NAGWALA na naman ang Bulkang Taal.
Sa ganitong kalagayan, ninenerbyos ang mga tao malapit sa small but terrible na bulkan. Maliit kung ituring pero ayon sa mga eksperto, ang buong Lawa ng Taal ay isang caldera o bunganga ng bulkan. Ang volcano island na nasa lawa lamang ang nakikita, kaya sinasabing maliit lamang ito.
Ibayo na ang pag-aabiso ng mga ahensya ng gobyerno na maghanda at magsilikas na ang mga bayang malapit sa volcano island.
Tila ba nagpupuyos na ang bulkan! Sumabog na ito noong Enero 2020, ilang buwan lamang bago ang pandemya dahil sa Covid 19. May mga evacuees na inabot na ng pandemya sa evacuation centers.
Napakahirap na kalagayan. Parang pipili ka sa dalawang choices na parehong palpak: bumalik sa danger area malapit sa bulkan, o magka-Covid sa evacuation site!
Kawawa ang mga apektadong kababayan. Ngayong nakakabangon na sila, muling nag-alburuto ang Bulkang Taal.
Ewan kung nabawi na ng mga nag-aalaga ng tilapya at bangus ang puhunan. Gayundin ang mga may backyard hog raising o may babuyan; isa o marami man ang inaalagaan. Ito ang karaniwang ikinabubuhay ng mga tao sa palibot ng Bulkang Taal bukod sa pagsasaka.
May mga nagsasabi na di dapat tumira sa danger areas malapit sa bulkan. Pero may choice ba ang mga tao na permanenteng lisanin na ang lugar?
Sana nga ay may choice sila! Kung may magandang malilipatan na maari silang mamuhay nang maayos, di nila titiising lagi nang nangangamba sa pagsabog ng bulkan! Hindi sila mag-aalala para sa kanilang mga anak tulad ng pag-aalala nila ngayon sa peligro ng bulkan.
May Covid pa nga, may bulkan na namang nakaambang laging sumabog.
Harinawa ay huwag nang makapaminsala sa tao at sa kabuhayan nila ang bulkan.
Panalangin para sa mga Kabatang!