Band aid solution tuwing kalamidad itigil na!

AYUDA ang kagyat na sagot ng pamahalaan tuwing may kalamidad na nagagaganap gaya ng katatapos na pagsalanta ng bagyong Kristine.

 Bumaha tuloy sa social media ang patutsada ng netizens na  ang Pinas ay mistulang  Republika ng Ayuda.

 “Pagod na kaming maging resilient. Ang kailangan namin ay accountability.” Iyan naman ang deklarasyon ng isang militanteng grupo sa Facebook na kinabibilangan ng mga aktibista ng Dekada ’80.

Pansamantalang solusyon ang ayuda, alam natin lahat iyan. Ang long-term na solusyon ay nasa kamay rin ng pamahalaan at ng taumbayan. Mali ang kaisipan ng ilan na ayos lang mabaha dahil mayroon silang matatanggap na ayuda.

Hindi dapat ikatuwa ang ilang plastic bag na naglalaman ng pantawid-gutom.

Once and for all, hingin ang ayuda (galing sa kaban ng bayan ‘yan na nabili sa pamamagitan ng taxpayer’s money at hindi mula sa bulsa ng pulitiko), ngunit higit sa anuman, igiit ang accountability. May obligasyon ang gobyerno na protektahan ang kanyang mga mamamayan sa ilalim ng doctrine of parens patriae.

Hindi lingid sa atin na karaniwang nagmamay-ari ng mayayamang korporasyon na sangkot sa pagkasira ng ating gubat, minahan, kalupaan at maging mga karagatan ay mga opisyal ng pamahaaan na inihalal natin sa pag-aakalang sila ang magsasalba sa atin mula sa sakuna.

Gobernador, alkalde, bise-alkalde, senador at kongresista ang kumokontrol sa malalaking korporasyon na naninira  sa ating mga likas-yaman. Habang matibay na mga mansion ng mga pulitiko sa mga ekslusibong subdibisyon ang ligtas sa hagupit ng kalamidad,  ang mga mumunting kabahayan ay dagliang nililipad ng hangin at iniaanod ng malalakas na  pagbaha: isang literal na larawan ng di pagkapantay-pantay sa  estado ng buhay at panlipunang hustisya.  

Ngunit nananatiling bulag ang ating mga mata tuwing eleksyon. Sila pa rin ang ating ibinoboto. Agresibong kontribyutor tayo sa  nararanasan nating delubyo.

Hindi talaga  sapat ang kahandaan ng gobyerno (national at local level) upang harapin ang krisis sa klima at kalikasan. Lip service ang mga press release ng public information offices ng maraming bayan na sila ay tumutugon sa panawagan na pangalagaan ang kalikasan. Masakit ang katotohanang napapatahimik sila ng kaunting pabor mula sa mga negosyanteng ito. Mas pinapaboran ang interes ng mga negosyanteng nais tumbao ng kita kahit pa ikapahamak ng mga kabundukan at mga komunidad na nananahan dito.

“Totoong may kakayahang bumangon ang Pilipino sa krisis. Subalit ang gusto natin ay di dapat dumadapa ang kabahayan at kabuhayan ng marami dahil kulang ang kahandaan ng pamahalaan sa disaster management, dahil di pantay ang distribusyon ng oportunidad sa ekonomiya, at dahil pira-pirasong programa sa ayuda lamamg ang alam (ihain) ng mga namumuno,” pahayan ni Dean Rene Ofreneo, dating dekano ng UP Solair at ngayon ay first nominee ng ARISE/BANGON  Partylist.

“Matagal na naming ipinanawagan  na ang maayos na kinabukasan ng lahing Pilipino ay nakasalalay sa pagtataguyod ng pang-ekonomiyang kaunlaran para sa lahat, panlipunang proteksyon, proteksyong pang kalikakasan at kahandaan para sa lahat sa panahon ng kalamidad. Dapat mapanatili ang inklusibo, sustenable at may kapasidad na mga komunidad,” dagdag pa ng dekano.

Pinangunahan ng ARISE, sa pamamagitan ni Dean Ofreneo, ang malawakang reforestation ng kagubatan ng Sorsogon. Matibay na panangga sa mga pagbabaha ang pagtatanim ng mga punongkahoy sa kalbong kagubatan.

Sa usapin ng pagtugon sa pagbaha, naniniwala ang partido ni Ofreneo na  “Filipinos deserve better, the government can do better.”

Meantime, magpapatuloy ang nakapanlulumong sitwasyon tuwing baha  at ang  siklo ng ayuda hanggat hindi natin sinisingil ang mga totoong mga salarin.

Alam natin kung sino sila.