Chito Gascon, Maria Ressa

DALAWANG haligi ng lipunang Pilipino ang lubusan nating ipinagmamalaki.

Una, ang hanay ng human rights defenders. Binubuo sila ng mga pinuno at kawani ng ating Commission on Human Rights, human rights lawyers, human rights defenders, at environmental defenders.

Ikalawa, ang ating journalists. Kinabibilangan sila ng mga nasa print, online, at broadcast media.

Committed journalists

Ipinagmamalaki ka ng madla, Maria Ressa, sa paggawad sa iyo ng Nobel Peace Prize.

Kasama ang mga editor, investigative journalists, reporters, at staff ng Rappler, nanatili kang naninindigan sa tunay na diwa at layunin ng journalism.

Kahit nililibak, hina-harass, tinatakot, pinagbabantaan, kinakasuhan, dinarakip, at ipinakukulong ng pamahalaan at kanyang mga alipores, hindi kayo tumiklop sa Rappler. Bagkus, nanawagan ka pa, Maria Ressa, “Hold the line.”

Isa kang kahanga-hangang mandirigma ng journalism, kasama sina Chay Hofileña, Glenda Gloria, Grace Go, at marami pang iba.

Ikaw, Maria Ressa, pati ang mga maprinsipyo at beteranong mamamahayag na sina Malou Mangahas, Ellen Tordesillas, Manny Mogato, Sheila Coronel, Boying Pimentel, Sonny Fernandez, at marami pang iba, ang nagsisilbing sulo ng tunay na peryodismo.

Tungkod ng karapatang pantao

Pagpupugay at pasasalamat sa iyo, Jose Luis Martin C. “Chito” Gascon, 57, ang yumaong chairman ng Commission on Human Rights.

Namimighati ang pandaigdigang komunidad ng human rights defenders sa iyong maagang pagpanaw.

Tanglaw ka, Chito, ng karapatang pantao, demokrasya, at maka-mamamayan at maka-kalikasang konsepto ng rule of law.

Ehemplo ka ng matibay na pagkapit, pagtatanggol, at pakikipaglaban para sa karapatang pantao ng lahat.

Subok kang mandirigma ng kapayapaan, demokrasya, at karapatang pantao, lalo na noong manawagan si Pangulong Rodrigo Duterte ng walang-puknat na pagpatay ng mga pulis, sundalo, at ordinaryong mamamayan ng mga walang kamalay-malay at walang kalaban-labang sibilyan.

Sa harap ng panggigipit ng mga galamay ni Duterte sa House of Representatives at social media, nanatili kang naninindigan sa pangangalaga at pagtatanggol sa integridad ng Commission on Human Rights.

Malinaw pa sa sinag ng araw na isang sagadsaring mamamatay-tao at berdugo, na walang konsyensyang nananawagan, nang paulit-ulit, na pumatay nang pumatay, ang siyang mayhawak ng kapangyarihan.

Sa panahong iyon, maraming natakot at nagpasyang manahimik. Sa kanilang pananahimik, nag-ibayo ang pagkitil ng buhay ng daan-daan, na mabilis na naging libo-libong buhay ng mga mamamayan, sa loob lamang ng ilang buwan.

Pero kumasa ka.

Pangahas

Ikaw, Chito, ang isa sa mga una at hayagang pumalag at sumalungat sa isinasagawang crimes against humanity of murder ni Duterte simula nang ideklara ang kanyang pagkapanalo bilang pangulo sa halalan noong 9 Mayo 2016. Buong tapang at walang pag-aatubili mong ipinagtanggol ang karapatang pantao ng karamiha’y mga maralitang taga-lungsod na siyang kadalasang pinupuntirya at itinutumba ng mga pulis at kanilang force multipliers.

Bilang abogado, ginamit mo ang iyong talino, dunong, at pagkadalubhasa sa larangan ng international human rights law, international humanitarian law, at international criminal law, upang wastong pangalanan bilang crimes against humanity ang isinasagawang organisado at malawakang pamamaslang ng estado alinsunod sa utos at state policy ni Duterte. Ikaw at si Senadora Leila de Lima ang siyang unang nagparating sa publiko na crimes against humanity ang isinasagawa ni Duterte laban sa sambayanang Pilipino – isang karumal-dumal na krimeng ipinagbabawal at pinarurusahan sa ilalim ng Rome Statute of the International Criminal Court.

Mandirigma

Ikaw, Chito, kasama ang ating mga pinanday at subok nang mandirigma ng human rights at journalism ang tanging naglakas-loob na salungatin ang noon ay nagmamayabang at namamayagpag sa kasikatang pangulo.

Kakapit-bisig mo sa mga kumondena sa crimes against humanity sina Chel Diokno, Edre Olalia, Etta Rosales, Paring Albert, Carlos Conde, atbp. Kayo ang mga pangahas na siyang una at hayagang tumuligsa sa malawakan, sistematiko, at organisadong pamamaslang ng mga sibilyan.

Saludo sa iyo, Chito, at sa ating human rights defenders at journalists.

Di tulad ng iba, di ka nanahimik at nakipag-kompromiso sa makapangyarihan.

Di mo inisip ang iyong sarili, ang iyong seguridad, kaligtasan, kapakanan, at sariling buhay. Isinugal mo ang sariling buhay sa pakikibaka para sa itinakdang mandate sa iyo at sa pinamumunuan mong Commission on Human Rights ng ating 1987 Constitution – na iyong binalangkas, kasama ang iba pang constitutional commissioners – makaraang magwagi ang people’s power noong Pebrero 1986.

Integridad

Hawak ni Duterte ang NBI, PNP, DOJ, Senado, at House of Representatives. Nagawa niyang ipadakip at ipabilanggo si Senadora Leila de Lima at patalsikin maging si Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa kanilang pagtutol sa ubod nang lupit at madugong paghahari-harian ni Duterte.

Sa iyong pamumuno, regular na siniyasat at dinokumento ng Commission on Human Rights ang mga pamamaslang. Di ka tumiklop, kahit ayaw makipagtulungan ng mga pulis sa imbestigasyon, dahil sa utos ni Duterte.

Sa ilalim ng iyong pamumuno, tanging Commission on Human Rights ang nagtaglay ng kredibilidad, integridad, at independensya upang imbestigahan ang extrajudicial killings nang patas at walang kinakatigan o pinapaboran.

International human rights community

Nagpapasalamat at nagpupugay sa iyo, Chito, ang buong international human rights community.

Malaki ang iyong ambag sa pagbabaklas ng impunity, o kawalang-pananagutan at kawalang-kaparusahan, ni Duterte. Dahil sa iyong matatag na paninindigan at prinsipyo, nagkaroon ang International Criminal Court ng solidong batayan upang simulan ang pagsisiyasat sa mga patayang hayagan at paulit-ulit na ipinag-utos ni Duterte.

Mabuhay, mabuhay ka, Chito.

Mapayapang paglalakbay at pagyakap sa walang-hanggang Pag-ibig at Liwanag ng Poong Maykapal. Bantayan at protektahan mo ang journalists at human rights defenders na siyang kasama mong nakikibaka para sa dakilang simulain ng malayang pamamahayag at karapatang pantao.

Pagpupugay sa iyo, Maria Ressa.

Kinakatawan ninyo – Chito Gascon, Maria Ressa – ang pandaigdigang simulaing itaguyod ang sagradong dignidad at human rights ng bawat tao.

Magiting kayong tagapagtaguyod ng karapatang pantao at malayang pananalita at pamamahayag – ang siyang susi sa ating pandaigdigang seguridad, kalayaan, kapayapaan, at kaunlaran.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]