MAY mga kakulangan ang kasalukuyang Saligang-Batas, aminin natin– subalit mas matingkad sa mga probisyon nito ang pagbabago ng ekonomikong istruktura at pagpapalakas ng sustenidong industriyalisasyon para sa pagkapantay-pantay at pag-aangat ng buhay ng nakararaming Pilipino.
Sa usapin ng industriyalisasyon, pinapangarap ang nasyonalisasyon at kontrol ng mga rekurso ng mga para sa pagtataguyod ng soberenya sa ekonomiya at ang pagkakaroon ng sariling foreign policies. Kung papapasukin man ang dayuhang kapital, may masinop na regulasyon na ipapatupad.
Tila hindi ganito ang tunguhin ng bansa. Ang trajectory ay tuluyang pagpapaubaya sa dayuhang mga kapitalista.
Kaya ang tanong: bakit pirming agresibo sa pagsusulong ng Cha-Cha ang mga proponents nito? Paano pagkakatiwalaan ng publiko ang motibo nilang mga atat na atat na baguhin ang Saligang-Batas?Para saan at kaninong interes ang isusulong na Charter change?
Hindi umano naisulat ang 1987 Constitution batay sa konsepto ng gobalisadong mundo. Ito ang dahilan ng mga nagsusulong nito kaya nais nilang magkaroon ng panibagong economic provisions na aakma umano sa kasalukuyang panahon.
Anila, maraming restrictions o balakid ang kasalukuyang Saligang-Batas in terms of foreign investments o dayuhang pamumuhunan; na may mga probisyon na mahigpit na tumututol sa dayuhang kapital na siya umanong balakid sa tuluyang paglago ng ekonomiya.
Hello, napag-aralan kayang mabuti ng mga nagtutulak nito ang mga probisyon na nais nilang palitan? May sustansiya kaya ang bagong probisyon na nais naman nilang isingit o baguhin?
Linawin natin ang sinasabing restrictive economy.
Kung magbabalik tanaw tayo, hindi lingid sa atin na halos lahat ng nagdaang presidente ay nangtangkang baguhin ang Saligang-Batas hindi para sa economic provisions nito kundi para mapanatili ang kapit sa puwesto. Kunsabagay, intertwined ang political sa economic.
Ang totoo, hindi nakatuon sa pagkakamit ng pang-ekonomiya at panlipunang kagalingan ang madalas na pagtatangka para baguhin ang Saligang-Batas. Ang obsession lang nila talaga ay manatili sa puwesto, maging kapit-tuko sa kapangyarihan.
Kasi kung usapin ng restrictive economy, sa totoo lang ay matagal nang bukas sa dayuhan ang ating pambansang ekonomiya. Katunayan, isa sa pinakamaluwag sa dayuhang pamumuhunan ang gobyerno ng Pilipinas, Kahit noong kaka-implement pa lang ng 1987 Constitution, sunod-sunod na mga batas ang isinulong pabor sa mga dayuhan, altogether dismissing most nationalist and protectionist provisions of the Constitution.
Sinasabing may dalawang ganansiya ang kasalukuyang gobyerno sa Cha-cha. Maaari nitong magawan ng paraan na makapanatili sa poder o tinatawag na term extension. Pangalawa, mabubuksan nang todo ang ekonomiya sa dayuhan at pribadong negosyo na labis na ikatutuwa ng malalaking negosyante at ng US. Ang ibayong pagbuyangyang ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan ay maari rin banta sa pambansang seguridad.
Kapalit din ng pagbubukas ng ekonomiya ay ang pagpapalakas ng industriya ng US. Ayon sa mga political analysts, maaaring istratehiya rin ito ng kasalukuyang administrasyon upang maging immune na sa mga kasong nakasampa sa kanya at ng kanyang pamilya.
Sa gitna ng mainit na usapin sa Cha-cha, napag-uusapan ba ang lumalalang implasyon? Ang halos 70 kada kilo na ng bigas? Ang nakakawala ng pag-asa na mataas na unemployment? Ang hindi istabilisadong presyo ng basic utilities gaya ng tubig at kuryente? Naisip ba nilang ratsadahin din ang mga panukalang batas na tumutukoy sa pag-aangat ng kabuhayan ng mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan? Nag-iikot ang mga proponents ng Cha-cha at umano ay namimigay ng pera kapalit ng pirma, naaalala na lang ba nila ang aping taumbayan tuwing nais nila ng pansariling alwan at kapakinabangan?
May konsensus ang mga tutol naman sa Cha-cha na ikampanya din ang tinawag nilang “Bawi-Pirma” upang tutulan ang pagkakahati-hati, walang maidudulot na mabuti at maliwanag na pagpapalawig lang ng termino ng mga nasa kapangyarihan. Hahamunin din nila sa korte ang anumang paggigiit na baguhin ang Saligang-Batas.
Ang pambansang interes, kailan nga ba magiging sentro sa agenda ng pamahalaang tila nasilaw na sa dayuhang iskema?