LAST day ng filing ng certificate of candidacy ngayong araw. At dahil Pilipino tayo, tiyak ngayong araw magsisiksikan ang mga kandidato sa Comelec.
Ang mga major players – Lacson-Sotto, Isko-Willie, Pacquiao-Atienza, Marcos at Robredo – ay tapos na at handa na sila sa bakbakan.
Maging sa mga senador ay halos lahat ng mga datihan ay naipasa na ang COC pati na rin yung mga laging talunan na mga kandidato na paulit ulit sumasabak.
Pero napansin ko lang, wala pa akong nakitang partido na nagprisinta ng isang kumpletong line-up ng kandidato nila.
Yun bang may presidente, bise presidente, 12-senador, kumpletong congressmen/women, governor at bise, mayor at bise.
Yung pinakamalaking partido, ang PDP-Laban walang pangulo at anim o pito lang ang senador. Sa laki nila, wala silang makitang talents para sa mga posisyong ito sa buong bansa?
LP, Lakas, PMP, o anumang partido pa yan, walang nagdedeklara ng kumpletong line up.
Nauso kasi yung guest candidates, so medyo parang tamad ang dating ng mga partido sa pagbuo ng line up nila.
Sobrang busy sa pagpapanalo ng presidente dahil sigurado naman na yung partido ng mananalo ay babahain ng mga butterfly politicians after elections.
Pero isang dahilan ito kaya ang hirap itulak ng programang pag-unlad at reporma, kasi hindi naman talaga sila mga kaalyado at alliance of convenience lang nung eleksiyon.
Pag tapos na ang eleksyon, balik na sa sariling agenda na madalas ay kontra sa programa ng pangulong nanalo. Resulta? Wala?
Ang tamad ng mga partido natin. Wala kasing proseso sa pagpili ng kandidato tulad ng primaries. Basta sikat, may pera, o may political genes, sila na yun.
Ito ang resulta ng multi-party system. Sa dami ng partido ang hirap bumuo ng line-up na pwedeng sundan ng botante nang minsanan.
Idagdag mo pa na maraming politiko na sobrang makasarili na pag hindi bida sa partido, gagawa o lilipat ng party.
Sobrang disorganized ng political scenario sa bansa natin, parang sabi nga sa Bisaya ang istilo natin ay bara-bara bai!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]