Bow kami sa iyo na working student

NARANASAN mo ba maging isang working student?

Isa kang working student ngayon?

Mahirap maging working student, ‘di ba?

Minsan, dahil sa walang choice kaya naghahanap ng trabaho ang isang estudyante. Sa totoo lang, dahil sa kahirapan kaya napipilitang magtrabaho habang nag-aaral.

Base sa statistics na inilabas ng Commission on Higher Education noong 2023, nasa 216,000 ang bilang ng mga working student o walong porsyento (8%) ng kabuuan ng college population.

Bakit nga ba napipilitang magtrabaho ang mga estudyante gayung mayroon namang libreng edukasyon sa mga state universities and colleges o SUCs?

Hindi naman kasi lahat nakakapasok sa SUCs. 

Karamiham pa rin sa populasyon ng mga estudyante ay sa pribadong kolehiyo o unibersidad nag-aaral.

Hindi biro ang bayad sa tuition fee. 

Napakamahal na ang magpaaral ngayon.

May mga kakilala ako na naging mga working student. Ang iba sa kanila, hindi na nagpatuloy sa pag-aaral. Kumikita na raw kasi sila at hindi na kaya ng schedule nila ang mag-aral habang nagtatrabaho. Ginawang fulltime ang pagiging empleyado.

May iba naman na kahit hirap mag-ayos ng schedule ay pinilit makapagtapos. Part time ang piniling schedule para makapag-aral.

Ang usual na hinaing nila ay ang pagod ng katawan nila pagkatapos ng shift.

Karaniwan kasi ay sa fastfood nagtatrabaho ang mga estudyante. 

Hindi biro ang magtrabaho sa fastfood. Talagang nakakapagod. Alam ko ito dahil naranasan ko rin maging working student. 

Maliit man ang kita dahil per hour ang bayad, makatutulong na rin ito sa pandagdag sa gastos, lalo na sa mga kapos sa pambayad sa mga pangangailangan sa paaralan. 

Idagdag na rin natin ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama na riyan ang mga school supplies.

Gaya ngayon, magbabakasyon na ang mga estudyante. Malamang ay ang ilan sa kanila ay maghahanap ng part time jobs para makaipon para sa susunod na school year.

“No choice.” Ito ang karaniwang dahilan kaya naghahanap ng trabaho ang ibang estudyate.

Alam nila ang hirap na pinagdaraanan ng kanilang mga magulang, makapagtapos lang sila ng pag-aaral.

Dahil edukasyon ang sagot upang makaahon sa hirap ng buhay, kaakibat ng sipag, tiyaga, at tapang na harapin ang anumang pagsubok sa buhay.