MALAMANG na masibak ang kandidatura nina dating Interior Secretary Banjamin “Benhur” Abalos Jr. at Senator Francis “Tol” Tolentino kung hindi pagbubutihin ng mga ito ang ginagawang pangangampanya para sa eleksiyon na nakatakda sa Mayo 12.
Sa senatorial lineup ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sina Benhur at Tol ang kadalasang ‘kulelat’ sa mga senatorial survey lalu sa Pulse Asia at Social Weather Stations.
Hirap na hirap makapasok sa ‘Magic 12’ sina Benhur at Tol sa survey na isinasagawa ng Pulse Asia at SWS, at nauungusan pa ng ilang senatorial candidates kahit hindi naman kabilang sa administration slate.
Sa latest senatorial survey ng Pulse Asia nitong January 18–25, nasa ika-18 si Benhur samantalang si Tol naman ay nasa ika-20 puwesto. Pumasok pa sa ‘Magic 12’ sina Senator Bong Go at Senator Bato dela Rosa na kabilang sa PDP-Laban.
Walang pinagbago ang January 17-20 survey ng SWS dahil si Benhur ay nasa 18th place pa rin at si Tol naman ay walang pagbabago sa ika-20 puwesto. Tinalo pa sina Benhur at Tol ni Willie Revillame o Kuya Wil na pumasok din sa ‘Magic 12.’ Bigyan ng jacket ang dalawang yan!
Kung tutuusin, hindi naman talaga rumirehistro sa kamalayan ng mga botante o taongbayan ang kandidatura nina Benhur at Tol, at kahit tadtarin ng kanilang political ads ang print, telebisyon at radio, lumalabas na wala pa rin itong epekto.
Kaya nga, marami ang nagtatanong kung maayos o organisado bang talaga ang makinaryang propaganda nina Benhur at Tol? O, baka naman palpak lang ang implementasyon ng mga handler nito lalo na ang kani-kanilang media operators?
Sabi nga, hindi pa huli ang lahat at meron pa namang mahigit na dalawang buwang natitira sa campaign period para ayusin ang sistema ng pangangampanya at piliting malagpasan ang ilang nangungunang kandidatong senador.
Pero kung nakikita naman nina Benhur at Tol na talagang wala na silang pag-asang makapasok sa darating na eleksiyon, eh, malaya nilang masusundan ang yapak ni Willie Ong at ni Wilbert Lee… babuuuu!