PARAMI nang parami ang mga millennials na gustong maglingkod sa bayan sa darating na 2022 elections.
Hati ang opinyon ko sa puntong ito dahil habang may mga idealistic na maituturing ay hindi maiiwasan ang katotohanan na meron din sa kanila ay pawang mga “Bimpo” lamang.
Ang “Bimpo” ay pinabatang bersyon ng “Trapo” o traditional politician na ginawa nang negosyo ang pamumulitika.
Ang “Bimpo” ay nangangahulugang “batang itinulak ng magulang sa politika” ay madali na na ninyong mauunawaan kung dito nga ba galing ang mga kabataang kakandidato sa inyong mga lugar.
Malaki ang bentahe rito ng mga may magulang na sikat o kaya naman ay nakapwesto na sa pamahalaan sa kasalukuyan.
Nagulat ako sa aking nakita sa isang FB post na balak palang tumakbo bilang kongresista ang batam-batang anak ng isang super sikat na personalidad.
Naisip ko tuloy na kaya pala lumipat sa kabilang distrito ang pamilya ng super sikat na TV personality ay dahil tatakbo ang kanyang anak.
Dati kasi ang balita ay ang sikat na personalidad na ito ang tatakbo sa halalan pero last minute ay nagdalawang isip ito lalo’t wala ang pangalan niya sa mga listahang inilabas ng administrasyon.
Anyway, kung track record ang pagbabatayan ay natural na bokya ang batang kandidato dahil ito nga naman ang magiging unang sabak niya sa pulitika.
Para sa akin ay masyadong mataas ang inasintang posisyon ng bagitong ito dahil kung gusto talaga niyang manungkulan sa gobyerno ay mas magandang simulan muna niya sa mas mababang posisyon tulad ng pagiging konsehal ng lungsod o kaya naman ay barangay level muna.
Pero dahil sikat ang mga magulang at alam niya siguro na sayang naman ang pagkakataon kaya legislative job agad ang kanyang tinarget para sa 2022.
Ayaw kong pangunahan pero ang mga constituent na nila ang magdesisyon kung ipauubaya ba nila sa anak ng isang sikat ang pamamahala sa legislative needs ng kanilang distrito.
No more clue dahil kilala niyo naman ang tinutukoy ko lalo doon sa mga nakababad sa FB at Youtube.
By the way, tatakbo rin sa isang mataas na pwesto ang ama ng “Bimpo” na bida sa ating kwento ngayong araw.