BAYANIHAN.
Ito ang pinakadiwa ng programang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd).
Taun-taon itong isinasagawa sa mga pampublikong paaralan bago magsimula ang pasukan. Nililinis, inaayos at kinukumpuni mga sirang gamit, at nilalagyan ng mga visual aid ang silid-aralan ng mga volunteer na kinabibilangan ng mga magulang at iba pang galing sa pribadong sektor.
Nagsimula ang Brigada Eskwela noong panahon ng yumaong Pangulong Fidel V. Ramos sa pamamagitan ng Republic Act 8525. Layunin ng batas na ito na bigyan ng tax incentives ang mga pribadong establisimiyento na magbibigay ng tulong sa kanilang “adopted school.”
Bago maisabatas ang RA 8525, ginugugol ng mga guro at estudyante ang unang linggo ng pasukan para sa pag-aayos ng mga sirang gamit sa loob ng silid-aralan. Sayang ang unang lingo na sana ay nagamit na sa pag-aaral.
Malaking tulong para sa mga guro at estudyante ang Brigada Eskwela dahil handa na ang lahat sa unang araw ng pasukan.
Tuwing unang araw ng pasukan, excited ang mga estudyante, lalo na ng mga nasa pre-school at graders na makita kung ano ang mga nakalagay na visual aids sa loob ng silid-aralan. Alam nila na pinagpuyatan at pinaghandaan ito ng kanilang guro.
Noon yun. Ngayong taon, hindi na.
Dahil ang sasalubong sa mga estudyante ay isang silid-aralan na “hubad.’ Walang “dekorasyon.’ Walang visual aids.
Bunsod ito ng DepEd Order 21 series of 2023 ni Secretary Sara Duterte.
Nakasaad sa guidelines ng DepEd Order 21 sa Letter B (Implementation Stage), Number 2 (Maintenance of Clean Classrooms) na “schools shall ensure that school grounds, classrooms and all its walls, and other school facilities are clean and free from unnecessary artwork, decorations, tarpaulin, and posters at all times.”
Ang tanging nakikita ko na tama sa guideline ay yung pagtanggal ng litrato ng mga politiko.
Subali’t yung pagtanggal ng mga visual aid, maling-mali ito.
Nakalimutan yata ni Duterte na malaking tulong ang litrato ng mga kulay, iba’t ibang uri ng hugis, alpabeto, numero, at iba pang visual aids.
Magkaka-iba ang antas ng pagkatuto ng bawat estudyante. May mga bata na mabilis ang pick-up sa aralin, mayroon ding mas natututo pag may kaakibat na visual aids.
Nauugnay ng estudyante ang salita sa nakikita at ito ay mangyayari lamang kapag may visual aid. Dahil bukod sa auditory o naririnig, kasama sa learning process ang visual aspect o nakikita.
Nasayang ang effort ng mga guro natin sa paglagay ng mga materyales na makakaragdag sa kaalaman ng mga estudyante.
Hindi man lang ba naisip ni Duterte ang positive impact ng visual aids?
Ang paaralan ay tinuturing na pangalawang tahanan ng mga estudyante, at sa unang araw ng pasukan sa Agosto 29, 2023, papasok sila sa kanilang kwarto na hindi kaiga-igaya.
Binase ni Duterte ang kanyang utos sa DO 37 s. 2010 na nagsasaad na “Prohibition on Use and/or Display of School Signages Showing Commercial Advertisement, Sponsorships, and/or Endorsements. Classrooms shall remain bare and devoid of posters, decorations or other posted materials. Classrooms should not be used to stockpile materials and should be clear of other unused items or items for disposal.”
Bilang DepEd Secretary, maaari niya ito baguhin para maibalik ang paglalagay ng visual aids. Mag-isyu siya ng bagong department order na tanging visual aids lamang ang maaaring idikit.
Kaya, nararapat lang na ang mamumuno ng isang departamento ng pamahalaan ay eksperto sa kanyang pamumunuan. Yung lider na maiintindihan ang pangangailangan ng kanyang sinasakupan at nakikinig sa mga suhestiyon.