Noong nakaraang linggo ay kagyat nating tinalakay ang issue sa Kalayaan Island Group (KIG), South China Sea/West Philippine Sea (hindi pa kasama dyan ang pagdukwang ng Tsina sa Scarborough Shoal) at ang mabilis na pagtatayo/pag garrison ng Tsina sa mga reef at shoal na atin din inaangkin kasama na ang Mischief Reef.
Pero bago ang lahat gusto ko munang magpalutang ng isang trivia tungkol sa KIG.
Alam nýo ba na ang KIG ay atin lamang inangkin bilang parte ng ating teritoryo noon lamang 1978 sa pamamagitan ng Presidential Decree 1596 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bagama’t noong pang dekada 50 ito nadiskubre ng marinong si Tomas Cloma na siyang founder ng Philippine Maritime Institute (PMI)?
Ang dikretong ito ni Marcos ang naging basehan ng administrasyon ni PNoy upang idulog ang encroachment ng Tsina sa Permanent Court of Arbitration on South China Sea noong 2012.
Ang pagdala ni PNoy sa korte ay hindi ikinatuwa ng Tsina lalo na nang magdesisyon ang arbitral tribunal laban sa nine-dash line. Inangkin nila ang Scarborough shoal na tinatawag nating Panatag Shoal at ang mga sumunod na pangyayari ay siyang laman ng mga angasan, este debate, ngayon sa pagitan ng administrasyon at oposisyon.
At dahil maikli lang ang aking espasyo, hayaan nýong ilatag ko lang ang dalawang isyu — ang Post Digong South China Sea at ang potentsyal na yaman ng Reed Bank o Recto Bank.
Sa ngayon kasi ay nagbigay na ang Department of Energy ng go-signal upang i-explore ang Recto Bank na hinihinalang may malaking deposito ng langis at natural gas.
Opo, malaki ang potensyal ng Recto Bank dahil tinataya ng mga oil experts na may deposito itong natural gas na 10 beses ang higit ang laki sa Malampaya sa northern Palawan, na alam naman nating malapit nang maubos.
Ang mga katabi nitong mga oil rig sa Nonoc, Galoc at Matinloc ay hindi gaanong nagbunga ng mas malaking yield.
Naging interesado ang Tsina sa Recto Bank at kinausap ang mga nakaraang administrasyon natin na makipag joint venture na lamang sa kanila na may 60-40 agreement.
Sixty ang sa atin at 40 ang sa kanila…subalit may caveat ang proposal na kung di rin lang matutuloy ang deal hindi maaaring makapag explore at makapagtayo ang Pilipinas ng oil field sa lugar.
By the way, ang Recto Bank ay halos 100 Nautical Miles lamang mula sa Palawan.
Ang proposal na JVA sa Tsina ang dilemma ni PDigong: Tatanggapin ba natin ang alok ng Tsina sa kabila ng paniniwala natin na sa atin ang Recto Bank?
Ang mga isda, iba pang yamang dagat at ang langis ang tunay na intensyon lang naman ng Tsina kaya sila nanghihimasok sa KIG.
Sabi nga ng isang eksperto — kung mayroon nga lang tayong credible na navy at air force na maaaring maging deterrent, at tunay na independent foreign policy noon pa man ay hindi mangyayari ang encroachment ng Tsina sa KIG.
Iyan din ang magiging malaking isyu sa susunod na administrasyon dahil sa paparating na pagkawala ng natural gas sa Malampaya, 20 porsiyento ng ating requirement sa kuryente ay sigurado ring mawawala.
Medyo matagal-tagal pa rin bago tayo makapagtayo ng isang credible na navy at air force na may kakayahang harangin ang mga barkong pandigma ng Tsina kaya’t isang malaking hamon sa ating mga policy makers kung tatanggapin ang alok na ito na may kagat sa labi.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]