SA panahon ng pangangailangan, mabilis na tumutulong ang iba’t-ibang organisasyon para maibsan ang nararamdamang hinagpis ng mga naapektuhan ng anumang uri ng kalamidad.
Isa sa mabilis na tumugon upang makatulong ay ang FPJ Panday Bayanihan, isang nonprofit organization na pinangungunahan ng apo ng namayapang si Fernando Poe, Jr., na si Brian Poe Llamanzares
Alam ng lahat na noong nabubuhay pa si FPJ ay sadyang matulungin na ito at saksi ang mga kasamahan niya sa industriya ng pelikula.
At ngayon, katuwang ang kanyang ina na si Senator Grace Poe, ay tinutuloy ni Brian Poe Llamanzares, ang apo ng original na Panday, ang naiwang legasiya sa pagtulong ni FPJ sa pamamagitan ng FPJ Panday Bayanihan.
Taong 2013 nang magsimulang tumulong ang FPJ Panday Bayanihan sa mga nasalanta ng bagyong Maring. Simula noon ay nagtuloy-tuloy na ang foundation sa pagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Hindi lamang sa panahon ng sakuna naghahatid ng tulong ang FPJ Panday Bayanihan kundi tinutulungan din ng foundation, sa pamumuno ni Brian, ang mga humihingi sa kanila ng tulong saan mang parte ng Pilipinas.
Marami ang natulungan nila Brian noong panahon ng kasagsagan ng lockdown dahil sa Covid-19. At sa tuwing may darating na sakuna ay asahan na may darating na tulong mula sa FPJ Panday Bayanihan.
Sinabi ni Brian na, kaagapay ang kanyang ina na si Sen. Grace Poe, maaasahan ang FPJ Panday Bayanihan na tutulong sa mga nangangailangan.
Naaangkop din na tawaging Panday Bayanihan ang organisasyon dahil hango ito sa salitang panday na ang ibig sabihin ay bumuo o lumikha at ang salitang bayanihan naman ay ang sama-samang pagtulong sa isang komunidad.
Nagbibigay ng iba’t ibang pagsasanay at seminar ang foundation para sa mga komunidad para sa karagdagang kaalaman upang mapaunlad ang buhay ng mga nasa laylayan.
Ayon pa kay Brian, makakaasa ang mamamayang Pilipino na tutulong ang FPJ Panday Bayanihan, hingin man ito o hindi.