SA ilalim ng alon sa karagatan ng Palawan, kung saan ang liwanag ng ulap ay sumasayaw na parang pilak sa tubig, namumuhay ang isang higanteng taklobo.
Hindi tulad ng iba, taglay ng taklobo ang pambihirang “Perlas ng Allah”—isang napakagandang mutyang-dagat na nabuo mula sa mga humilom na sugat ng kabibe, si Binta.
Ayon sa alamat, ang sinumang may tangan ng Perlas ng Allah ay magkakaroon ng di-pangkaraniwang kapangyarihan, karunungan, at yaman.
Kaya sa isang perlas na kasingganda nito ay maraming naghahangad na nilalang.
Minsan nang nasugatan si Binta ng matalim na tipak ng bangkota—at gasgas mula sa ilang butil ng buhangin—tinakpan niya ang sugat ng patung-patong na binga’t nakar.
At sa loob ng maraming taon, ang sugat na humilom sa loob ng taklobo ay nagbunga ng hiyas ng kagandahan—ang Perlas ng Allah.
Si Ikan, ang pawikang nagbabantay kay Binta. Siya ang tagapagtanggol ng taklobo laban sa mga panganib ng karagatan.
Matigas ang talukap at bihirang magalit, si Ikan ay matiyagang nagbantay sa loob ng mga dekada—pinoprotektahan si Binta laban sa mga mandaragit at sa mga nilalang na nais kunin ang perlas.
Isa sa mga may maitim na balakin sa perlas ay si Kuro, isang dambuhalang alimango. Matatalim ang mga sipit, matagal nang gustong nakawin ni Kuro ang perlas para ibenta ito.
Umugong ang mga bulong tungkol sa Perlas ng Allah—kung paano ito kumikislap na tila sinag ng buwan, at kung paano nito kayang gawing pinakamayaman sa lahat ng nilalang ang sinumang may tangan nito.
Bago isakatuparan ang balak, kinausap ni Kuro ang kanyang matandang kaalyado, si Orbin, ang pugitang naninirahan sa loob ng isang lumubog na galyon.
“Hmmm… gusto mong nakawin ang Perlas ng Allah?” bulong ni Orbin habang umiikot ang mga galamay sa pananabik. “Oras na mapasaatin ang perlas, titiyakin kong mababayaran tayo ng pinakamataas na alok—higit pa sa mga ginto.”
Dumagundong na parang bagyo ang balita tungkol sa perlas.
Ang mga dolpin na dati’y sabay-sabay lumalangoy, ngayo’y nagtitinginan ng may pagdududa. Iniwan ng mga sihors ang kanilang mga pugad. Ang mga isda na dating mapayapang nagsisilangoy ay naging mga espiya. Ang mga hipon ay bigla na lamang nagkainteres sa taklobo. Maging ang mga palakaibigang butanding, na dating masayahin, ngayo’y naninindak.
Kasabay ng mga kwento, naging magulo ang ilalim ng karagatan. Nabuwag ang mga dating alyansa. Ang mga nabuong pagkakaibigan ay nawasak bunga ng kagustuhang mapasakanila ang perlas.
Ang dating maayos na pamayanan sa ilalim ng dagat ay nagkawatak-watak, at naging lugar ito ng pagdududa at inggit.
Isang gabing nagtago ang buwan, kumilos si Kuro. Dahan-dahan siyang gumapang papunta sa lugar ni Binta, handang gamitin ang kanyang mga sipit upang pilitin buksan ang taklobo.
“Konting bitak lang,” bulong niya. “Sapat na para makuha ang perlas—”
Ngunit mas mabilis si Ikan. Sa isang iglap, pinatihaya niya si Kuro, at napilitang pumalag-palag ang alimango sa kawalan.
Ngunit bago pa man maitaboy ni Ikan si Kuro, isang malaking anino ang kumulob sa ibabaw ng taklobo.
Biglang sumugod ang isang grupo ng mga isdang tabak—kasama ang isang barakuda.
Sa isang kisapmata, nagsalpukan sa buhangin ang mga isda at iba pang mga nilalang ng dagat. Naipit si Kuro sa ilalim ng basag bangkota, di makaalpas.
Nagdilim ang tubig mula sa tinta nang biglang lumitaw si Orbin, ang kanyang walong galamay ay mahigpit na pinuluputan ang taklobo.
Ngunit muling pinatunayan ni Ikan ang kanyang tapang—hinampas niya si Orbin nang buong lakas, at napaatras ang pugita. Napaatras din si Kuro habang gumuguho ang mga tipak ng bangkota.
Nagising si Binta sa kaguluhan, at agad isinara ang kanyang kabibe upang iligtas ang perlas. Ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa tubig na tila panalangin.
“Tama na. Magsitigil kayong lahat!” sigaw ng taklobo.
Tumahimik ang paligid. Tumining ang latak ng tubig.
Ang pugitang si Orbin—bugbog at talunan—ay unti-unting naglaho sa kadiliman, tangay ng sarili niyang tinta.
“Salamat, Ikan sa iyong paglukob sa Perlas ng Allah… Tunay kang maasahan, Kaibigan” wika ni Binta.
Hindi agad nakaimik si Kuro. Tiningnan niya ang guhong iniwan ng dambuhalang pugita at higanteng alimango.
“Tunay na kakaibang ganda’t ningning ang dala ng perlas,” bulong ni Ikan, “Ngunit nagdulot ito ng dilim sa maraming nilalang na nagnanais na makuha ito. Ang Perlas ng Allah ay nabuo bunga ng paghilom ng mga sugat—ngunit naging dahilan ito ng pagkawasak ng pagkakaibigan.”
Nang mga sumunod na araw, tumahimik ang bahura. Hindi man nakuha ng pugita’t alimango ang perlas, binago nito ang buhay sa ilalim ng karagatan.
Nagkaisa ang mga sihors, pating, at balyena sa muling pagtatanim ng bangkota.
Naging mas mahigpit ang pagbabantay ni Ikan kay Binta. Bumalik ang mga dolpin at butanding—ngunit wala na ang dating himig at saya.
Si Orbin at Kuro ay naglaho bunga ng kahihiyan, lumangoy palayo sa pinakamalalim na bahagi ng karagatan.
Makalipas ang maraming taon, muling bumalik si Orbin upang humingi ng tawad kay Binta.
Pabulong na nagtanong si Binta kay Ikan: “Maiintindihan kaya nila ang aral ng perlas?”
Napabuntong-hininga ang matandang pawikan: “Marahil hindi. Ang mga pilat ay nagpapaalala na ang paghilom ang siyang dahilan kung bakit may dalang kakaibang ganda ang perlas. Ang mga naging sugat nito ang siyang dahilan kung bakit nabubuo ang mga perlas. At tulad din ng mga kabibe, ang ating perlas ay yaong mga nagbibigay saysay sa bawat sugat na pinagdadaanan natin sa buhay.”
At ang Perlas ng Allah ay nanatili kung saan ito nararapat—sa kailalimlaliman ng dagat, hindi bilang isang mamahaling yamang-dagat, kundi bilang paalala na ang ganda ng isang perlas ay maaring magbunga ng isang kabutihan, o mamunga ng kasakiman.
***
PAGGUNAM-GUNAM
Ang kasakiman ay nagtutulak sa atin upang habulin ang mga bagay na kumikinang, ngunit binubulag tayo nito sa tunay na nagliliwanag. Ang paghahangad ng yaman, kung ugat nito ay kasakiman, ay maaaring maging pabigat sa pinakamakinang na perlas.
Ang kasakiman ay nagiging sanhi ng pagkawasak ng magandang samahan, relasyon at pagkakaibigan.
Tulad ng buhay, ang pinakamahalagang yaman ay hindi ang mga mamahaling bagay na ating hawak…kundi ang mga karanasan—masaya man o may pait—na natututunan nating pahalagahan sa buhay.