RAMDAM sa loob ng pugad ang lungkot sa pagkamatay ng Matandang Reyna Pukyutan (Queen Bee)—parang nakakabinging katahimikan na nananatili sa mga kamaring gawa sa pagkit (beeswax). Abala pa rin ang mga manggagawang bubuyog (worker bees), pero tila may kulang.
Tahimik. Walang nag-uutos. Walang amoy ng pamumuno. Tanging mga tanong ang naiwan.
Sa gitna ng punlaan, tatlong pinakamatandang manggagawang bubuyog ang nagtipon sa harap ng silid ng Reyna Pukyutan. Mahinang pagaspas lang ang maririnig sa kanilang mga pakpak.
“Kailangan na nating magpasya,” ani Rabi, ang pinakamatandang bubuyog. Lumalagatik ang mga panga, tanda ng karanasan. “Hindi tatagal ang pugad-pukyutan nang walang reyna.”
“Magpasya?” sabat ni Kuro, ang pangalawa sa pinakamatandang bubuyog. “Hindi natin ‘yan trabaho. Kalikasan ang siyang bahala. Maglalaban-laban ang mga batang reyna—matira ang matibay.”
Tahimik na nagsalita si Tala, ang ikatlo sa bubuyog. Kalma lamang ito, pero matalinhaga kapag nagsalita.
“Binibigyan tayo ng kalikasan ng mga pagpipilian. Hindi tayo mga makinang nakaprograma. Tayo ang nahirang pumili kung aling daan ang tatahakin,” pahayag ni Tala.
Nasa harap nila ang dalawang batang reyna.
Ang una—birhen, bagong sibol, matapang pero hindi pa subok.
Ang ikalawa—napunlaan na. Mas nakatatanda, may karanasan, at handa nang mangitlog. Ngunit sugatan mula sa mga nakaraang laban.
“Handa na ang isa. May punla na. Mabuti para sa pugad,” ani Rabi.
“Pero delikado,” sagot ni Kuro. “Sugatan siya. Mahina. Kailangan natin ng lakas, hindi lang kahandaan.”
“Hindi lahat ng lakas ay kailangang makita,” ani Tala. “Sugatan man ang napunlaan, siya’y nagtagumpay. Tahimik man, ngunit matatag.”
Sa labas, paikot-ikot ang libu-libong manggagawang bubuyog, walang kamalay-malay sa nagaganap.
Sa loob, sabay na lumabas mula sa kani-kanilang silid ang dalawang batang reyna— batid ang kapalarang naghihintay.
Ang reynang birhen—bata, maliksi, kumikislap ang mga mata—pinaikad ang mga pakpak, handang sumugod. Isinilang upang lumaban o mamatay.
Ang napunlaan—mas mabagal, ngunit tiyak sa bawat kilos. Tahimik, ngunit handang harapin ang laban sa kabila ng kanyang punit na pakpak. Wala siyang balak umatake. Naghihintay lang.
“Kung nagdadalawang-isip ang napunlaan,” bulong ni Kuro, “matatalo siya.”
“Baka nga,” sagot ni Tala. “Pero hindi laging takot ang dahilan ng pag-aalinlangan. Minsan, bunga ito ng dunong at karanasan.”
Napabuntong-hininga si Rabi. “Hayaan na natin. Batas ng kalikasan ang magpasiya.”
Nagharap ang dalawang reyna.
Tumahimik ang buong pugad. Maging ang mga larba, parang natigilan.
Unang lumipad ang birhen—parang kidlat, mabilis, mapusok. Kasabay ng kagat, sipa, at panusok na kasingtulis ng espada.
Umilag ang napunlaan—isang beses. Dalawa. Tapos huminto at humarap.
Naging marahas ang sagupaan.
Nagpagulong-gulong sila sa mga silid. Sumugod muli ang birhen—mintis. Kumilos ang napunlaan—dahan-dahan ngunit tiyak.
Muling umatake ang birhen. Bahagyang nasugatan ang binti ng napunlaan.
“Mas mabilis ang birhen,” ani Kuro, may ngiting nanunuya.
“Pero hindi maingat,” puna ni Tala.
Biglang lumusob ang napunlaan. Hindi dahil sa bilis, kundi sa tamang tiyempo. Isinandal niya sa dingding ang birhen hanggang sa hindi ito makagalaw.
Nanaig ang napunlaan—hindi dahil sa lakas, kundi dahil nakita niya ang kahinaan ng kalaban.
Naglabas ng kakaibang singaw ang birhen—amoy ng galit at pangamba.
Pilit itong humulagpos—at isinaksak ang panusok sa kalaban.
Ngunit nagkamali siya.
Sa pagtusok, napatingin siya sa ibaba. Hindi agad napansin ang bigwas ng mga pakpak ng napunlaan—ang naging sanhi ng pagkapunit ng kanyang tiyan.
Nabigla ang lahat.
Nakatayo ang napunlaan. Humihingal, nanginginig, dumudugo—pero buhay.
Humarap siya sa mga manggagawang bubuyog.
“Hindi ko ginusto ang kumitil ng buhay,” aniya, “pero hindi ko hahayaang gumuho na lamang ang ating pugad.”
Nang gabing iyon, sa harap ng dating silid ng Reyna, buong gilas na tumayo ang bagong reyna.
Umalingasaw sa buong pugad ang mabangong amoy ng tagumpay—hudyat ng pagbabalik ng batas at kaayusan.
Lumapit ang mga bubuyog sa punlaan, naakit sa presensya ng bagong reyna.
Yumuko si Rabi. “Ikaw na ang aming Reyna. Karapatan mong mag-utos.”
Humarap ang Reyna sa kanila. “Tungkulin kong magsilbi.”
Sa loob ng pugad, masayang nagpapakain ang mga manggagawa sa mga inakay.
Masiglang lumipad sa mga hardin ang mga tagakuha ng nektar. Nagbantay muli ang mga tagapagsanggalang.
Muling bumalik ang kaayusan.
Kinagabihan, tahimik na naupo ang tatlong bubuyog sa tabi ng silid ng bagong reyna.
“Hindi siya isinilang na reyna,” ani Tala, “Siya’y hinubog ng karanasan.”