ANO kaya ang nangyayari ngayon sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines?
Tahimik sila sa detalye ng pagsalakay ng China Coast Guard sa rotation at resupply (Ro-re) mission ng Philippine Navy, Lunes, June 17.
Sa report ng ABS-CBN, sinabi ng source na binangga ng China Coast Guard (CCG) ang isang Rigid Hull Inflatable Boat (RHIB) natin, sinalakay ang mga Pinoy sailor at nagpambuno sila.
Ayon naman sa GMA News, pitong Navy natin ang nasaktan, isa natagpasan daw ng isang daliri, sinamsam ang walong high-powered firearms at binutas ang isang RHIB.
Sa hiwalay na source ng Kapuso network, apat na RHIB ang hinostage ng CCG at pinakawalan matapos ang negosasyon.
Sabi naman ng una nilang source, anim na vessels ang pinakawalan ng AFP mula sa iba-ibang lugar at pinaniniwalaang nag-trigger sa CCG para maging agresibo.
Hindi tulad ng mga unang Ro-re mission, ang huling mission ay pinangunahan ng AFP at nakaalalay lang daw ang Philippines Coast Guard (PCG).
Sagot ng AFP, hindi nila idi-dignify ang misleading claims ng China.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, ang main issue ay ang illegal presence ng Chinese vessels sa Philippines Exclusive Economic Zone (EEZ), na totoo naman.
Dagdag ni Trinidad, hindi nila ilalatag ang detalye ng kanilang operasyon sa legal humanitarian rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal.
Naninindigan si Trinidad na ang patuloy na aggressive action ng CCG personnel ang nagpapalala ng tension sa rehiyon, na totoo pa rin, plus ang pag-eksena ng Amerika.
Pahayag naman ni PCG Spokesperson, Commodore Jay Tarriela, ang Ro-re ay sadyang military operation. Hiningi ang tulong ng PCG para magsagawa ng medical evaluation ng mga nasaktang sundalo.
Nakakapanibago lang kasi.
Ibinida ni Marcos Jr ang policy ng transparency sa nangyayari sa West Philippines Sea.
Hindi natin tinitira ang AFP.
Dapat anuman ang nangyayari, magkaisa tayo at suportahan natin sila, ikanga, through thick and thin.
Diskarte nila ang manahimik. E di wow.
Napansin nyo rin ba na walang kasamang media ang AFP sa latest Ro-re mission at taktikang lituhin ang kaaway sa sorpresang pagsulpot mula sa iba-ibang posisyon? O may media rin ba. pero sikreto ring nag-shoot?
Pero palagay ko, may mga cctv camera ang mga sundalo natin para may ebidensya kung sakali, at sana meron nga.Pero hindi maiaalis ng AFP na paulanan sila ng batikos ng taumbayan.
Dahil sa secrecy nila, hindi maiiwasan ang sari-saring speculations.
Kaya ako, magtatanong na lang muna:
Testing the water ba ang kakaibang operasyong ito ng AFP?
Sinadya ba ito ng AFP para gulatin ang China? Na atin ang West Philippines Sea.
Hindi uubra ang bago nilang anti-trespassing law, kaya ipagtatanggol natin ang ating sovereignty at sovereign rights sa WPS?
Paawa effect ba ito sa mata ng buong mundo bilang taktika, kumbaga active defense, para makakuha ng international support at lalo pang ma-isolate ang China sa buong mundo?
O, maraming sablay sa operasyon kaya hindi nila maidedetalye?
Kasama ba nila ang ilang high-ranking official ng DND o AFP para direktang masaksihan ang operasyon ng AFP at galawan ng China?
Nakakasa ba ang buong Western Command sa operasyon sakaling tumindi pa ang insidente?
Alam at aprub ba ni Marcos Jr ang naging operation ng AFP pati ang hindi pagiging transparent?
May pangengealam ba rito ang US?
Sa bandang huli, bigo silang makapagpalit ng tauhan at magdala ng supply na pagkain at basic needs sa BRP Sierra Madre.
Para sa akin, mas cool pa rin kung transparent ang operation nila para napapanood ng taumbayan at susuportahan sila.
Pwera lang talaga kung may ibang gustong mangyari at patunayan ang AFP at DND.