MAYROON na naman akong isang kwento. Ito ay tungkol sa walang patid na pagluha ng kalangitan kasabay ng pagdadabog ni San Pedro sa Kamaynilaan noong Hulyo 1972.
Naalala ko pa noon ang sabi ng matatanda (bata pa ako noon) noong ako ay may malay na, na umiiyak daw ang kalangitan sa loob ng 40 araw sa Kamaynilaan ng nakawin ang imahe ng Sto. Niño sa kinalalagakan nito sa Simbahan ng Tondo (Archdiocesan Shrine of Sto. Nino de Tondo).
Huminto lamang daw ang pag ulan ng maisoli ang mga pira-pirasong katawan ng Sto. Niño na gawa sa ivory na galing pa sa bansang Mexico, kasama na ang mga diyamante at ruby na nag a-adorno dito na kapagdaka ay na-restore at naibalik din sa Simbahan.
Nagbunyi ang bayan sa paghinto ng ulan at sa balitang naibalik ang imahe bandang Agosto na. Hindi ko mababatid, at walang makababatid kung may kinalaman ang patuloy na pag-ulan sa pagnanakaw ng imahe.
Ang alam ko lang ay patuloy ang pag-ulan na ito sa mahigit na 30 dahil panahon ito ng pagdating ng southwest monsoon at nagkataon din na dalawang malaking bagyo ang dumaan sa bansa bago at pagkatapos ang pagnanakaw noong Hulyo 14, 1972.
Dalawa sa mga ito ang super typhoon Rita (Gloring) at Phyllis (Susan) na dumaan lang sa Philippine area of responsibility ngunit nagtapon naman ng malakas na ulan sa Kamaynilaan at iba pang bahagi ng Luzon na siyang nagdulot ng malawak na pagbaha sa Metro Manila at ikinamatay ng 214 katao.
Kakaiba ang dalawang bagyong ito dahil para lang silang nagsasayaw sa himpapawid na tinatawag ng mga eksperto na isang Fujiwara phenomenon na sumalbahe sa Guam at sa mga bansang Taiwan, Japan, Korean peninsula at Tsina.
Naikwento ko ito dahil ito na pala ang simula ng pagbabago ng ating kapaligiran…ang walang patumanggang pagputol ng mga puno sa mga gubat sa buong mundo, pagdami ng mga sasakyan at ang paglago at pagdami ng mga industriya mula pa noong 1900s na nagbunga ng mataas na lebel ng carbon dioxide sa ating atmosphere ang itinuturong mga dahilan ng pabago-bagong antas ng klima sa mundo na mas lalong pinalala ng pagkawala ng mga glacier at pagkatunaw ng yelo sa North Pole, Greenland at Antartica.
Inaasahan ng mga siyentipiko na ang pagkatunaw na ito ng mga yelo at niyebe ay magbubunsod ng malawakang pagbaha sa mga mababang lugar at tagtuyot, forest fire sa ibang lugar.
Malinaw kasi ang sinabi ng mga pantas na ang ating walang patumanggang (pagsaalang-alang) pagsira sa kalikasan ang dahilan kung bakit “nababaliw” na ang panahon. Ito ang tinatawag nating Climate Change—ang pagbabago ng klima at panahon dahil sa mataas na level ng carbon dioxide (Co2) sa atmosphere.
Ang mataas na level ng Co2 kasi ang nagsisilbing greenhouse gases na siyang pumipigil sa radiation at init na galing sa araw na lumabas sa ating mundo kaya’t kada taon ay patuloy ang pagtaas ng temperatura sa hangin.
Ayaw ko mang mabansagang “the boy who cried wolf” pagdating sa pagkilos upang itaas ang kamulatan pagdating sa climate change, lalong ayaw ko rin mabansagan ng susunod na henerasyon na walang ginawa pagdating sa pagkilos at mag-ambag ng tamang impormasyon sa lumalalang krisis sa ating kapaligiran.
Batid naman kasi natin na ang kawalang aksyon ay magbubunsod ng mas malaking sakuna sa lumalalang kalagayan ng ating kalikasan; naririyan ang patuloy at pagtaas ng insidente ng mga pagbaha sa ilang lugar at pagkatuyot naman ng mga pananim sa kabilang panig ng mundo.
Ang kontribusyon ng pitak na ito ay maliit lamang na bagay kung ihahambing sa mga ginawa na ng mga environmentalist, mga scientist at mga aktibista upang ma pressure ang mga gobyerno sa buong mundo na umaksyon na bago pa maging huli ang lahat at mapigilan ang pagtaas ng temperatura.
Sa ngayon kasi, ang carbon emission ay malakas sa mga bansang mauunlad sa Europa, North America at China kaya’t isinilang ang Rio Summit at Paris Accord na humihimok sa mga bansang ito na gumawa ng paraan upang mapababa ang kanilang carbon emission at pondohan ang mga inisyatiba para mapigil ang pagtaas ng temperatura ng mundo.
Lumalabas na parang business-as-usual pa rin ngayon ang tingin ng mga gobyerno sa mga bansang nabanggit sa kabila ng pagpapakita ng paglala ng kalagayan ng mundo na ayon sa mga scientist ay nagdeklara na ng “climate emergency” at malapit na sa “tipping point.”
Ang pagdami din ng livestock tulad ng baka at tupa, pagkasira ng mga gubat katulad ng sa Amazon ay ilan din sa mga binabantayan.
Ayon sa isang study ni Tim Lenton, director ng the University of Exeter’s Global Systems Institute, ang “record-breaking” heatwave na nararanasan sa kanlurang United States at Canada ay mga indikasyon na ang kasalukuyang klima ay nagsisimula nang mag “behave in shocking, unexpected ways”.
“We need to respond to the evidence that we are hitting climate tipping points with equally urgent action to decarbonize the global economy and start restoring instead of destroying nature,” ayon pa kay Lenton na isa sa mahigit na 14,000 siyentipiko na nagsagawa ng pag-aaral sa kalikasan.
Isiniwalat din ng mga author isang malawakang pag-aaral sa kalikasan ang anim na focus para mabago ang kasalukuyang gawi: Ito ang tuluyang pagtanggal sa fossil fuel, paliitin ang paggamit sa mga pollutants, ibalik ang mga nasirang ecosystems, pagbago ng lifestyle sa pamamagitan ng pagkain ng mga plant diet, at pagsasaayos ng pagdami ng populasyon.
Bagama’t mukhang imposible ang kagyat na pagtanggal ng fossil fuel maari nating simulan ito sa pamamagitan ng pag kumbinsi sa sarili at sa komunidad na gumamit ng bisikleta, pag encourage sa mass transport, pag ban sa mga single-use plastics, pag recycle, tamang pagtapon ng basura, pagkain ng tamang pagkain at higit sa lahat ang pagtatanim ng mga puno sa mga kalbong kabundukan at mangrove sa mga dalampasigan.
Bago ang lahat nais ko munang sumama sa milyun-milyon nating kababayan na sumalubong ng pagbati at pagpupugay kay Olympic weightlifting champion (55kgs) Hidilyn Diaz na nakakuha ng kauna-unahang gintong medalya sa Tokyo Olympics 2021.
Binuhat mo ang pambansang dangal at ibinato sa hangin ang matagal nang kahihiyan na bumalot sa ating bansa sa larangan ng sports. Gumawa ka ng kasaysayan nang ialay mo ang kauna-unahang ginto sa bayan na matagal nang uhaw na makamit ito.
Sana ay madagdagan pa ng medalyang ginto ang Pilipinas at maganda ang sapantaha ko na maaari nating makamit ito sa larangan ng boxing.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]