagbawi sa mga nakaw na yaman, mahirap na pagnenegosyo ng mga dayuhan sa Pilipinas at iba pa, dapat tutulan ang Charter Change na paniwala ko ay may basbas ng Amerika lalo’t nakikinabang sila sa expanded EDCA, at makikinabang sa mga pagbabago sa economic provisions ng 1987 Constitution.