Digong walang exposure kay Sara

TINIYAK ni Presidential Security Group (PSG) Commander Col. Randolph Cabangbang na walang exposure si Pangulong Duterte sa anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nagpositibo sa Covid-19.


“President Rodrigo Duterte was never exposed,” sabi ni Cabangbang.


Nauna nang inihayag ng kampo ni Duterte-Carpio na nagpositibo ang alkalde sa Covid-19 at hiniling sa mga taong kanyang nakahalubilo na mag-quarantine.


“She has mild symptoms and is in isolation caring for other family members who need medical attention in Davao City,” ayon sa ipinalabas na kalatas ng tanggapan nito.


Nakiusap naman ang pamilya ng “complete privacy” at sinabihan ang publiko na huwag nang magpadala ng regalo sa mayor.


Nakatakda sanang magtungo sa Singapore si Duterte-Carpio para sa medical check-up nitong Martes. –WC