Magandang araw mga Pinoy idols saan mang panig ng mundo, sana okay lahat kayo.
Ito po ang unang piyesa ko sa Publiko at natutuwa ako dahil meron na akong paglalagakan ng mga bagay na umiikot sa utak ko.
May magtatanong dyan, bakit Free Spits? Anong ibig sabihin nito?
Sa Filipino, ang Free Spits ay “libreng laway” ang ibig sabihin. Inaalaska lang nito ang paboritong sigaw ng mga militante sa bansa natin ang “Free Speech” na kasabay ng Human Rights.
Bakit ko aalaskahin ang isang napakaimportanteng bahagi ng ating demokrasya at kalayaan, itatanong ninyo?
Dahil madalas, kailangan na nating tingnan mula sa ibang perspective ang mga nagaganap sa bansa natin.
Sa mahigit 100 taon ng kalayaan natin, hindi pa rin natin nakakamit ang estado ng mga bansang nauna pa tayo.
Panay tayo free spits, human rights, political equality at kung anu-ano pang salitang banyaga na hindi natin maintindihan pero gustong-gusto nating gamitin at pakinggan.
Ano na nga ba ang naidulot sa atin nito? Yung mga NPA na walang habas pumatay ng kapwa Pilipino, sumisigaw din yun ng Free Speech at Human Rights.
Pero ano nga ba ang ginagawa nila? Free Spits at Human Wrong diba?
Yung mga oposisyon, ngayon man o nakaraang administrasyon, na walang ginawa kundi kumontra, kasi Free Speech at Human Rights daw yun.
Pero ano ang labas, libreng laway rin, hindi ba?
Yung mga nakaupo na politiko at opisyal, panay rin ang dakdak tungkol sa mga nagawa nila, minsan meron, pero madalas Free Spits pa rin.
Kaya ‘yan na lang ang tatalakayin ko linggo-linggo, yung Free Spits nila na walang awang pinapaliguan ang taongbayan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]