SA totoo lang, I have avoided television and social media in the past few days because of the raging news reports na sobrang nakakadismaya.
I vowed to myself to just focus on consumer issues, na siya naman talagang assignment ko sa column na ito.
Yet here I am about to go political.
Commentary ang articles ko and I can’t help but share my take on these raging issues. Kahit halos ayaw tumipa ang mga kamay ko sa keyboard dahil nauuna ang emotional stress na sanhi ng nakakawindang na mga pangyayari lately.
Politicians make their fortune in politics. There- I said it matter-of-factly.
Sabihin na natin na it is an “honest graft.” Ha? Mayroon ba nito?
Pasintabi, pero ito lang ang naisip ko na termino. Kasi naman may oportunidad sila to make money out of their elected position.
Ang mga politiko ay mga empleyado natin.
Oo, tayong mga tao. Tayo ang nagbigay sa kanila ng trabaho.
We hired them and they work for us, the people. Binigyan natin sila ng trabaho sa pamamagitan ng pagboto sa kanila. Pinapasuweldo natin sila through the taxes we pay, bilang kompensasyon sa mga serbisyong inihahatid nila sa atin bilang mga mamamayan.
Subalit binigyan natin sila ng trabaho sa paniwala na kilala natin kung sino sila na ating mga ibinoto, at naniwala tayong alam nila ang kanilang mga trabaho o responsibilidad bilang mga halal na public officials. Napakahalaga kasi nito sa pagsusulong ng malusog na demokrasya at masinop na pamamahala sa gobyerno.
Masinop in the sense na responsable sila sa pagtitiyak na ang interes ng publiko ang mamamayani.
Ang nakakabahala, ang peligro na madalas ay ang napipili nating ihalal ay mga public officials na hindi propesyonal, hindi ethical, may maiksing pisi, may problema sa anger management, magaling sa scriptwriting, may mga pansariling plano, sobrang bilib sa sarili, may masamang intensyon sa sariling gobyerno.
Masakit na una nilang kukunin ang ating loob sa gawa-gawang pagmamalasakit, at eventually ay ipagkakanulo ang pambansang interes.
Biktima tayo ng ating sariling gobyerno. Ng mga public officials na itinalaga natin upang mangalaga sa ating bansa. Ang bangayan nila, na nagsimula sa simpleng mga biruan daw, na nauwi sa pikunan at seryosong mga akusasyon ng korapsyon, pagpatay at kung anu-ano pang karumal-dumal na mga gawa ay talagang nakakabahala. Tayo ang tumatanggap sa araw araw na banta sa ating pambansang seguridad.
Bakit nga ba hindi? Nakaabang ang Tsina at Amerika at hindi malayong mag-take advantage o samatalahin ang senaryo upang imanipula ang lider ng bawat paksyon.
At ang ating mga mamamayan, sila ang talagang naipit sa gera ng ating matataas na pinuno ng bansa. Malawak na ang dibisyon o pagkahati-hati sa social media. Malawak ang disinformation at muling sumulpot ang mga online trolls. Sinasamantala nila ang senaryo upang lalong pagliyabin ang galit sa puso ng nag-aaway na mga lider. Ang worse, may ikinakalat pang namumumuong gera ng Pilipino sa kapwa Pilipino.
Ito ang konsepto nila ng Unity?
Maliwanag na mas inuuna nila ang mga personal na hidwaan kesa sa pambansang interes. Mahalaga talaga sanang masuri bago ihalal ang mga taong nais nating mamuno sa atin. Hindi tayo dapat naghahalal batay sa pangalan, dinastiya o personal na pabor.
Matututo pa ba ang Pilipino sa mga misplaced choices nito sa paghahalal ng kapita-pitagang mga pinuno ng bansa?