Barangay: Breeding ground ng korupsyon

MAHALAGANG araw kahapon, Oktubre 30,  ng introspection o pagmumuni-muni at pagsisiyasat  sa komplikadong relasyon natin sa ating batayang yunit ng pamahalaan, ang barangay.

Komplikado dahil madalas,  dito sa barangay level  mas agresibo  o dynamic ang kagawiang pangungulimbat, at ang dahilan ay systemic at madalas na nakaugat sa impluwensiya na rin ng mas nakatataas na level ng panunungkulan o pamamahala. 

Ibig sabihin, may mga kamay sa municipal level, gubernatorial level hanggang sa kataas-taasang bahagi ang may kumpas sa kaganapan at magaganap sa barangay at maging sa Sangguniang Kabataan. 

Oo, ang kandidatura sa barangay level ay madalas na itinatakda hindi ng mga  botante  kundi ng mga incumbent. Ang swerte lang ng sinumang kandidato na  di kilala, neophyte,  walang kapit, indipendiente at walang pera– na maisama sa mananalo. Tanging  kung landslide ang makuha niyang boto maari lamang siya mapasama sa lalabas na panalo. Kung anong mahika ang pinapagana sa halalan sa municipal, gubernatorial at presidential, walang tatalo sa hokus-pokus pagdating sa barangay level.

Ang pagtatakdang ito ay bahagi ng sistematikong plano ng mga nasa itaas na masigurong solido ang kanilang hawak sa mga chairman pagdating  naman ng takdang oras  ng eleksyon sa national level. 

Hindi naman tipong ako ay nanlalahat. Of course, may mga nahahalal sa  barangay na may totoong malasakit sa komunidad. Subalit mabibilang lamang sa daliri ang mga ganitong klase ng mga opisyal. Karaniwan sa kanila, ang pokus ay magkaroon ng kapangyarihan. At pera. 

Maaring sa unang mga buwan ng panunungkulan ay may sarili pang paninindigan  ang isang opisyal  kontra anomalya. Subalit di nagtatagal, kapag nag-umpisa na siyang i-isolate ng mga kasama, siguradong bibigay din yan sa pressure ng pakikisama sa sistema.  Teamwork madalas sa trabaho, teamwork din sa pangungulimbat. 

Bakit sa palagay ninyo nagpapatayan sa halalang ito? Validated  ng pulisya ang mga karahasan tuwing eleksyon at madalas pinakamarahas ang barangay level. Bakit sa palagay ninyo worth killing for ang ganitong halalan? Bakit nag-uubusan ng pera na madalas ay galing sa utang? Bakit tila importanteng mamuhunan sa boto ng mga tao? Mamudmod ng libu-libo at kung-anu-ano? 

Dahil alam nilang pagkaupo nila magsisimula na ang “ROI” o return of investment. Dahil unang hagdan sa kanilang personal na kaunlaran ang pagkakaroon ng puwesto. Oo, kahit sa barangay level lamang. 

Hindi haka-haka itong mga sinadabi ko. On record, may naitalang 89  bilang ng mga kapitan ang nasuspinde  dahil sa iregularidad sa distribusyon ng cash aid sa panahon ng pandemya.

Noong Mayo 2021,  pinagtibay ng Sandiganbayan ang hatol ng korupsyon sa isang chairman ng barangay sa Maynila  dahil sa pagkuha ng personal na loan o pautamg sa ngalan ng kanyang barangay. Utang niyang personal pero barangay ang isinangkalang magbayad. San ka nakakita ng ganyang kakapal na pagmumukha ng isang itinuturing na public servant? 

Marami pang ibang katulad na kaso  mula Luzon hanggang Mindanao ang sangkot sa dokumentadong mga iregularidad, abuso sa kapangyarihan, padded na presyo ng mga supply, ghost projects at kung anu-ano pa. Napag-alaman na ipinapasa ng mga tserman ng barangay ang istilo ng korapsyon sa Sangguniang Kabataan sa pamamagitan ng burukratikong pagtatakip sa isa’t isa sa usapin ng mga maanomalyang transaksiyon. 

Nakakalungkot na ang gawaing ito ay nagpapatuloy dahil sa lumang sistema ng cover-up at padrino at maruming kalakaran sa paggogobyerno. 

Sa ilalim ng Local Government Code, isinasaad na “the barangay serves as the primary planning and implementing unit of government policies, plans, programs, projects and activities in the community, and as a forum wherein  the collective views of the people may be expressed, crystallized and considered and where disputes may be amicably settled.”

Therefore, una nating takbuhan sa mga gusot ang barangay. Kung  hindi competent at effective ang ating mga ihahalal, maasahan ba natin na makakamit ang hustisya? Magiging patas ba ang batas sa barangay?

Magkakaroon ba ng social justice at pag-aaruga sa mga di pinalad sa buhay kung ang dapat na social services fund ay napupunta lamang sa bulsa ng mga korap na barangay officials?  

Sana ay natuto na ang mga botante at bumoto ng karapat dapat. Hanggang “wish” na lang tayo lagi sa klase ng opisyales na naluloklok. Subalit ang crucial, ay kung ang mga inaakala  rin nating mga karapat-dapat ay manindigan talaga para sa ikabubuti ng pamayanan at ikauunlad ng bayan.