KUNG naranasan mo ng pagpawisan nang matindi (sigurado akong nakaranas na ang kahit sino rito)–yung parang nahihilo, nasusuka at nanghihina ka– mapapaisip ka kung ano pa ang maaring kahinatnan ng mundo sa paglipas ng mga taon. Dito sa Pinas may pagkakataong pumalo ang heat index sa 50 degrees Celsius ang init ng panahon. Naitala ito noong Mayo 12 sa Legazpi City, Albay. Naalala ko, may naitalang mga casualties dahil sa matinding init.
“It is already a new world, hotter than ever before in human history and getting rapidly hotter still,” sabi ni Jeff Goodell sa kanyang librong The Heat Will Kill You First. Dagdag niya, parang “god-like force” ang naturang phenomenon at kailangang maghanda ang sangkatauhan.
Kaya naman madalas kong mabanggit sa aking mga anak at mga pamangkin na tila “wala na silang mamanahin na mundo” hindi lang dahil sa matindi at tumatagos sa balat na init kundi ang extreme counterpart nito na matitinding paghagupit ng bagyo at iba pang kalamidad.
Sa librong The Water Will Come, inilarawan naman ang nakakatakot na senaryo na magaganap dahil sa epekto ng global warming. Maging mga buhangin umano sa karagatan ay tuluyang maglalaho at maaanod ng dagat.
Sa panahong ito ng artificial intelligence at revolutionary technology, kaya bang masugpo ng mga tao ang problema ng climate change na kanya ring nilikha kung tutuusin?
Ang “big word” sa ngayon sa mga environmentalists ay ang tinatawag na climate engineering o geoengineering. Taong 1970s pa ang konseptong ito subalit ngayon lang namamayagpag.
Geoengineering ang terminong ginagamit sa pag-aalis ng carbon dioxide at pamamamahala sa radiation na nakakulumpong sa kalawakan at kapaligiran, Pinagsama-sama itong teknolohiya na maaring magmanipula sa kapaligiran at bahagyang pumigil sa ilang epekto ng pabago-bagong klima.
May tatlong klase ng naturang teknolohiya: solar radiation management, carbon dioxide removal, weather modification.
Sa esensiya, mitigation o pagbabawas sa climate change impact ang layunin nito.
Adaptation at mitigation. Pakikibagay sa klima at pagbabawas sa potensyal na panganib.
Ito nga marahil yung sinasabi ng mga opisyales ng United States na “live with it” dahil nakita nilang irreversible o hindi na maibabalik sa dati ang kalagayan ng mundo. Kaya adaptation and mitigation ang peg nila, hindi reversal.
Mataas ang pagiging bulnerable ng lahat halos ng bansa sa mundo sa impact ng global warming kaya namang ga-higante at agresibong hakbang ang geoengineering upang ibalik ang istabilidad ng klima. “Throughout the 21st century, climate change impacts will slow down economic growth and poverty reduction, further erode food security and trigger new poverty traps, the latter particularly in unban areas and emerging hotspots of hunger,” ayon kay climate scientist Chris Field ng Carnegie Institution.
Ilan sa nabanggit na peligro ay ang mataas na death rate sanhi ng global warming at malawakang pagbaha maging sa mga malalaking siyudad; taggutom dahil sa temperature at pagbabago ng panahon ng tag-ulan lalo na sa mahihirap na bansa; pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa kakulangan ng tubig para sa kanilang pananim; pagguho ng mga itinayong imprastruktura sanhi ng malalang klima; mapanganib na heat waves na lalo pang sumisidhi; at pagkasira ng ilang land at marine ecosystems dahil na rin sa malawakang reklamasyon. Kaakibat ng mga naturang pangyayari ang paglala ng mga sakit na dadapo sa sangkatauhan.
Urgent, napapanahon ang geoengineering at dapat itong tingnan bilang opsyon, ayon sa mga eksperto. Nakaka-depressed man daw ang kasalukuyang sitwasyon ng mundo, ang mahalaga umano ay may ginagawa ang tao para labanan ito. Hindi na daw kasi natin kakampi ang oras. “Time is no longer on our side. What we do over the next 10 years will determine the future of humanity…” ayon sa dating chief scientist ng gobyernong Briton, David King.
May aktibong mga research programs ang mga bansa kabilang na ang China, Austria, Britain, US, Russia kaugnay ng geoengineering. Maging sa Pinas ay may mga consultancy firms na patungkol dito.
Subalit may pag-aaral kamakailan na nagsasabing hindi daw mabilisang solusyon sa problema ng climate change ang geoengineering,
“Not a quick fix..” ayon sa artikulo ni Chelsea Harvey, isang energy and environment professional ng E&E News. Ayon sa artikulo, kailangang pagpasyahan kung hanggang saan gagamitin ang geoengineering dahil ang mas mahabang paggamit ng teknolohiya ay may kaakibat na mga panganib—at kailangan ang pandaigdigang kooperasyon para dito.
“If world leaders decide to use solar geoengineering to meet international climate goals, they could be locked into it for a century or more… The long timeframe further complicates the debate on geoengineering and its viability. Geoengineering is a stopgap measure thus temporary…”
Kapag naumpisahan umano na ipatupad ito, mapanganib tumigil hanggat hindi tuluyang nahihigop sa atmospera ang carbon dioxide. Ang biglaang pagtigil daw nito ay maaring magdulot ng “termination shock” kung kaya ipinagdidiinan ang “international cooperation at governance” na dapat munang masiguro upang hindi danasin ng mundo ang masamang side effects ng teknolohiya.
Sa huli, question ng ethics at logistics (pinansiya) ang magpapasya kung lahat ng bansa ay handang makibahagi sa nakikitang agresibong alternatibo para sa mas ligtas na mundo.
Kakasa ba ang Pinas?