KAMAKAILAN ay dalawang magkasabay na gun and sporting shows ang idinaos dito sa Metro Manila.
Pareho kong pinuntahan ang nasabing mga gun shows at napansin ko na tumaas ang presyo ng mga baril at bala.
Para sa mga “gun enthusiast”, ang gun show ay isang malaking event dahil dito sila nakakabili ng kanilang mga baril, bala o accessories para sa mga tinatawag nilang laruan.
Bukod sa maraming mga exhibitors sa lugar ay karaniwang pababaan ang kanilang mga presyo pero hindi na ngayon.
Marahil ay dahil tumaas ang demand lalo na sa mga handgun sa nakalipas na mga taon kaya tulad ng inaasahan ay tumaas rin ang presyo ng mga ito.
Noong ideklara nga ng World Health Organization ang pandemic dahil sa Covid-19 noong 2020 ay halos magkaubusan ng supply ng mga bala at baril sa U.S at ilan pang mga bansa.
Inaasahan kasi nila ang kaguluhan kapag kinapos ng supply ng pagkain.
Dito sa Pilipinas ay mas naging prayoridad ng mga Pinoy ang pagbili ng pagkain kesa sandata noong panahon ng pandemya.
Pero kaagad rin na tumaas ang gun sales nang unti-unti nang magluwag ang pamahalaan sa kanilang ipina-iiral na restrictions.
Mas inaasahan rin ng mga gun dealer ang pagtaas ng kanilang sales lalo’t 10 taon na ang validity ng License to Own and Possess Firearm (LTOPF).
Idagdag pa rito ang unti-unti na namang pagtaas ng crime rate maging sa mga gated villages.
Imbes na umaasa sa mabilis na responde ng mga pulis ay nag-aarmas na ngayon ang mga may kakayahang bumili ng baril bilang proteksyon sa mga kriminal.
Makatwiran lamang ito lalo’t dumadaan naman sa tamang proseso ang pagbili ng legal na mga armas kumpara sa mga kriminal na walang pakialam sa buhay ng kanilang mga biktima.
Ika nga sa wikang ingles, “It is better to have it and not need it, than to need it and not have it”.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]