Anong plano sa sahod, contractualization at labor export?

MAGANDANG balita na aprub kay Marcos Jr. ang Labor and Employment Plan (LEP) matapos ang sectoral meeting kahapon, Martes, August 15.

Target nitong masolusyunan ang problema ng unemployment at underemployment.

Binuo ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasama ang labor leaders at employers’ groups sa high-level discussions ng National Tripartite Industrial Peace Council sa Luxent Hotel sa Quezon City noong June 23.

Paliwanag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa usapan nila ni Marcos Jr,  may tatlong priorities ang LEP.

Kasama riyan ang “tuloy-tuloy na job opportunities, paggalang sa lahat ng karapatan sa paggawa, international labor laws at human rights; at social protection para sa lahat.

Kung titingnan, maganda naman pero ano ang specific na laman ng priorities na yan?

Yan ang posibleng pag-usapan ng national tripartite conference sa itatakdang employment summit sa September.

Tatlong bagay na sana ay maisakatuparan ng LEP na yan:

Mataaas na sahod, pagbuwag sa contractualization at pagtigil sa labor export ng OFWs.

Una: Sahod.

Sa June tripartite meet, ni-raise ng labor representatives ang pangamba nila sa modernization ng wage-setting policy mechanism at pagkaantala sa proseso ng mga kaso.

Sagot dyan ni Labor Undersecretary Benedicto Bitonio, kailangan na ng malalimang pagrepaso at pag-aaral sa epekto ng mga umiiral na regulasyon sa sahod.

Tama namang repasuhin at baguhin ang mga patakaran sa pagtatakda ng umento sa sahod ng private workers.

Isa na riyan ang sistema ng decision making sa kamay ng regional wage boards.

Mga negosyante ang nakikinabang dyan dahil mas mababa ang minimum wage sa probinsya kesa sa National Capital Region (NCR).

Reklamo ng mga manggagawa sa probinsya, pare-pareho namang mataas ang presyo ng mga bilihin.

Lalo na ang mga kailangang produkto o serbisyo na wala sa ibang lalawigan pero matatagpuan sa NCR at ibang probinsya.

Pangalawa.

Bukod sa mababang sahod, dapat wakasan na ang isa pang pangit na mukha ng modern slavery: ang contractualization.

Sa presidential campaign noong March, 2022, sinabi ni Marcos Jr. na pag-aaralan ang problema pag nanalo siya.

Ito ang eksaktong sinabi ni Marcos Jr. sa One PH:

“Kung sakali man na makaupo ako ay babalikan natin titingnan natin, ayusin natin para — tama nga naman na it applies only to those businesses that are not seasonal.”

Sa study ni Olivia Fisher ng Salve Regina University, “Exposing ENDO: Labor Abuse and Exploitation on Contractual Workers in the Philippines” na inilabas nitong April 28, 2023,  24.3 porsyento o higit isa sa bawat limang manggagawa sa pribadong sektor ay contractual noong 2020.

Sa pag-aaaral, ang Labor Code of the Philippines (LCP) noong 1974 sa ilalim ng martial law ng pumanaw na diktador na si Marcos Sr., ang nagpasimula ng contractualization sa Pilipinas.

Tinukoy rin sa study na sa Article 281 ng LCP na ipinatutupad ng Presidential Decree 442, kailangan magtrabaho muna ng anim na buwan ang isang manggagawa bago makatanggap ng social security, annual leaves at health benefits.

Dyan pa lang, makikita na ang sobrang pang-aabuso sa mga manggagawa at malinaw na pinapaboran ang mga mapagsamantalang kapitalista.

Walang presidente ng Pilipinas ang naglakas-loob na buwagin ang sistemang contractualization. 

Timing na sana ang administrasyon ng pumanaw na si President Cory na ipawalang-bisa ito dahil kababalik ng demokrasya sa Pilipinas.

Pero syempre hindi ito maaasahan dahil ang mga Cojuangco hanggang kay PNoy ay mga haciendero at mismong sila ay hindi isinuko ang malaking lupain nila sa mga magsasaka at nangyari nga ang Mendiola massacre at Hacienda Luisita massacre.

Inilantad din ng kasaysayan ang kasumpa-sumpang panloloko ni Duterte sa presidential campaign nang nangakong tatapusin niya ang contractualization pag siya ay naupo sa Palasyo. 

Hindi lang siya nanloko, nagpapatay rin si Duterte ng libo-libong mahihirap na mga inosenteng manggagawa at pamilya sa kanyang war on drugs.

Ikatlo at panghuling punto:

Labor export.

Sabi ni Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA), “It is our wish that one day foreign employment will be driven by choice, not by necessity.”

Sounds familiar at paso. Yan din ang pusisyon ni Duterte noon.

Kung seryoso si Marcos Jr dyan, dapat naka-integrate yan sa LEP at kasali ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagpaplano para ma-incorporate ang mga unti-unting hakbang o paraan para mahikayat ang mga Pinoy na magtrabaho sa Pilipinas imbes sa abroad.

Pero sa ngayon, ipino-promote pa ng gobyerno ang mas maraming deployment ng OFWs.

Ibinida pa nga ni Marcos Jr sa SONA 2023 na lutas na ang deployment issue sa Saudi.

Meron na raw pinadalang 70,000 OFWs doon at may mahigit 50,000 ang nakasampa nang seamen sa European Union Ships.

Pero ang mga balita nang pang-aabuso sa mga OFW ay paulit-ulit lang kaya ang responde ng gobyerno ay routinary, obserbasyon ng mamamahayag na si Michael Beltran sa kanyang komentaryo sa Channel New Asia nitong August 14.

Actions speak louder than words.

Tama ang pagtingin ni Beltran: ang OFW deployment ay hindi solusyon, kundi sintomas ng problema.

Kung ang pagbabasehan ay ang tinakbo ng OFW issue sa unang taon ni Marcos Jr at ang Labor and Employment Plan, ang pagbubuo ng DMW ay nagpaparamdam na  institutionalization lang ng labor export policy.

Ganunpaman, hoping against hope, magpapakita ng genuine at concrete efforts si Marcos, ang DoLE, DMW at iba pang kaugnay na ahensya, na papaboran ang kapakanan ng mga manggagawa para sa mas competitive na sahod at regular na trabaho dito sa Pilipinas at hindi sa ibang bansa.