LUMALAKAS ang tinig ng publiko para i-abolish ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM). Ito ay bago pa pumutok ang kontrobersyal na procurement na P2.4 bilyong halaga ng mamahalin pero “outdated” umanong mga laptop.
Isa lang ang procurement para sa DepEd sa maraming kontrobersyal na procurement o pagbili ng mga suplay para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na noon pang mga nakaraang administrasyon ay lumikha ng apoy na sa di malamang kadahilanan ay agad din naman naaapula, pero wala sa memorya ng publiko kung ang mga kontrobersyang ito ay naresolba o itinuring na lamang na unending at unsolved mysteries sa masalimuot na mundo ng pamamahalang may kinikilalang sistema ng “SOP” o sa lengguwaheng kanto ay “nakagisnang kalakaran.”
Nakakabigla pa ba ang paglalahad ng isang mambabatas na ang procurement office ng DBM umano ay ginagamit na linya para sa mga bulsa ng korap na opisyales ng pamahalaan?
Ang Procurement Service ay attached agency ng DBM na may dalawang tungkulin. Una, ito ang umaaktong ahente ng mga ahensiya ng gobyerno sa pamimili ng karaniwang suplay, kagamitan at materyales para sa operasyon ng mga naturang opisina. Para sa layunin na ito, nagreremit ng paunang badyet sa PS ang mga ahensya. Nasa pangangalaga ng PS-DBM ang mga pondong ito ng mga ahensiya.
Gumagampan din ng tungkulin ang PS-DBM bilang ‘trading arm’ ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbili ng bulto-bultong mga suplay, materyales at kagamitan na siya rin nitong muling itinitinda sa iba pang ahensiya ng gobyerno. Para sa mga iniimbak nitong suplay, materyales at kagamitan, mayroong inilalaan na badyet sa halagang P3 milyonkada “regional depot” sa ilalim ng Executive Order 359.
Ang layunin ng dalawang tungkulin ng PS ay upang mapababa ang gastusin ng gobyerno at mas masinop na pagbili ng mga kailangan nitong materyales at gamit para sa operasyon. Naipapatupad ang tungkulin na ito ng PS sa pamamagitan ng Philippine Government Electronic Procurement System of PhilGEPS.
Nakabatay din sa mandato ng ating Saligang Batas ang dual function ng PS-DBM. Sinasabi ng ating Konstitusyon na walang anumang batas na ipapasa na pumapayag sa paglilipat ng nakatalagang badyet o appropriations. Subalit sa ating Konstitusyon ay nakasaad na ang Presidente, ang Pangulo ng Senado, ang House Speaker, ang Pinunong Mahistrado at mga namumuno ng Constitutional Commissions ay maaaring, “by law, be authorized to augment any item in the general appropriations law for their respective offices from savings in other items of their respective appropriations.”
Ipinagbabawal din ng ating kodigo penal ang technical malversation, o paggamit ng pondo kahit para sa publikong layunin kung ito ay may naunang proyektong napaglaanan ng naturang pondo.
Naunang inimbestigahan ng Senado ang umano ay maanomalyang pagbili ng face masks at face shields ng PS-DBM. Ito ay matapos tawagin ng pansin ng Commission on Audit (COA) ang Department of Health na umano ay gumastos ng P42 bilyon mula sa kanyang budgetary appropriations fund. Walang mandato ang DOH na bumili ng face masks at faceshields para ibenta o ikalakal at pagkakitaan. Ang mandato ng DOH ay gamitin ang P42 bilyon para sa distribusyon ng face masks at face shields at protektahan ang mga ospital at clinic.
Sumunod na tinawagan ng pansin ng COA ang DepEd na gumastos para sa overpriced at outdated umanong mga laptop. Pero nauna rito ay ang samut-saring serye ng mga kontrobersiya kaugnay sa procurement noong panahon ng pandemya at maging bago pa magpandemya. Namumutiktik sa akusayon ng korupsiyon ang naturang ahensiya.
Naririyan din ang doble-doble umanong alokasyon ng ibang ahensiya na bagamat napondohan na ay hindi pa rin napapakinabangan dahil inabot na ng maraming taon ay hindi pa ito naihahatid sa tamang mga ahensiya. At dahil sa tingin ng ilang mambabatas ay pagmamalabis na ang ganitong kalakaran, ipinanawagan ang abolisyon ng PS-DBM at ang Philippine International Trading Corporation (PITC) sa pamamagitan ng paghahain ng mga panukalang batas bilang 1122 at 1123, noon pang nakaraang 18th Congress.
Mismong si Senador Imee Marcos ay nagpahayag ng pagkadismaya. “Ang dalawang ahensiyang ito ay itinatag ng aking ama (dating Ferdinand Marcos) noong dekada ’70. Subalit nawalan na ng saysay at gamit ang mga ito; katunayan, naging ahensya ng pagkakasala at korapsiyon ang mga ito,” pahayag ni Marcos.
Samantala, ayon sa mambabatas, ginawang repository o lagakan ng “unobligated funds” ng mga ahensiya ng gobyerno ang PITC, kung saan nagagawang iwasan na maibalik ang ilang bahagi ng di nagamit na pondo sa national treasury sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito bilang bonuses sa pagtatapos ng kada taon.
Hinahanapan na ng COA ang PITC sa halos P34 bilyong di nagagamit na pondo mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang na ang pagbili ng firetrucks at military supplies na hanggang ngayon ay hindi pa nade-deliver umano matapos ang mula anim hanggang walong taon, “kahit pa nasa alituntunin ng GPRA na kailangang makumpleto ito dapat sa loob ng 136 na araw.”
Daluyan ng pera ang PS-DBM. Marapat na itaguyod nito ang pagiging bukas o transparent at mahinahong pagtalima sa audit trail ng COA at imbestigasyon ng Senado.
Karapatan ng publiko na busisihin ang mga transaksyon ng mga ahensiya ng gobyerno. Sa pagiging accountable nag uumpisa ang responsibilidad ng bawat public employee sa publikong kanyang pinaglilingkuran. After all, public office is a public trust. Ituring dapat ng PS-DBM na warning sign ang kahilingang i-abolish ito at tuluyang tanggalan ng gawain.
Hindi pa naman huli ang lahat para sa accountability at transparency.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]