Climate ‘pandemic’

NITONG Agosto 9, 2021, habang nababalot ng takot at abala sa Covid pandemic ang buong mundo, inilabas ng United Nations Intergovernmental Panel on Climate Change o IPCC, ang unang installment ng ika-anim na Assessment Report nito tungkol sa pagbabago ng klima dulot ng global warming.

Unang naglabas ng IPCC report noong 2013 at inaasahang makukumpleto ito sa 2022.

Daranas ng kakila-kilabot na pagdurusa ang sangkatauhan sa pagpasok ng 2030 sa inaasahang 1.5 degrees centigrade na pag-init ng mundo o global warming.

Sa IPCC Report, nasa Top 10 ang Pilipinas sa pinaka-maaapektuhan ng climate change.

Mas magiging madalas at malala ang mainit na panahon at malalakas na bagsak ng ulan.

Titindi ang tagtuyot sa ilang rehiyon sa mundo at dadalas ang paglagablab ng mga kagubatan.

Magkakandamatay ang mga isda at lalakas lalo ang mga bagyo.

Mai-stress ang mga hayop, matutuyot at mamamatay ang mga halaman at plantasyon.

Ayon sa mga naunang pag-aaral na tinipon ng National Integrated Climate Change Database and Information Exchange System, sa Pilipinas, ang global warming ay banta sa natural ecosystem:

Halimbawa, may isang milyong ektarya ng damuhan ang magliliyab nang mas madalas.

Base sa 2016 Low Carbon Monitor Report, 98 porsyento ng coral reefs na tahanan at paanakan ng mga yamang dagat ang mamamatay sa bandang 2050.

Sa pagitan ng 2051-2060, mababawasan ng 50 porsyento o kalahati, ang kabuuang huli ng isda.

Nganga ang mahihinang bansa!

Ayon sa International Rice Research Institute, nababawasan ng 10 porsyento ang ani ng palay sa bawat 1 degree centigrade pagtaas ng temperature.

Dahil pinalalala ng global warming ang epekto ng El Niño, estima ng Department of Agriculture na may 413, 456 magsasaka ang direktang naapektuhan noong pinakahuling pananalasa ng El Niño ng 18 buwan na nagdi-end ng July, 2016.

Naitala rin sa Pilipinas ang pinakamataas na sea level rise sa 60 centimeters sa buong mundo, tatlong beses na mas mataas sa global average na 19 centimeters.

Ibig sabihin, namemeligrong lumubog ang 60 porsyento ng local government units na sumasaklaw sa 64 coastal provinces, 822 coastal municipalities, 25 major coastal cities at mga 13.6 milyong Ka-Publiko ang kailangang ilikas at i-relocate.

Sa tantya ng World Resources Institute, makararanas ang Pilipinas ng matinding water shortage bandang 2040. Higit na tatamaan ang agrikultura o mga pananim na kapag nangyari – alam na this – laganap ang nganga at kagutuman.

Hihina rin ang labor productivity dahil sa umiinit na panahon na tatagos sa mga pabrika.

Sa naunang pag-aaral ng United Nations noong 2016, mababawasan ng 1porsyento ang working hours sa 2025, 2 porsyento sa 2050 at 4 porsyento bandang 2085.

Babala ng IPCC: malaganap, mabilis at tumintindi ang climate change sa buong mundo.

Lumalabas na mas malala pa ito sa health pandemic ngayon:

Una, ang umiinit na panahon ay nagti-trigger ng pagputok ng mga kaso ng dengue, malaria, cholera at typhoid.

Nangyari na ito noong 1998 nang sinalanta ang Pilipinas ng El Niño at nakapagtala ng halos
40,000 dengue cases, 1,200 cholera cases, at halos 1,000 typhoid fever cases sa buong bansa.

Ang mas nakakikilabot na mangyari sa global warming ay itong pangalawa:

Sa paliwanag ni Dr. Aaron Bernstein, Interim Director, Center for Climate, Health and the Global Environment at the Harvard T.H. Chan School of Public Health) tungkol sa ugnayan ng coronavirus, climate change at environment, habang umiinit ang ating planeta, ang mga hayop na nasa lupa at dagat ay tatakas at pupunta sa North at South Poles.

Ang mga kinalbo at natuyot na kagubatan o kabukiran dulot ng deforestation at uminit na temperatura ay magtataboy sa mga hayop na maghanap ng saktong tahanan.

Ibig sabihin, sa hindi pangkaraniwang pagkakataon, magtatagpo at magsasama-sama ang animal kingdom bagay para ang mga species na may baong virus ay makakahanap ng malilipatang hosts.

Ang malakihang livestock farms naman ay magsisilbing source para sa spillover ng mga infection mula sa hayop na hahawa sa mga tao.

Ang salarin o ang pinaka-virus ng climate “pandemic” o global warming na ito ay ang greenhouse gas emissions, nangunguna na ang carbon dioxide o CO2.

Number one nagsisingaw ng CO2 ang mga pagawaan ng semento at pinakamarami yan sa advanced industrialized countries.

Ang emission ng mga eroplano ay nananatili rin sa atmosphere.

Dumadagdag ang CO2 emission ng iba pang industrial plants at mga sasakyan.

Bukod sa carbon dioxide, greenhouse gases din ang methane na isinisingaw ng ginagamit na langis, agrikultura at landfills.

Nandyan din ang nitrous oxide galing sa fertiizer application at biomass production.

Isama na ang chlorofluorocarbon (CFC) at hydrofluorocarbon (HFC) mula sa refrigerators at airconditioners; nitrogen trifluoride mula sa semi-conductor manufacturing, at sulfur hexafluoride mula sa electricity transmission.

Nakikiisa tayo sa paniwala at panawagan ni Dorothy Guerrero, Pinay policy head ng UK-based Global Justice Now, na “hangga’t walang ginagawang marahas na aksyon, kahindik-hindik na babala sa ating kinabukasan ang IPCC climate science report (a terrifying warning of our future unless drastic action is taken).

Pero ang problema ayon kay Guererro, hindi tanggap ng mga policymaker na ang problema ay nakaugat sa ekonomiya at kasaysayan ng pananakop at pagsasamantala ng makapangyarihang bansa sa maliliit at mahihinang bansa.

Kaya dito papasok ang napakahalaga at mapagpasyang papel ng taumbayan sa iba-ibang bansa:

Ang indibidwal na pagkilos para mabawasan ang pagdausdos ng mundo sa tuluyang pagkawarak at ang sama-samang aksyon para i-pressure ang powerful na mga bansa na bawasan at kontrolin ang greenhouse gases emissions.

Link sa IPCC Report:

https://www.ipcc.ch/report/ar6/wg1/


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]